Quantcast
Channel: Kapirasong Kritika – Pinoy Weekly
Viewing all 151 articles
Browse latest View live

Kasamang Joaquin

$
0
0

Nakilala niya si Wendell Mollenido Gumban sa kampus, bilang nakababatang aktibista. Madali niya itong natandaan, dahil kahit tahimik ay madalas magpakita at masigasig sa mga gawain. Nagkawalay sila ng lugar na kinikilusan at muling nagkasama sa kilusang paggawa. Sa pagitan ay ang mga taon ng maigting na pakikibaka laban sa rehimeng US-Arroyo, kung saan napanday, kapwa tumibay at humusay, si Wendell.

Sa pagkakaalala niya, wala yatang pulong na hindi pinag-ambagan nang malaki ni Wendell. Lagi nitong baon ang mga batayang prinsipyo, mga paglalagom at pagtatasa, at mga personal na obserbasyon sa tinatakbo ng gawain – na lagi niyang iniuugnay sa mga pagsusuri, tungkulin, at gawain sa kasalukuyan. Buhay ang pagiging propagandista at aktibista niya; lagi siyang nagsisikap sapulin ang pinakamatalas na linya at balangkas.

Noon pa man, bagamat gagap ni Wendell ang halaga ng gawaing propaganda sa antas-istap, mas gusto niyang tanganan ang gawaing pag-oorganisa. Bagamat tanggap niyang kailangan ang propaganda sa midya, mas gusto niyang gumawa ng mga propagandang direktang umaabot sa masa. Bagamat unawa niya ang mga gawain sa opisina, mas gusto niyang mamalagi sa mga empresa at komunidad na nasa kaigtingan ng pakikibaka.

Kuha ni <b>Myan Lordiane</b>

Kuha ni Myan Lordiane

Bakla si Wendell, at napakahirap ilarawan ng pagkatao niya nang hindi ito nasasabi. Bukod sa “Wanda,” tinatawag din siya noon na “Shala,” hango sa salitang “sosyala.” Siya iyung tipo ng tao na kahit hindi naligo ay mukhang malinis at mabango at kahit magulo na ang sitwasyon ay may mayuming dignidad. Malambot at banayad ang kilos ng katawan niya, kahit kapag nakakasugat na ang talas ng dila at talim ng mga mata niya.

Bilang bakla, namulat si Wendell, sa pamamagitan ng mapait na karanasan, sa pag-iral ng pang-aapi at diskriminasyon sa mga homosekswal sa kasalukuyang lipunan. Naging tuntungan niya ang kamulatan at karanasang ito para magagap ang pag-iral ng pang-aapi at pagsasamantala sa masang manggagawa at magsasaka – na lalo niyang nasapul at kinamuhian sa pagsanib sa buhay at kabuhayan at pakikibaka nila sa araw-araw.

Minsan, may nakausap si Wendell na kasapi ng New People’s Army sa Timog Mindanao, at hindi na siya nilubayan ng mga kwento – ng paglakas ng pakikibaka at mahusay na pagtrato sa mga bakla. Nagpasya siyang maging NPA at sa pangalang “Ka Joaquin,” sa loob ng mahigit limang taon ay nag-ambag siya sa pagsulong, sa harap ng matinding pasismo at maging mga disaster, ng isa sa pinakamalakas na yunit ng NPA sa bansa.

Pakikiisa sa laban ng mga uring magsasaka, kahit noong nasa kalunsuran pa. <b>Myan Lordiane</b>

Pakikiisa sa laban ng mga uring magsasaka, kahit noong nasa kalunsuran pa. Myan Lordiane

Namatay si Wendell, edad 31, sa isang labanan ng NPA at militar sa New Bataan, Compostela Valley. Ang petsa: Hulyo 23, dalawang araw bago ang unang State of the Nation Address ni Pang. Rodrigo Duterte kung saan idineklara niya ang unilateral na tigil-putukan sa NPA. Gusto ni Duterte na bigyang-daan ang usapang pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines na kinabibilangan ng NPA at ng gobyerno.

May mga nagtatanong kung nahuli ba ng dalawang araw ang deklarasyon ni Duterte. Siguro, pero hindi ko alam – kung paanong hindi pa natin alam kung paano tatakbo ang tigil-putukan. Ipapatupad ba ito ng buong militar? Ng mga ultra-Kanan sa militar? Ng mga naghaharing uri at imperyalismong US? Makatarungan ang hakbangin ni Duterte, walang duda; maaaring makabawas sa saklaw at tindi ng armadong labanan sa bansa. (Inatras na ni Duterte ang unilateral ceasefire nitong gabi ng Hulyo 30. – Ed.)

Pero mas mahalaga siguro na tingnan ang pagkamatay ni Wendell na bahagi ng nagpapatuloy na armadong labanan, at ng umiigting na tunggalian ng mga uri, kahit pa ang pangulo ng Pilipinas ay alyado ng Kaliwa. Kahit ang relatibong maliliit na pagbabagong itinutulak ni Duterte ay nahaharap sa matinding paglaban ng mga naghahari, at hindi sila maaasahang itigil nang walang laban ang kontra-insurhensya.

Sa ganito mas maitutuntong ang laging panawagan ni Wendell sa mga kaibigan at kasama, sa pag-uusap, text o liham: sumapi sa hukbong bayan, paglingkuran ang sambayanan! Panawagan iyan na buong buhay niyang pinagsikapang tuparin, hanggang huling hininga. Siyang ayaw sa mapurol at gusto ay matalas, kumawala sa makitid tungo sa malawak, at ang laging hangad ay ibayong paglakas.

Pagpupugay na pinakamataas!

30 Hulyo 2016

 


Sa Parangal kay Sir Leoncio

$
0
0

Paulan-ulan noong maghapon at gabi ng Agosto 25, Huwebes. Pero kahit parang tatrangkasuhin, pinilit niyang pumunta sa mortuaryo ng Sta. Maria della Strada Parish sa kanto ng Katipunan at ng kalsadang “Pansol Avenue” pala ang pangalan. Ang okasyon, luksang parangal ng mga kaibigan at kasama kay Leoncio Co – kilala ng mas marami na propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, bagamat kilala rin ng marami na aktibista at rebolusyonaryo sa mahabang panahon. Pumanaw si Sir Leoncio sa edad na 69 noong Agosto 21 dahil sa atake sa puso.

Katulad ni Prop. Monico M. Atienza na kaibigan at ka-kwarto niya sa Faculty Center, si Sir Leoncio ay bahagi ng impormal na imprastruktura ng suporta na tumulong sa mga aktibista sa pamantasan. Bilang may-ari ng mga kainan sa kampus, nagpakain siya ng maraming aktibistang kumikilos nang buong panahon at kadalasa’y gipit sa pera. Nagbigay rin siya ng maraming tulong pinansyal sa iba’t ibang pagkakataon. Hindi kailangan ng maraming salitaan sa pagpapakain, pero sa paghingi ng pinansya, marami. Lagusan ang pagtatanung-tanong nila kaugnay nito ng pagbabahagi ng mga aral sa paggawa at estilo ng paggawa.

Sa pakikipag-usap kay Sir Nic, kung saan nagsilbing parang tagamasid si Sir Leoncio, mas nakilala niya ang ikalawa. Masaklaw ang alaala at kaalaman ni Sir Nic, pero kapag may bahaging kinakapos – kadalasan sa mga pangalan ng mga tao at lugar – sumasalo si Sir Leoncio, sabay-dagdag ng sariling paliwanag. Malalim ang kaalaman nila sa kasaysayan ng Pilipinas at pakikibaka ng sambayanang Pilipino, personal man nilang naranasan o hindi, gayundin sa Marxismo-Leninismo-Maoismo. Pareho silang tulay sa teorya at praktika ng pagrerebolusyon.

Naalala niya, sa partikular, na nalula siya sa mga detalyeng ikinwento ni Sir Leoncio, nang minsang sumama ito sa usapan kay Sir Nic, tungkol sa insureksyunismo ni Wang Ming sa Tsina, noong nag-uumpisa pa lang ang rebolusyonaryong pakikibaka sa naturang bansa, at ang papel rito ng payo ni Joseph Stalin. Na ang aral, kung tama ang pagkaalala niya, ay ang laging pangangailangan ng kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan mula sa paggagap sa Marxismo. At ang pagsisikap na gawin ang rebolusyon na nakabatay sa reyalidad ng Pilipinas.

Klasikong larawan ng ilang haligi ng Kabataang Makabayan noong dekada '60 na lumabas sa isang magasin. Nasa foreground si Jose Maria Sison, tagapagtatag ng KM. Pangalawa sa kanan si Leoncio Co.

Klasikong larawan ng ilang haligi ng Kabataang Makabayan noong dekada ’60 na lumabas sa isang magasin. Nasa foreground si Jose Maria Sison, tagapagtatag ng KM. Pangalawa sa kanan si Leoncio Co.

Umaapaw sa tao ang lugar pagdating niya, kaya tumayo na lang siya sa likod. Maraming pamilyar na mukha: mga kapwa-aktibista, lalo na’t mga kasabayan ni Sir Leoncio, mga kapwa-guro nito, at maging mga empleyado ng mga kainang pag-aari nito. May maiikling bidyo ng pakikiramay nina Jose Maria Sison, Juliet de Lima Sison, Alan Jazmines, at Satur Ocampo mula sa usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway; talumpati ng mga kasabayan at kabataang aktibistang natulungan at nagabayan; at mga pangkulturang pagtatanghal.

Maraming naikwento: ang pag-iingat niya sa mimeographing machine na pinakamahalagang ari-arian sa pambansang tanggapan ng Kabataang Makabayan bago ang Batas Militar. Ang pagkakadakip at pagkakakulong niya sa Fort Bonifacio. Ang pagiging “ideological man” niya ng kolektibang kinabilangan niya noon. Ang papel niya sa pagpapalaganap ng mga rebolusyonaryong sulatin sa hanay ng noo’y bagong tatag na New People’s Army sa Capas, Tarlac. Kung si Ka Satur raw ay laging tumatakbo para maghanda sa paglaya, si Sir Leoncio ay nagbuhat ng mabigat at naging “parang Arnold Schwarzenegger” sa pangangatawan sa kulungan.

Isa sa pinakahuling nagsalita si Prop. Temario C. Rivera, guro ng Agham Pampulitika sa UP-Diliman. “Huwag na tayong magpatumpik-tumpik pa,” bungad niya, “isa si Leoncio Co sa mga muling nagtatag ng Communist Party of the Philippines.” Inisa-isa niya ang 12 pangalan ng mga dumalo sa kongreso ng muling pagkakatatag. Nang malimutan niya ang isang pangalan, sinabi ito ng mga dumalo, na parang galing sa isang epikong bayan na alam nilang lahat.

Panawagan ni Rivera sa mga kasabayan, “gawing kongkreto” ang paggunita at pagbabahagi ng karanasan sa pakikibaka sa nakakabatang henerasyon ng mga aktibista. Sa mahabang panahon, aniya, itinago nila, ng mga kasabayang aktibista ang kanilang mga kwento dahil sa konsiderasyon sa seguridad, pero mahalagang maibahagi na ang mga ito sa mga nakakabata. Lalo na, aniya, sa pagkapangulo ni Rodrigo Duterte, may pangangailangan, at pagiging bukas din, sa mga pagbabahagi ng karanasan tungkol sa pambansa-demokratikong rebolusyon sa bansa.

Marami siyang sinabi pagkatapos. Na nakakapanghinayang ang pagkamatay nina “Cio” at Sir Nic dahil “para silang mga encyclopedia ng pakikibaka.” Na talagang nag-aral at nag-aaral si Sir Leoncio “ng mga klasiko” ng Marxismo, may masaklaw na koleksyon ito ng mga libro, at “mapapahiya” ang mga koleksyon ng ibang propesor. Na mahusay si Leoncio sa pagsasanib ng teorya at praktika o praxis. Na papakitaan talaga ng galit ni Sir Leoncio ang mga dating kasamang nanira, lalo na’t nagtaksil, sa Kilusan; at ng “sobra-sobrang pagmamahal” ang mga nanatiling matatag. Tunay nga, na dapat maibahagi sa mga nakakabata at sa lahat ang ganitong mga buhay.

Maiksi ang huling pananalita ni Bonifacio “Ka Boni” Ilagan, tagapangulo ng First Quarter Storm Movement at kaibigan nina Sir Nic at Sir Leoncio. Aniya, hindi lider-masa si Sir Leoncio na nakikitang maalab na nagtatalumpati sa mga protesta, pero ipinakita ng buong buhay niya ang maalab na pagtangan sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Nanawagan siya ng malakas na palakpakan para sa buhay at pakikibaka ni Sir Leoncio, at ganadong tumugon ang mga dumalo. Nagtapos sa mga sigaw: Mabuhay ang rebolusyon!

28 Agosto 2016

 

Digong Mang May Layang Lumipad

$
0
0

Laman ngayon ng maraming publikasyong internasyunal, kapwa online at limbag, ang Pilipinas. Ang dahilan: ang mga pahayag nitong Setyembre ni Pang. Rodrigo Duterte tungkol sa US, sa ugnayan ng Pilipinas dito, at sa ugnayan ng Pilipinas sa China at Rusya.

Sa esensya, ang mga pahayag na ito’y kritikal sa US, naggigiit ng kalayaan ng Pilipinas, at nakikipagmabutihan sa China at Rusya – na itinuturing na ngayong lumalakas bagamat mas mahina pa ring karibal ng US sa paghaharing pang-ekonomiya at pangmilitar sa daigdig. Ang pakete: ang pagsusulong ng “independyenteng patakarang panlabas” ng Pilipinas, ayon sa mga salita mismo ni Duterte.

Maagap ang Kaliwa sa pagpirmi ng datos mula sa mga pahayag: unang beses ito na ang nakaupong pangulo ng Pilipinas ay nagsalita nang kritikal sa pagdidikta ng US sa Pilipinas at nang pabor sa kalayaan ng Pilipinas mula sa US. Isang anomalya ang naturang mga pahayag sa kasaysayan ng mga pangulo ng Pilipinas, kaya naman nagtatagisan sa opinyong publiko, sa Pilipinas at sa mundo, ang dalawang balangkas ng pagbasa sa mahahalagang pahayag na ito.

Ang dominanteng balangkas ng pagbasa sa mga pahayag ni Duterte ay kaugnay ng kanyang “gera kontra-droga” na, ayon sa balita, ay responsable sa pagpatay sa mahigit 3,000 kataong pinaghihinalaang adik o tulak ng droga. Hindi maitatanggi, ito naman talaga ang kagyat na konteksto ng mga pahayag: ang pagtanggi ni Duterte sa posibilidad na mapangaralan ni US Pres. Barack Obama tungkol sa mga paglabag sa mga karapatang pantao kaugnay ng gera kontra-droga sa noo’y ilulunsad na pulong ng ASEAN sa Laos. Wala aniyang karapatan, sa masaklaw na pakahulugan nito, ang US na mangaral sa Pilipinas sa usapin ng karapatang pantao.

Walang duda: kasuklam-suklam ang mga pagpatay kaugnay ng gera kontra-droga ng gobyernong Duterte. Sa pangunahi’y usaping sosyo-ekonomiko at hindi pulis-kriminal ang pagiging malaganap ng iligal na droga; sa ganitong pag-unawa dapat magmula ang paglunas dito. Sa nangyayari ngayon, nalalabag ang karapatan ng mga pinaghihinalaang adik o tulak ng droga, na ang ibayong nakakarami ay mahihirap, habang hindi napapanagot ang malalaking isda sa likod ng talamak na droga, at kahit nga ang mga adik at tulak ng droga na mayayaman.

Pero may isa pang balangkas ng pagbasa sa mga pahayag ni Duterte – na may mga batayang matibay rin, kung hindi man mas matibay sa dominante. Totoong bumuhol ang alternatibong balangkas na ito sa dominanteng balangkas, dahil sa mga aksyon mismo ni Duterte at sa kondisyong kinalagyan niya, pero makabuluhang ihiwalay at, para sa masang anakpawis at sambayanang Pilipino, itulak.

Ang alternatibong balangkas ng pagbasa: ang paglihis ni Duterte sa mga dikta ng gobyerno ng US sa gobyerno ng Pilipinas sa larangan ng militaristang pandarahas sa Kaliwa, ng maka-US na patakarang panlabas, at, bagamat minimal pa, ng neoliberal na patakarang pang-ekonomiya. Paglihis – para ilarawan ang maliliit na hakbang palayo sa naturang mga dikta; maliliit pero palayo, palayo pero maliit; masyado pang matapang ang “paghulagpos,” lalo na ang “pagbaklas.”

Ang isang pinakamalinaw na sukatan ng naturang paglihis, na siyang pinakamalinaw sa ngayon na kinatawan ng mga dikta ng gobyerno ng US sa gobyerno ng Pilipinas, ay ang panunungkulan ni dating Pang. Noynoy Aquino sa bansa. At hindi lang ito pagsisi sa pinalitang rehimen, tulad ng ginawa ni Aquino mismo sa rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Ipinatupad ng rehimeng Aquino ang mga dikta ng gobyerno ng US sa larangan ng militaristang pandarahas sa Kaliwa, maka-US na patakarang panlabas, at neoliberal na ekonomiya – mga diktang pinaka-angkop sa kasalukuyan. Masasabi nga na marahil ay mas masahol pa ang gusto nitong idikta ngayon, dahil sa pagsahol ng kronikong krisis ng sistemang malapyudal at malakolonyal sa bansa, at paglalim ng depresyong pang-ekonomiya sa daigdig at pag-igting ng tunggalian ng malalaking kapangyarihan sa mundo.

May paghupa sa ekstrahudisyal na pagpaslang sa mga aktibista kumpara sa panahon ni Aquino. Lahat ng konsultant ng National Democratic Front na ikinulong ni Aquino ang pinalaya ni Duterte, at may pangakong papalayain pa ang ibang detenidong pulitikal. Ang mga Lumad na pinalayas sa kanilang komunidad ni Aquino, nakabalik sa panahon ni Duterte. Ang usapang pangkapayapaan sa NDF na maagang sinabotahe ni Aquino, agad binuksan at isinulong ni Duterte. Ang mga maka-Kaliwa na todong inatake ni Aquino, pinapasok pa ni Duterte sa kanyang gabinete.

Noong panahon ni Aquino, mapayapa dahil mapagkaibigan ang relasyon ng Pilipinas sa US. Nasanay na ang mga tao sa kaliwa’t kanang balita tungkol sa pagpasok at pagdaong ng mga barkong pandigma ng US, mga magkasamang pagsasanay-militar ng mga sundalong Amerikano at Pilipino, at paglipad ng mga drones sa himpapawid ng Pilipinas. Malinaw na kontrabida ang China at Rusya. Ngayon, sa mga pahayag ni Duterte, maingay dahil kritikal ang ugnayan ng Pilipinas sa US, pinalayas ang special forces ng US sa Mindanao, at ipinapakitang pwede naman palang makipagkaibigan sa China at Rusya.

Wala pang pagbabagong nagagawa si Duterte sa larangan ng ekonomiya, at sa pangkalahatan ay neoliberal ang mga patakarang namamayani rito, gayundin ang mga “eksperto” na pinagkakatiwalaan niya rito.

Pero makabuluhan kahit ang mga pahayag niya sa ekonomiya, may paglihis sa mga neoliberal na dikta ng gobyerno ng US: Pambansang minimum na sahod, pagbasura sa kontraktwalisasyon at dagdag-pensyon para sa mga manggagawa. Walang demolisyon hangga’t walang relokasyon para sa mga maralitang lungsod. Pagpapauwi sa mga migranteng Pilipino. Binanggit niya ang industriyalisasyon sa kanyang unang State of the Nation Address, at tuluy-tuloy ang pagtuligsa niya sa tinatawag niyang “oligarkiya.”

Sinusuportahan din niya ang itinalaga niyang maka-Kaliwa sa Department of Agrarian Reform na mamahagi ng lupa sa mga magsasaka at ipatigil ang land-use conversion sa loob ng dalawang taon. Gayundin sa Department of Social Welfare and Development, na maghatid ng serbisyo ng gobyerno sa mga maralita at nasalanta.

Pangulong Duterte sa Asean Summit noong nakaraang linggo. <b>Malacanang Photo</b>

Pangulong Duterte sa Asean Summit noong nakaraang linggo. Malacanang Photo

Gaya ng paulit-ulit nang binabanggit ng Kaliwa, hindi mula sa kawalan ang mga hakbangin at pahayag na ito, kundi nasa rekord sa pulitika ni Duterte: Dating miyembro ng radikal na Kabataang Makabayan, estudyante ni Prop. Jose Maria Sison sa kolehiyo, at ipinagmamalaki ang mga ito. Kaibigan ng NDF, kundi man ng New People’s Army, sa Mindanao.

Bagamat kailangan pa niyang patunayan ang kanyang pagmamalaking siya’y sosyalista at unang maka-Kaliwang pangulo ng Pilipinas, ipinapakita na niyang nakikinig siya sa mga hinaing ng sambayanan, na madalas na isinasatinig ng Kaliwa.

Kritikal rin sa US sa pagtakas kay Michael Meiring, umano’y CIA na aksidenteng nagpasabog ng bomba sa isang hotel sa Davao, noong 2002. Tumutol sa paggamit sa Davao bilang base ng operasyon ng mga drones ng US at lunsaran ng magkasamang pagsasanay-militar ng mga tropang Amerikano at Pilipino.

Sa kabilang banda, anumang paglihis ni Duterte sa mga dikta ng gobyerno ng US ay tulak din ng pagkilos at pagpanawagan ng sambayanang Pilipino. Nanalo siyang pangulo bilang botong protesta sa rehimeng US-Aquino at sa lahat ng kabulukang kinakatawan nito.

Ang pagiging bukas sa Kaliwa ay tulak din ng pagprotesta ng sambayanan sa mga paglabag ng rehimeng US-Aquino sa karapatang pantao, kalakhan ng mga aktibista, lider at tagasuporta ng Kaliwa. Ito ang nagtulak kay Duterte na humanap ng ibang paraan ng pagharap sa armadong rebolusyon at Kaliwa, tampok ang usapang pangkapayapaan. Rurok ng naturang pagprotesta ang malawak na pagkondena sa masaker sa Lianga noong Setyembre 2015 at sa pamamaril at pagpatay sa Kidapawan nitong Abril 2016, panahon ng kaigtingan ng pulitika sa bansa dahil sa eleksyon.

Ang pagiging kritikal sa US ay tulak din ng pagprotesta ng sambayanan sa papaigting na presensyang militar ng US sa bansa. Tuluy-tuloy ang mga protesta sa usaping ito, na ang mga susing salita ay Tubbataha at Jennifer Laude. Tampok, syempre pa, ang pagkamatay ng 44 kagawad ng Special Action Force sa isang operasyong pinamunuan ng US sa Maguindanao, na nagdulot ng pinakamatinding krisis pampulitika sa rehimeng US-Aquino.

Ang mga pahayag ni Duterte sa ekonomiya ay tulak din ng tuluy-tuloy, malawak at matunog na protesta laban sa mga pahirap na patakaran ng rehimeng US-Aquino.

Walang duda: hindi si Duterte ang magdudulot ng tunay na pagbabago sa bansa; nasa sambayanang Pilipino – kasama ang marami niyang tagasuporta – ang hamon, tungkulin at kapangyarihang iyan. At wala pa ring tunay na pagbabago sa ating bayan.

Pero nagpapakita si Duterte ng kahandaang tumulong sa pakikibaka para sa tunay na pagbabago. Mahalaga ang pagkilos ng sambayanan para patatagin siya sa paglihis sa mga dikta ng gobyerno ng US, at para tuparin ang mga pangako niya lalo na sa ekonomiya. At kahit magawa niya ang lahat ng ito, hindi pa rin lubos na giginhawa ang nakakaraming Pilipino hangga’t hindi naibabagsak ang naghaharing sistema sa bansa.

Sa ganitong kalagayan, makaisang-panig at hindi patas na basahin ang mga pahayag ni Duterte hinggil sa “independyenteng patakarang panlabas” sa balangkas lang ng “gera kontra-droga.” Mas masahol, ang ganitong balangkas ng pagbasa ay ginagamit ngayon ng gobyerno ng US para pagmukhaing masama ang gobyernong Duterte sa mata ng daigdig.

Anuman ang paghusga ng mga Pilipino sa mga akusasyon ni Edgar Matobato, na nagpapakilalang dating mamamatay-tao ng Davao Death Squad, laban kay Duterte sa pagdinig ng Senado, ginagamit ang mga ito ngayon sa internasyunal na midya para patatagin ang dominanteng balangkas ng pagbasa sa pagtuligsa ni Duterte laban sa US – na ito’y pagtatakip lang sa mga paglabag sa karapatang pantao na ibinubunsod ng gera kontra-droga.

Marapat lang ang pagkondena at pagprotesta sa mga pagpatay bunsod ng gera kontra-droga ng gobyerno ni Duterte, pero hindi sa paraang minamaliit o niyuyurakan ang mga pahayag niya pabor sa independyenteng patakarang panlabas, at iba pang paglihis niya sa mga dikta ng gobyerno ng US. Nasa interes ng sambayanang Pilipino na itulak ang gobyernong Duterte na isulong ang independyenteng ugnayang panlabas.

Sa kabilang banda, sa totoo lang, minimal pa rin ang nagagawa ni Duterte sa pagsusulong ng independyenteng patakarang panlabas, kaya madaling mabansagan ang kanyang mga pahayag na “salita lang.” Pero, sa panimula, mahalaga ang mga salita; mahirap maisagawa ang mabibigat na hakbangin nang walang pag-aanunsyo ng mga ito. Kaya marapat lang ang ginagawa ng Kaliwa: ang papurihan ang mga pahayag kasabay ng paghamon na tapatan ito ng aksyon.

Kalimutan mo man ang kasaysayan, tiyak na hindi ka kakalimutan nito, sabi ng isang awtor. Magbulag-bulagan man ang mga komentarista sa mga paglihis ni Duterte sa mga dikta ng gobyerno ng US, tiyak na bantay-sarado at markado ang mga ito ng gobyerno ng US mismo. At mahalagang balik-aralan ang mahabang rekord nito sa destabilisasyon, pagkudeta, at paggera pa nga sa mga gobyernong sumasalunga rito.

Malinaw ang bidyo ng press conference ni Duterte: hindi niya minura si Obama, gaya ng ipinagpuputok ng butsi ng mga balita. Pero baka wala nang silbing maghabol na ituwid ang lumaganap. Interesante ang pagkakamaling ito ng kapitalistang midyang dayuhan at lokal: dahil sa totoo lang, sa mga pahayag at hakbangin niya sa simula ng kanyang termino, maliit pa man ang mga ito para sa sambayanang Pilipino, tiyak na para sa gobyerno ng US ay para na rin itong minura ng pangulo.

20 Setyembre 2016

 

Ang Tunay na Kalaban ni Duterte Ngayon

$
0
0

Oktubre 19, nagprotesta ang mga pambansang minorya – Igorot, Aeta, Lumad, Moro, at iba pa – sa US Embassy, kasama ang mga sumusuporta sa kanilang organisasyong kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan. Bago nito, ilang araw na sila sa Kamaynilaan, sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman sa partikular, para iprotesta ang patuloy na militarisasyon at operasyon ng mga minahan at plantasyon sa mga lupaing ninuno. Itinayo rin nila ang kanilang pambansang alyansa, ang Sandugo.

Sa araw na iyun, tema ng protesta ang pagsuporta sa panawagan ni Pang. Rodrigo Duterte para sa “independyenteng patakarang panlabas.” Tinuligsa ng mga pambansang minorya ang papel ng US kaugnay ng kanilang mga isyu: mga kompanyang Amerikano sa pagmimina at plantasyon, pagsasanay ng militar ng US sa mga sundalong Pilipino, paglahok ng mga sundalong Amerikano sa mga operasyong militar, at pagtutulak ng gobyerno ng US ng mga patakarang neoliberal kaugnay ng pagmimina at plantasyon.

Nasa China si Duterte habang nagaganap ang protesta. Mahalaga ang pagbisita para sa tinawag ng isang manunuring pampulitika na “Pivot to China” ng pangulo – pagbaling palayo sa US na may nauna namang patakarang “Pivot to Asia” kung saan mahalaga ang Pilipinas. Sa China, palaban, gaya ng lagi, ang mga pahayag ni Duterte: “paghiwalay” sa US hindi lang sa larangang militar, kundi sa ekonomiya; paghanay sa China at Rusya – na naggigiit ng kanilang soberanya laban sa US at may ambisyong maging imperyalista.

Pero nakakagulat, sa panahon ni Duterte kahit paano, ang naging tugon ng kapulisan. Nang patapos na ang programa ng mga nagpoprotesta, marahas na binuwag ang kanilang hanay ng mga pulis. Bukod sa pamalo at panangga, na karaniwan na, ang mga pulis ay nagpaputok ng warning shots at gumamit ng teargas, na hindi karaniwan. Tampok na imahen ng protesta ang trak ng mga pulis na umararo-sumagasa sa mga nagpoprotesta. Gayundin ang grabeng pamamalo at maramihang pag-aresto sa kanila.

Marami ang sugatan, nasaktan, at isinugod sa ospital. Totoo, nagpumilit sila, nilampasan ang humarang na hanay ng pulis, pero bahagi ito ng paggigiit ng karapatang magprotesta. Totoo, nagsulat sila ng mga islogan sa pader ng embahada, pero minsang pagpapakita lang ito ng galit sa araw-araw na krimen laban sa kanila sa kanilang mga komunidad. Hindi sila karapat-dapat sa tangkang pagpatay gamit ang trak ng pulis, na ang pag-atras-abante ay larawan ng kawalan ng pagkilala sa halaga ng buhay nila.

Isang araw bago nito, hindi gaanong tumampok sa balita, ginamitan din ng militar ng water cannon ang mga pambansang minorya sa protesta ng huli sa Camp Aguinaldo. Kinondena ng mga pambansang minorya ang militarisasyon sa kanilang komunidad, na nagpapatuloy sa kabila ng unilateral ceasefire na idineklara ng militar laban sa New People’s Army. Tinuligsa rin nila ang magkasunod na pagpaslang kina Anoy Pasaporte, kabataang aktibista, at Jimmy Saypan, lider-magsasaka, sa Compostela Valley.

Sa isang banda, nakakagulat din ang naging tugon ng mga troll na tagasuporta ni Duterte, na labas sa Kaliwa, sa social media. Ipinagtanggol nila ang pandarahas sa mga nagprotesta, dinepensahan ang kapulisan, at siniraan ang mga aktibista: kesyo hindi tunay na tagasuporta ni Duterte, mga bayaran sa pagpoprotesta, at, pinakamasahol sa lahat, kampon ng mga dilawan – ibig sabihin, bayaran ni Noynoy Aquino. “Hindi ka-DDS” o Die-hard Duterte Supporters ang sabi ng mga ito tungkol sa mga aktibista.

Demonstrador sa harap ng embahada ng US: sumusuporta sa independyanteng patakarang panlabas ni Pangulong Duterte. <b>Boy Bagwis</b>

Demonstrador sa harap ng embahada ng US: sumusuporta sa independyanteng patakarang panlabas ni Pangulong Duterte. Boy Bagwis

Kaya silang pinapalayas at dinadahas sa kanilang mga komunidad, tumungo sa Kamaynilaan para iparinig ang kanilang kalagayan at panawagan, ay dinahas at pinalayas muli. Silang humihingi ng katuparan ng mga pangako ni Duterte ay pilit pinatahimik ng pulisya at militar niya. Silang nagsusulong sa “independyenteng patakarang panlabas” ay nilusob ng mga dapat ay sumusuporta sa pangulo. At sila pa, sa dulo, ang inaakusahang kalaban ni Duterte, kakampi ng mga dating nandahas sa kanila.

Sa loob ng isang buwan pagkatapos ideklara ni Duterte ang “independyenteng patakarang panlabas,” humanay ang mga tutol rito. Sa panig ng gobyerno ng US, tila nagbabala ng pagpapatalsik si Assistant Secretary of State Daniel Russel nang sabihin nitong “seryosong pagkakamali… na maliitin ang pagiging malapit ng publiko sa US. People power iyun.” Todo agad ang banat ni dating Pang. Fidel V. Ramos, dating alyado ni Duterte, grabeng maka-US, at ngayon lang tumuligsa sa bagong-upong presidente.

Tuluy-tuloy sa pagpuna si Alberto del Rosario, dating kalihim ng Foreign Affairs ng rehimeng Noynoy Aquino, na tumawag pang “pambansang trahedya” sa mga pahayag at hakbangin ni Duterte. Si Bise-presidente Leni Robredo naman, binanggit agad ang “international aid” sa bansa – parang tinuturuan ang US kung ano ang gagawin para saktan, sa akala niya, ang gobyernong Duterte. At parang nagtatawag na ng kudeta ng militar si Sen. Antonio Trillanes IV sa pagbansag kay Duterte na “Komunista.”

Kakaiba ang ganito kaaga at katalim na banat ng US at mga pulitiko sa pangulo, taliwas sa nagpapatuloy na malawak na suporta sa kanya ng mga Pilipino. Totoo ang pagsusuri ng Communist Party of the Philippines, na nagdeklara ng kahandaang magbuo ng “patriyotikong alyansa” sa pagitan nito at ng “rehimeng anti-US” ni Duterte: “Ang kanyang mga birang anti-US ay nagpapalalim sa hidwaan ng mga naghaharing uri.” Hindi na maitatago: may bigat at lalim ang mga pahayag at hakbangin ng pangulo.

May bigat at may lalim dahil posible batay sa mga materyal na kalagayan sa Pilipinas at mundo, na inihanay rin ng CPP: ang nagpapatuloy na krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal, pagkalantad ng kabuktutan ng mga patakarang neoliberal ng US sa mundo, pagkabanat at paghina ng US sa larangang militar, at pag-usbong ng China bilang malakas na kapitalistang bansa na dikit sa Rusya at kalaban ng US. Ilang taon nang kapansin-pansin ang pag-igting ng girian sa pagitan ng US at China-Rusya.

Sa ganitong pagsusuri mainam tingnan ang pandarahas sa mga protesta ng mga pambansang minorya at tagasuporta nila, at maging ang naging reaksyon sa social media. Hindi na lang ito repleksyon ng matagal na at sistemikong “bayas (bias)” ng kapulisan at militar, maging ng mga trolls, laban sa mga pambansang minorya at maralita – bagamat tiyak na kasama ito. Maaaring galaw na ito ng mga maka-US na paksyon ng “oligarkiya,” kahit iyung nasa hanay ng mga tagasuporta ni Duterte.

Ganito ang tunguhin ng analisis ni Fidel V. Agcaoili, bagong chief peace negotiator ng National Democratic Front of the Philippines, nang sabihin niyang may mga elemento ng kapulisan at militar na gustong isabotahe ang usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng pinakahuling kaso ng pagdahas sa mga pambansang minorya at mga tagasuporta nila. Tiyak na hindi sila masaya sa usapang pangkapayapaan, kahit mabuti ito sa bansa, at sa pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, kahit kulang pa nga.

Malaking bloke ang Kaliwa sa hanay ng mga nagsusulong ng tunay na independyenteng patakarang panlabas sa panig ng mga sumusuporta kay Duterte. Nasa interes ng mga maka-US at maka-Kanan na elemento sa bansa, maging iyung nasa hanay ng mga maka-Duterte, na kumbaga’y sagasaan at hindi pakinggan ang tinig ng Kaliwa. Kahit pa ang nasa puso at paninindigan talaga ni Duterte sa iba’t ibang pagkakataon ay mas dikit sa Kaliwa kaysa sa maka-US at maka-Kanan – lalo na sa usapin ng patakarang panlabas.

Kung susundin, samakatwid, ang “independyenteng patakarang panlabas” ni Duterte, hindi ang mga pambansang minorya o ang Kaliwa ang dapat tinutuligsa ng “mga tunay na ka-DDS” o iyung mga naniniwala sa puso at paninindigan ng pangulo. Ang dapat tinutuligsa ay ang mga kumokontra sa nagsasariling patakarang panlabas – ang US at mga paksyon ng oligarkiya na malinaw na naghahandang ibagsak si Duterte, kahit nagsisimula pa lang siya, kung hindi siya mapapasunod sa kanilang dikta.

Ang dapat, suportahan ng mga ka-DDS ang mga pambansang minorya at ang Kaliwa.

22 Oktubre 2016

 

Salita sa Panalo ni Trump

$
0
0

Maraming nagulat sa pagkapanalo ni Donald Trump ng Republican Party sa kakatapos na eleksyong pampresidente sa US. Hindi inakala ng marami na ang bilyonaryong sumikat dahil sa reality show na The Apprentice at sa galit na linyang “You’re fired!” ang papalit kay Barack Obama sa White House.

Ang pagkagulat na ito siguro ang dahilan ng pagdagsa sa social media ng mga artikulong nagpapaliwanag kung bakit siya nanalo. At kung bakit natalo si Hillary Clinton – Secretary of State ni Obama, kandidato sa pagka-presidente ng Democratic Party, at idineklarang mananalo ng midya ng malalaking kapitalista.

Mula sa mga artikulong ito mahahalaw ang mga sumusunod na mga salita, na kung hindi man susi ay interesante sa pag-unawa sa panalo ni Trump.


Popular vote. Ang totoo, panalo si Hillary sa “popular vote” o aktwal na boto ng mga mamamayang Amerikano. Ayon sa pinakahuling balita habang isinusulat ito, nakakuha siya ng botong 63.4 milyon, lamang sa 61.2 milyon ni Trump. Pangalawa pa nga raw siya kay Obama sa pinakamataas na botong natanggap ng sinumang kandidato sa pagkapangulo ng US sa kasaysayan. Masasabi, batay sa boto, na hati ang mga mamamayang Amerikano.

Larawan ni <b>Jo A. Santos</b>

Larawan ni Jo A. Santos


Electoral college. Pero may sistema ang US sa paghalal ng presidente at bise-presidente na ang tawag ay “electoral college.” Dito, may nakatalagang “electors” ang bawat state na kasing-dami ng senador at representante nito; napupunta ang kanilang boto sa kandidatong nanalo sa popular vote sa kanilang state.

Ang mahalagang punto: pwedeng tinambakan ni Hillary si Trump sa popular vote ng ilang state na may kaunting elector; pero sa dulo, iyung bilang lang ng elector ng naturang state ang mapupunta sa kanya. Sa huli, 306 ang electoral college voters na nakuha ni Trump kumpara sa 232 ni Hillary. Panlima si Hillary na mga kandidato sa pagkapangulo ng US na panalo sa popular vote pero hindi sa electoral college at sa gayo’y hindi naging presidente. Marami ang kumukwestyon sa sistemang ito, lalo na ngayon, pero ito ang ginagamit ng US ngayon.


Upset win. Anu’t anuman, panalo si Trump, nang malakas dahil hindi inaasahan. Noong Hulyo, nang maging opisyal siyang nominado ng Republican Party, kinailangang magbabala ng progresibong direktor na si Michael Moore na seryosohin siya – patunay na hindi siya itinuring na malakas na kalaban ng mga Democrats. Nagkaisa rin ang mga huling sarbey sa US bago ang eleksyon, kasama na ang maka-Trump na Fox News: mananalo si Hillary. Ang mga mukha ng mga tagasuporta ni Hillary habang dumadating ang mga resulta, larawan ng kawalan ng kahandaang matalo.

Halos lahat ng mayor na pahayagan sa US, si Hillary ang inendorso. At sa lahat ng nabubuhay na dating pangulo ng US, kahit ang mag-amang George Bush, walang sumuporta kay Trump. Napakarami ring sikat na artista at mang-aawit ang sumuporta kay Hillary. Marami ring kilalang Republican ang hindi sumuporta kay Trump.

Marahil, patunay ang ganitong pagpapakita ng suporta kay Hillary ng nararamdamang lakas ni Trump, na pinilit nilang kontrahin. At lalong naging matindi ang dating ng panalo ni Trump dahil sa malawak na pag-endorso, direkta o hindi, sa kanyang kalaban.

Larawan ni <b>Jo A. Santos</b>

Larawan ni Jo A. Santos


White, white working class. Ang mga Puti, na bumubuo ng 69 porsyento ng lahat ng botante, ang pinakamalaking hanay ng bumoto kay Trump. Karaniwan man o mayaman, babae man o lalake – karamihan ng Puti ang bumoto sa kanya. Sa kabilang banda, bagamat nanalo si Hillary sa mga Latino, Aprikano-Amerikano at kabataang botante gaya ng estratehiya niya, mas mahina ang hatak niya rito kumpara sa naging hatak ni Obama sa nakaraang mga eleksyon.

Tawag-pansin ang panalo ni Trump sa hanay ng mga manggagawang Puti, lalo na ang pag-agaw niya sa mga dating bumoto kay Obama. May naglilinaw, gayunman, na ang tinutukoy ng “working class” sa US ay iyung mga may trabaho pero hindi kabilang sa mga propesyunal. Sa aktwal, ang kita at kabuhayan nila ay hindi mahirap kundi middle class, at ang pinaka-hangad nila ay istableng trabaho.

Ayon sa isang komentarista, mulat si Trump na manawagan sa “working class,” habang si Hillary ay nanawagan sa “middle class.” Positibo ang pagtingin ng mga botante ni Trump sa nakaraan, at pesimistiko ang kanilang pagtingin sa hinaharap. Hinahanap nila ang kinakalakhang kalakaran kung saan may istableng trabaho at nakabubuhay na sahod, gayundin ang matagalang katayuan sa isang istableng komunidad.


Promises. Ang pagbotong ito ng mga working class na Puti, at maging ng iba pang botante, kay Trump ang isa sa mga sinisikap ipaliwanag ng mga artikulo. Tawag-pansin ang mga pangako niya: pangunahin ang disenteng trabaho, de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan, “buhayin ang manupaktura sa US, magbawas ng buwis, pahusayin ang edukasyon, magbigay ng childcare, bawasan ang depisito, gapiin ang ‘radikal na terorismong Islamiko,’ pigilan ang imigrasyon,” at itayo ang isang pader sa pagitan ng US at Mexico para hadlangan ang pagpasok ng mga migrante.

Sa batayang nagdudulot ang “malayang kalakalan” ng pagkawala ng trabaho sa US, kinondena niya ang North America Free Trade Agreement o NAFTA at nagsabing ipapatigil niya ang Trans-Pacific Partnership o TPP. Inaprubahan ng US ang NAFTA noong pangulo si Bill Clinton, asawa ni Hillary, at isa si Hillary sa nagtulak ng TPP sa ilalim ni Obama, pero napwersa siyang sabihing tutol siya rito nang tumutol na si Trump.

Larawan ni <b>Jo A. Santos</b>

Larawan ni Jo A. Santos


Russia. Taliwas sa palaban, at paladigma pa nga, na tindig ni Hillary sa usapin ng Russia, isang bansang lumalakas at naggigiit ng soberanya laban sa US, nagpahayag si Trump ng kahandaang makipagmabutihan sa naturang bansa. Kinondena rin niya ang paggastos ng US sa mga hakbanging militar sa labas nito, tulad ng pagsuporta sa North Atlantic Treaty Organization o NATO – mga usaping dikit kay Hillary na kasalukuyang Secretary of State.


Neoliberalism. Ang punto, kinilala at sinamantala ni Trump ang masamang kalagayang pang-ekonomiya ng mga mamamayang Amerikano. Sumakay siya sa ngitngit nila sa kalagayang ito: tanggalan sa trabaho, kawalang trabaho, mababang sahod, mahal na serbisyong pangkalusugan at edukasyon, at iba pa.

Isama pa ang pagkawala ng bahay o halaga ng mga bahay kaakibat ng binansagang “Great Recession” na pumutok noong 2008. Gayundin ang matinding kawalan ng pagkakapantay-pantay sa pagitan ng 1 porsyento at 99 porsyento na ipinrotesta ng kilusang Occupy. At ang umano’y pagbangon ng ekonomiya nitong mga huling taon na mas pinapakinabangan ng mga maykaya at mayayaman.

Kalagayan itong iniluwal ng mga patakarang neoliberal na ipinatupad ng mga Republican at Democrat na pangulo ng US: ang paglipat ng mga pabrika sa mga bansang may mababang pasahod habang patuloy namang binabarat ang sahod sa US, ang pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan at ang paglobo ng mga bayarin sa mga ito, ang mga scam sa pinansya, at pagkaltas sa buwis ng mayayaman habang dinudurog ang unyon ng mga manggagawa.

Ipinapatanaw ng tema ng kampanya ni Trump na “Make America great again” ang imposibleng pagbabalik sa panahon bago ang neoliberalismo sa Amerika – panahon ng relatibong mas malakas na ekonomiya, regular na trabaho, mataas na sahod, at maayos na serbisyong panlipunan. Bukod pa sa kontrolado ang mga gera sa ibayong dagat at hindi tampok ang banta ng terorismo.


Racism, xenophobia, Islamophobia. Matagal nang tinatawag si Trump na rasista, xenophobic, at Islamophobic – at batay mismo sa mga pahayag niya. Nitong nanalo na siya, nagbabala si Bernie Sanders, “demokratikong sosyalista” na nabigong maging nominado ng Democratic Party, na lalabanan niya ang mga patakaran ni Trump na may ganitong mga tunguhin. Sinundan din ang panalo niya ng mga pandarahas at pahayag laban sa mga hindi Puti sa US.

Ayon sa mga kritiko, kaakibat ng pangako ni Trump na lumikha ng trabaho sa US ang pagpapalayas sa mga dayuhang migrante, tampok ang mga Mexicano at Hispanics, at paghadlang sa pagpasok nila sa US. Laman naman ng maraming progresibong babasahin ang silbi ng rasismo, xenophobia, Islamophobia at iba pang katulad para sa malalaking kapitalista sa buong mundo: ang itago sa mga manggagawa at mamamayan ng daigdig ang ugat ng problema, na nasa sistema mismo ng monopolyo-kapitalismo.


Dog whistle. Maraming komentarista ang gumamit ng praseng “dog whistle” para ilarawan ang paraan ni Trump ng paghahatid ng mensaheng rasista, xenophobic o Islamophobic. Hindi lantaran o pasabog para sa lahat, kundi pasimple pero tiyak na mauunawaan ng mga may katulad na paniniwala.

Larawan ni <b>Jo A. Santos</b>

Larawan ni Jo A. Santos


Liberal feminism. Sa kabilang banda, kinatawan ni Hillary ang pagpapatuloy sa mga patakaran ng rehimen ni Obama. Na pagpapatuloy naman ng mga patakaran kahit ni George W. Bush na nauna sa kanya. Gusto ng mga Amerikano ng pagbabago, kahit binaluktot ni Trump ang kahulugan nito, at kinatawan ni Hillary ang dating gawi.

Laban sa mga sexistang pahayag ni Trump, pinatampok niya ang kampanyang magkaroon ng unang pangulong babae ang US. Ipinanawagan niya sa mga botante ang pagbasag sa “glass ceiling” – ang hindi nakikitang hadlang sa pag-angat ng mga babae sa lipunang Amerikano tungo sa pinakamataas. Halimbawa ito ng feminismong liberal – nagagalak sa pagtaas ng katayuan ng mayayamang kababaihan sa sistemang kapitalista, sa halip na baguhin ang katayuan ng nakakaraming kababaihan sa pamamagitan ng pagbago sa naturang sistema.

Tinuligsa rin ng kampanya niya ang rasismo, xenophobia at Islamophobia ng kampanya ni Trump, pero hindi tinumbok ang pang-ekonomiyang kalagayan ng mamamayang Amerikano na siyang dahilan kung bakit may kagat ang mga ito.


Democratic Party. Kaakibat at dagdag sa lahat ng ito ang pagiging mayorya ng Republican Party sa parehong Kongreso at Senado ng US.


Imperialism. Sa dulo, si Trump na ang pangulo ng imperyalismong US. Naging pangulo siya ng US sa panahong binabayo ito ng iba’t ibang krisis. Sabi ng isang komentarista, “Ang Amerika ay isang bansang imperyal, at maaaring nakikita na ngayon ang pagkabulok nito. Ang kapangyarihan na naghatid ng napakaraming pakinabang sa bansa – para sa mga Puti – ay kinakapos ngayon ng kakayahang ibigay ang naturang mga pakinabang sa mga Puti.”

Anuman ang kanyang mga ipinangako para manalo sa eleksyon, tiyak na mas papasunurin siya ng kalakarang pang-ekonomiya at pampulitika ng imperyalismo. Mas malamang, babalewalain niya ang mga positibong pangako niya sa mga mamamayang Amerikano, habang isinusulong ang reaksyunaryong interes ng imperyalismo, katuwang ang kanyang rasismo, xenophobia, Islamophobia at sexismo.


Left organizing. Sa harap ng panalo ni Trump, malakas ang panawagan ng mga maka-Kaliwa sa US na isulong ang iba’t ibang laban ng mga manggagawa at mamamayang Amerikano at palakasin ang pag-oorganisa sa hanay nila. Matagal na ring pinupuna ang mga progresibong grupo sa US dahil sa kanilang pagpapailalim at pagbuntot sa Democratic Party, lalo na nang maging pangulo si Obama.

Sa pagiging pangulo ni Trump, lantad at kagyat na ang banta, at lalong wala nang ilusyon para hindi ibayong mag-organisa ang Kaliwa at lumaban ang mga manggagawa at mamamayan ng Amerika.


14 Nobyembre 2016

Ang mga larawan ay pawang kuha ni Jo Abaya-Santos, at bahagi ng eksibit na “If You See Something, Say Something” na nasa The Oarhouse Pub (1688-B Jorge Bocobo Street, Malate, Manila) hanggang Disyembre 5. Kasama niya sa naturang eksibit ang kapwa-potograpo na si Little Wing Luna. Kinuhanan ni Abaya-Santos ang mga larawan sa New York noong tag-araw ng 2016, bago ang eleksyong pampresidente sa US. Isang sentro ng pulitika at ekonomiya ng US ang New York kung saan naging senador si Hillary Clinton. Tampok sa mga larawan ang mga likhang-sining, ugnayang ng mga lahi at uri, at kalagayang pang-ekonomiya na kaugnay ng kakatapos na halalan.

 

26 Disyembre SMR

$
0
0

Sa wakas, nakarating din siya sa tinatawag ng Kaliwa na “Southern Mindanao Region,” taliwas sa pagrerehiyon ng naghaharing gobyerno ngayon sa bansa. Maalamat ang lugar, syempre pa, dahil malakas dito ang New People’s Army o NPA.

Ang okasyon: ang “People’s War is People’s Peace,” konsultasyon ng National Democratic Front of the Philippines-SMR kaugnay ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng NDFP.

Ang petsa: Disyembre 26, ika-48 anibersaryo ng Communist Party of the Philippines na namumuno sa NPA at NDFP. Nitong mga nakaraang taon, laging may pagdiriwang ng naturang anibersaryo sa SMR. Paggigiit ito ng pag-iral ng rebolusyunaryong gobyerno at Kilusan sa ilalim ng kasalukuyang sistema.

Pero sa paglulunsad ng isang konsultasyon tungkol sa kapayapaan, mas ibinukas ng NDFP-SMR ang pinto para sa iba pang gustong makalahok sa usapang pangkapayapaan at sa pagdiriwang sa anibersaryo ng CPP.

Mainam na kalagayang may magkahiwalay na idineklarang tigil-putukan ang gobyerno ng Pilipinas at ang CPP. Unang anibersaryo ito ng partido na pangulo si Rodrigo Duterte, at makabuluhang inilunsad ang pagdiriwang sa lugar ni Duterte mismo – na nakikipagmabutihan sa Kaliwa bagamat punong ehekutibo pa rin ng gobyerno ng malalaking kapitalista at haciendero na pawang sunud-sunuran sa US.

15748011_120300001303044392_921087300_o

Ang lugar: ang Paquibato District ng Davao City. Kasabay siya ng mga kinatawan ng mga progresibong organisasyon na nagmula sa Kamaynilaan at iba’t ibang rehiyon. Nagtipon sila sa sentro ng Davao City at nagbyahe simula alas-4:00 ng umaga. Maagap silang dumating sa tipunan kahit mga bagong-gising, kulang sa tulog, at pupungas-pungas pa.

Tinatawag na “sonang gerilya” ang pupuntahang lugar, na ibig sabihi’y nakikilusan ng NPA. At prinsipyo ng pakikidigmang gerilya na inilulunsad ng grupo ang pagmaksimisa sa kalupaan para mapreserba at mapalakas ang sariling hanay, at pahirapan at gapiin ang kaaway nito, ang Armed Forces of the Philippines.

Hindi kataka-taka, mahaba, matagal at masalimuot ang byahe mula sentro ng Davao. Nagsimula sa sementadong mga kalsada ng lungsod, dumaan ito sa paliku-liko, malubak-maputik at masikip na kalsada ng Paquibato. Malinaw na papasok sa gubat ang paglalakbay, at may bahaging tumawid ang mismong sasakyan sa isang napakalinis na mababaw na ilog.

Maraming puno ng saging sa bukana ng Paquibato, na ang mga prutas ay nakabalot sa plastik na mapusyaw na asul. Bulong ng katabi niyang taga-Davao, pag-aari ito ng mga Floirendo, kalahi ng asawa nina Dawn Zulueta at Margie Moran. Tatlong beses kada linggo raw na nage-aerial spray ng pestisidyo sa taniman kahit may klase sa mga paaralang nasa lugar.

Sa Paquibato rin, paalala nito, namatay si Leoncio “Ka Parago” Pitao, kumander ng Pulang Bagani Battalion ng NPA sa lugar. Tiyak, mahalagang bahagi ng pupuntahang aktibidad ang pagpaparangal kay “Ago,” na niyayakap na bilang bayani ng karaniwang mamamayan ng lugar.

Nakarating ang sasakyan sa Barangay Lumiad bandang alas-8:00 ng umaga. Kung norte ang harapan ng sasakyan, nasa kanluran nito ang malaking covered court na paglulunsaran ng aktibidad. Nasa timog-kanluran naman ang entablado sa ilalim ng court. Kaharap nito sa dulo ng court ang mala-lambak ng lupa na dumudulo naman sa hilera ng mga klasrum ng isang pampublikong paaralan. Sa gilid ng daan, maraming tindahan at karinderya.

Sa taas ng entablado, may bilog na naglalaman ng karit at maso o hammer and sickle na simbolo ng Komunismo. Maraming pulang bandila. Sa kaliwa ng entablado, may bleachers, at sa baba nito, maraming monobloc chairs. May malaking relay screen sa paanan ng covered court na nakaharap sa lambak ng lupa at paaralan. May itinalagang lugar para sa mga espesyal na panauhin at mga kaibigan sa media.

Wala nang angkop na paglalarawan sa atmospera kundi “parang pyesta.” Umaga pa lang, marami nang tao! At lalo pang dumami sa pagdaan ng oras. May mga kabataang naka-face paint na nag-eensayo sa entablado. Pinulong ang mga taga-media para sa oryentasyon. Sa eskwelahan, may mga karaniwang taong tila nangangasiwa sa pagkain. Palakad-lakad ang mga karaniwang tao. Kaliwa’t kanan ang mga NPA, may hawak na baril at suot ang itim na kamisetang may larawan ni Ka Parago.

15747997_120300001310209523_999437535_o

Maya-maya pa, kapansin-pansing lumalakad ang hanay ng mga tao pabalik sa dinaanan ng sasakyan, papalayo sa covered court. Hindi niya napansin kung inanunsyo sa entablado, pero alam ng mga dumalo na magpaparada ang NPA sa isang lugar. Doon tumungo ang mga tao, at sumunod na rin siya.

Matapos ang pataas-pababa at maputik na daan, nakarating siya, mga kasama at ang maraming tao sa isang malawak na patag na lugar, balot ng mababang damo, at napapaligiran ng mga burol. Para bang ginawa talaga ng kalikasan ang lugar para paglunsaran ng kung anong aktibidad. Nakapaligid ang mga tao sa bahaging patag habang may pailan-ilang tao sa baba at taas ng mga burol. Maraming naglalakihang tarpaulin na nagbubunyi sa CPP, NPA at NDFP.

Sa isang bahagi ng patag, naroon sila, natatanaw: ang anim na platun o isang batalyon ng NPA, kuntodo uniporme, armado, nakatayo nang tuwid at nakahanay. Sa saliw ng tugtog, nagmartsa ang batalyon ng NPA papasok sa patag na lugar at humanay, nang ang likuran ay nakatapat sa isa sa mga burol. Malinaw sa mga nanonood: sa tikas at itsura, kabataan ang nakakarami sa mga NPA na nagmartsa.

Sa taas ng isang burol siya pumwesto, para makita ang buo. Kausap niya ang isang batang nagpakilalang Lumad na nakatira sa bayan ng Talaingod. Nakita niyang may dalawang NPA na hinimatay sa pormasyon, dahil na rin siguro sa napakatinding init. Maagap silang sinaklolohan gamit ang stretcher at binuhat papalayo.

Mataas ang enerhiya ng programa. Masipag magpalakpakan ang mga tao. May mga pahayag sa wikang Filipino, bagamat mas marami talaga ang sa wikang Bisaya. Mabuhay ang CPP! Mabuhay ang NPA! Mabuhay ang NDFP! Mabuhay ang nakikibakang sambayanan! Nagtapos ang programa sa lugar sa madamdaming pag-awit ng Internationale.

Pagkatapos, naglakad na ang mga tao pabalik sa covered court. Hindi siya dumaan sa kalsadang nilakaran papunta sa lugar. Dumaan siya, kasama ang maraming tao, papunta sa likod ng isang burol. Matarik na medyo maputik ang pababa sa likod ng burol. Isang tao lang ang madulas at gumulong ay tiyak na marami ang magtutumbahan at gugulong. Pero nagtatawanan lang ang mga taong dumadaan at ang mga nanay ay masayang nagtitilian.

Pagdating niya, puno na ng mga tao ang bleachers. Marami na ring tao kahit sa baba ng bleachers, sa lambak sa pagitan ng court at paaralan, at maging sa kalsada. At tuluy-tuloy pa, sa bahaging ito, ang pagdating ng maraming tao. Ayon sa balita, nasa 15,000 katao ang dumalo. Kitang-kita: parang may malaking rali patungo sa aktibidad.

Nagprograma sa umaga at hapon. Nagdeklara ng tanghalian, pero may press conference na inilunsad. Nabawasan lang ang mga tao sa bahaging ito, pero maraming nanatili para makinig. Marami ang sa covered court na kumain. Ang iba pa, bumalik agad pagkatapos kumain.

Una sa lahat, kahanga-hanga ang mga pangkulturang pagtatanghal. Nilaman ang mga rebolusyunaryong pyesa, habang ipinapakita ang mayamang kultura ng mga Lumad, Moro at mamamayan ng Mindanao. Mahusay ang awit-galaw ng grupong pangkultura na kabataan ang karamihan ng kasapian, napakamalikhain at waring hindi napapagod. May mga usuk-usok pa sa entablado kapag may pagtatanghal.

Dalawang ulit itinanghal ang “Higit na Matatag ang Partido Ngayon,” at isang beses ang “Martsa ng Bayan.” Pero napakaraming bagong kanta, na ngayon lang niya narinig at ang kwento ng napagtanungan niya ay likha ng mga taga-Mindanao mismo, kasama ang isang kumander ng NPA.

Ang programa’y haluan muli ng wikang Filipino at Bisaya, bagamat sa kalakhan ay mas tampok na ang Filipino. Isa sa pinaka-pinalakpakang pahayag ang tugon ni Ka Joaquin, isang NPA na siyang tagapagpadaloy at tagapagsalita rin ng programa, sa tanong ng isang mamamahayag tungkol sa sinabi ni Duterte na handang mamatay ang NPA para sa kanya. Hindi kaila sa marami na parangal ang pangalan niya kay Wendell Gumban, NPA na namatay sa naturang rehiyon.

Ani Ka Joaquin, “Ang Bagong Hukbong Bayan, ang mga pwersa ng rebolusyon ay hindi magpapakamatay para sa isang tao. Magpapakamatay ang BHB para sa masa na minamahal niya, para sa taumbayan.”

Sinundan ito ng paglilinaw ni Luis Jalandoni, senior na tagapayo ng NDFP. Aniya, lumakas ang pagpuri at pagtatanggol ng Kaliwa kay Duterte noong nagdeklara ang pangulo ng independyenteng patakarang panlabas. Pero nasundan ang pahayg ng mga pag-uurung-sulong at pagkabigong ipatupad ang mga pangako nitong maka-mamamayan. At kahit dito, ang pagsuporta ay hindi nangangahulugan ng pagpapakamatay para sa kanya.

15776127_10154473932847886_1380142185_o

Bagamat isang pagdiriwang, waring naging protesta ang pagtitipon sa isang bahagi. Binalikan ni Ka Joaquin ang panawagan ng pamunuan ng CPP na singilin si Duterte sa mga bigong pangako nito kaugnay ng usapang pangkapayapaan. Pinamunuan niya ang pagsigaw ng mga panawagan ng napakaraming taong nagtipon.

Ipinangako ni Duterte ang pagpapalaya sa panibagong bugso ng mga bilanggong pulitikal bago ang Kapaskuhan, pero Disyembre 26 na’y wala pa ring pinapalaya. Indikasyon ito, bukod sa iba pa, ng kawalan niya ng kaseryosohan na isulong ang usapang pangkapayapaan sa NDFP. “Bilanggong pulitikal, palayain!”

Nagdeklara ng ceasefire ang gobyerno, gayundin ang CPP. Pero ang mga militar, patuloy sa kanilang mga operasyon sa kanayunan, na itinatago sa iba’t ibang palusot. Bagamat laging handa ang NPA na makipaglaban, ipinangako ni Duterte ang ceasefire na hindi tinutupad ng kanyang militar. At patuloy ito sa paglabag sa karapatang pantao ng mga karaniwang mamamayan. “Militar sa kanayunan, palayasin!”

Sa kabila ng pakikipagmabutihan sa rebolusyonaryong Kilusan, hindi ibinasura ni Duterte ang Oplan Bayanihan. Ang bali-balita’y maglalabas siya ng programang kontra-insurhensya ngayong Enero 2017. At anumang programang kontra-insurhensya ay militarista, taliwas sa diwa ng pagresolba sa mga ugat ng armadong tunggalian na nasa kahirapan, kagutuman, kawalang trabaho. “Oplan Bayanihan, ibasura!”

Dumalo sa pagdiriwang sina Silvestre Bello III, Presidential Adviser on the Peace Process at Sekretaryo ng Paggawa, at Ismael Sueno, sekretaryo ng Department of Interior and Local Government. Sila yata ang unang mga opisyal sa kanilang katungkulan na dumalo sa isang pagdiriwang ng anibersaryo ng CPP, sa isang sonang gerilya, at sa entabladong napaliligiran ng mga NPA.

Nagsalita sila noong hapon. Maiksi ang kanilang mga pahayag, na kapwa naglaman ng paalala na kinatawan sila ni Duterte. Pareho silang nagtapos sa sigaw na: Mabuhay ang New People’s Army! Makabuluhan ito, dahil CPP ang siyang nagdiriwang ng anibersaryo at namumuno sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ng NPA.

Natural nga naman, bilang matataas na opisyales ng gobyerno at galing sa mga naghaharing uri, iyung organisasyong may armadong pwersa ang titimo sa kanila. Sa isang banda, hindi tahas na pagkilala rin ito sa CPP, na nakakasapul sa naturang katotohanan.

Pinatugtog ang bidyo ng pagbati ni Prop. Jose Maria Sison, punong tagapayo ng NDFP. Ipinaliwanag ni Concha Araneta-Bocala, konsultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan, sa simpleng pananalita kung bakit nagaganap ang naturang usapan. Binasa naman ni Connie Ledesma, kasapi ng panel ng NDFP sa usapang pangkapayapaan, ang isang pahayag ng Partido para sa pagdiriwang.

Sa iba’t ibang bahagi, sinariwa ang pagsisimula ng CPP sa maliit, ang liko’t ikid na dinaanan nito, ang pagbigo nito sa lahat ng pagtatangkang durugin ito, hanggang sa lakas nito sa kasalukuyan. At malinaw sa lahat ng dumalo ang kagyat na patunay ng naturang lakas: ang isang batalyon ng NPA, at ang libu-libong tagasuporta at nagdiriwang.

Ibinalita rin sa aktibidad ang iba’t ibang pagdiriwang sa buong bansa, sa kabila ng bagyo, na nilahukan ng NPA at mga tagasuporta. Kongkreto: “Higit na matatag ang Partido ngayon,” at handa itong sumulong papuntang tagumpay.

img_0434

Madiin si Ka Joaquin sa paglalantad sa mga paglabag ng militar sa idineklara ni Duterte na ceasefire sa NPA. Patuloy aniya ang pagpasok at pagkakampo ng militar sa mga komunidad sa iba’t ibang palusot, kasama na ang Oplan Tokhang.

Sabi niya, ang mga masang magsasaka at pambansang minorya na sumusuporta sa NPA na ang nagsasabi: Kung ganyan nang ganyan – sila, pasok nang pasok sa komunidad; kayo, pigil nang pigil sa sarili na labanan sila – mas maganda nang walang ceasefire! Palakpakan, at hiyawan pa nga, ang mga dumalo.

Sinuportahan siya ni Jalandoni, na nagsabing kung magpapatuloy ang militar sa mga hakbangin nito, hindi na magtatagal ang ceasefire ng CPP, at matutupad na ang kahilingan ng mga masang sumusuporta sa NPA.

May agaw-pansin sa paanan ng covered court, sa bahaging lambak: ang photo booth na likha ng mga NPA. Isa itong maliit na entablado, nasa gitna ang larawan ni Ka Parago. Kasama sa photo booth ang dalawang NPA na nakatayo sa kaliwa at kanan ng larawan ni Ka Parago, may mga hawak na de-kalibreng baril. Nagsasalitan ang mga NPA sa pagtangan sa tungkulin sa photo booth.

Patok sa takilya! Parang hindi alintana ng mga nagpapa-picture ang kanilang seguridad. Bata, kabataan, matanda, may ngipin o wala, barkadang nakaporma at nakamwestra ng V, pamilyang magalang na humanay – lahat nagpakuha ng larawan. Organisado ang pila, pakiramdaman, walang unahan.

“Pakamahalin ang hukbong bayan,” sabi ni Mao Zedong, na ang kaarawan ay Disyembre a-26 din. At ang mga tao sa photo booth, umaakbay-yumayakap sa mga NPA, nanghihiram ng baril at umaastang NPA, at magalang na nakikipag-usap sa hukbo. May narinig pa siya, “Teka, pa-picture tayo kay Uncle.”

Napansin lang niya at mga kasamahan na puro lalake ang NPA na tumatao. Nang may mapalapit na isa sa kanya, tinanong niya: “Bakit puro lalake kayo sa photo booth? Wala ba kayong kasamang babae?” Ang sagot ng NPA: “Mayroon po, kaso pang-blocking force po sila. Sila ang bantay natin sa gilid.”

“Ah ganoon ba?” ang nangingiti na lang niyang nasabi. Noong bumili nga naman siya ng softdrink sa tindahan, nakita niya ang mga babaeng NPA, nakahanay. Ang gusto niya at mga kasamahan, bigyang-papel ang kababaihan sa biswalidad ng armadong pakikibaka. Ang naging sagot, ang aktwal na pagkuha ng kababaihan ng papel, at mahalagang papel pa nga, sa naturang paglaban.

At iyun ang pangunahin at mahalaga, napakahalaga. Pero lalo sigurong kailangan ang presensya ng kababaihan sa mga imahen ng armadong pakikibaka, dahil mismo sa naturang mahalagang papel nila.

Noong nagdilim na, inilawan ang isang parol na nakahugis na karit at maso. Nagpalipad ng 48 fire lanterns sa kalangitan. “Baka magkaroon bigla ng kaingin,” bulong ng isa. Pero kahanga-hangang kahit ang ilang nasabit sa kalapit na puno ay hindi nasunog, maganda ang materyales.

Malamig na ang simoy ng hangin. Magaang sa pakiramdam ang paglipad ng mga lantern. May syensya ang internal na komposisyon nila kaya kinakaya nilang umangat, lumipad, at umabot sa napakalayo – sa gitna ng mga kumokontra at pumapabor na mga salik na eksternal.

Biswal bang pagbubuod ang pagpapalipad ng fire lanterns ng kasaysayan ng CPP, na ang anibersaryo’y siyang dahilan ng pagtitipon? Patuloy ito sa pag-angat, paglipad, at pagsisikap na umabot sa lakas na napakalayo mula sa pinagmulan nito.

Bago pa lumalim ang gabi, umalis na siya at mga kasamahan sakay ng mga habal-habal. May pupuntahan pa sila nang maaga kinabukasan. Dahil marami sila, iyung isa niyang kasamahan, waring nakahiga sa harapan ng drayber, pa-krus sa motor. Mapalad siya, dahil nakaangkas siya sa likod ng drayber. Nang madaan ang sinasakyan niya sa covered court, nagtaas siya ng kamao nang mataas at matagal.

30 Disyembre 2016

 

Kontraktwalisasyon 101

$
0
0

Depinisyon. Sa kagyat na pakahulugan, ang “kontraktwal” ay isang katayuan sa trabaho kung saan ipinagkakait ang ugnayang employer-employee sa pagitan ng isang manggagawa at ng kapitalista o kumpanyang tunay na nakikinabang sa kanyang lakas-paggawa. Ipinagkakait sa kanya ang katayuang “regular employee” ng naturang kumpanya o kapitalista. Tinutukoy naman ng “kontraktwalisasyon” ang kalagayan kung saan umiiral ang mga kontraktwal at katunaya’y pinaparami pa nga.

à Iligal ang isang masahol na modus operandi kung paano ito ipinapatupad: kukuha ang kapitalista o kumpanya ng manpower agency o cooperative para magsuplay ng mga manggagawa. Tatanggalin sa trabaho, o papalabasing tinatanggal sa trabaho, kada limang buwan ang manggagawa. Kadalasan, muling ire-rehire o papalabasing muling ni-rehire ang manggagawa sa parehong trabaho, paulit-ulit. Nakasaad kasi sa batas na kailangang gawing regular ang manggagawa kapag umabot siya ng anim na buwan sa trabaho.

à Pakitang-taong tinutuligsa ng malalaking kapitalista, ng gobyerno at mga tagapagsalita nila, ang naturang modus operandi; sinasabi nilang “pag-abuso” ito sa kontraktwalisasyon. Pinapalabas nila na ito lang ang kasingkahulugan ng “endo” o “end of contract” at “5-5-5” na siyang popular nang tawag, at karanasan, sa kontraktwalisasyon.

à Mula noong rehimen ni Noynoy Aquino hanggang ngayon sa rehimen ni Rodrigo Duterte, pinapalabas ng gobyerno na ang mga manggagawa ay nareregular sa mga agency pagkatapos ng anim na buwan. Pangontra umano ito sa modus operandi na “endo” o “5-5-5.”

à Pero kontraktwalisasyon pa rin ito. Pagkakait pa rin ito ng ugnayang employer-employee sa pagitan ng manggagawa at ng kompanya o kapitalistang tunay na nakikinabang sa kanyang lakas-paggawa. Wala pa ring seguridad sa trabaho ang manggagawa. Pwede siyang mawalan ng trabaho nang wala o may minimal lang na pananagutan ang kapitalista at agency sa batas.

à Kahit pa sabihing ipinagbabawal ng batas at kinokondena ng mga kapitalista at gobyerno, talamak pa rin ang nabanggit na modus operandi. Marami ring pagkakataong tumatagal ang manggagawa sa kanyang trabaho, umaabot nang ilang taon, nang ang katayuan ay kontraktwal.

à Atake ang kontraktwalisasyon sa karapatan sa seguridad sa trabaho ng manggagawa, at sa maraming batayang karapatang kaugnay nito. Sabihin pa, ipinapatupad ang kontraktwalisasyon para tiyakin ang papalaking tubo ng mga kapitalista.

PW File Photo

KR Guda/PW File Photo

Kalagayan. Kadalasan, ang mga kontraktwal ay tumatanggap ng napakababang sahod. Kadalasang mas mababa sa minimum ang pasahod sa kanila kahit bawal ito sa batas. Kadalasan silang pinagkakaitan ng mga benepisyong itinatakda ng batas. Ang mga empresang matindi ang paglabag sa mga istandard sa kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa, puno ng mga kontraktwal.

à Sa pamamagitan ng kalagayang pwede silang tanggalin sa trabaho anumang oras, hinahadlangan silang mag-unyon. Sa kalagayan pa lang na kada limang buwan ay tinatanggal, mahirap nang mag-unyon. Kapag natuklasang nag-uunyon ang mga kontrakwal sa isang kumpanya, at wala silang paglaban, kadalasang maramihan silang tinatanggal. Mas masahol pa, dahil mismo sa kalagayang ito, pinupwersa silang magkumahog na gawin ang lahat ng gusto ng kumpanya o kapitalista, kahit mawasak ang pagkakaisa nila, at huwag gawin ang anumang ayaw nito, gaya ng pagtatayo ng unyon.

à Sa pagpapahirap sa kanilang mag-unyon, pinagkakaitan sila ng armas para ipaglaban ang mas mataas na sahod, regularisasyon, mga benepisyo, ligtas na lugar ng paggawa at iba pang karapatan.

à Sa kabila ng dambuhalang tubo at yaman nila, o para nga rito, ang pinakamalalaking kapitalistang dayuhan at lokal sa bansa ang mga pangunahing tagapagpatupad ng kontraktwalisasyon.

à Espesyal na kaso ang mga empleyado sa sektor ng Business Process Outsourcing sa bansa. Sa kabila ng relatibong mas mataas nilang sahod at benepisyo, sa esensya’y kontraktwal ang katayuan ng kanilang pagtatrabaho.

Batas. Mismong Batas Paggawa o Labor Code ng 1974 ang nagsisilbing ligal na batayan ng kontraktwalisasyon. Dito, sinasabing bawal ang Labor-Only Contracting habang ligal ang tinatawag na Job Contracting. Binibigyan ng masaklaw na kapangyarihan ang Labor Secretary na maglabas ng mga alituntunin para sa pagpapatupad ng Job Contracting. Sa aktwal, ang naturang mga alituntunin ay pagtuturo sa mga kapitalista kung paano magkokontraktwalisa nang ligal.

à Sa pakahulugan ng batas, tinutukoy ng Labor-Only Contracting ang kalagayan kung saan ang isang kumpanya ang tunay na may kontrol sa mga manggagawa at dummy lang nito ang agency. Tinutukoy naman ng Job Contracting ang kalagayan kung saan ang agency umano ang tunay na may kontrol sa manggagawa at nagagawa nito ang gawain nang walang pakikialam ng kumpanya.

à Ipinataw ni Ferdinand Marcos ang Batas Paggawa sa pamamagitan ng Presidential Decree 442. Kaakibat ng hakbanging ito ang pagtatayo ng mga Export-Processing Zones o EPZs na nagbibigay ng maraming insentiba sa malalaking kapitalistang dayuhan na mamuhunan sa bansa, at ang pagtatayo ng dilawan, maka-kapitalista at kontra-manggagawang Trade Union Congress of the Philippines o TUCP.

à Sa ilalim ni Cory Aquino, nagsabatas ng maraming pagsusog sa Batas Paggawa sa pamamagitan ng Republic Act 6715. Tinatawag itong “Herrera Law,” nakapangalan kay dating Sen. Ernesto Herrera na dating lider ng TUCP. Hindi nito binago ang mga probisyon ng Batas Paggawa kaugnay ng kontraktwalisasyon. Naging malaganap ang kontraktwalisasyon sa bansa sa panahon ng mga rehimen nina Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.

à Alinsunod sa Labor Code, naglabas ang mga sekretaryo ng Department of Labor and Employment ng mga Department Order (DO) na siyang nagsilbing alituntunin sa pagpapatupad ng kontraktwalisasyon. Sa ilalim ni Arroyo, ipinatupad ang DO 18-02. Pinalitan naman ito sa ilalim ni Noynoy Aquino ng DO 18-A Series of 2011.

PW File Photo

PW File Photo

Noynoy. Kumpara sa DO 18-02, may mga “papogi” ang DO 18-A Series of 2011. Una, itinaas nito ang mga pamantayan para matawag ang isang agency na “lehitimong kontraktor,” kumpara sa hindi. Ikalawa, itinakda nito ang pagtalima sa Labor Standards ng mga lehitimong kontraktor. Ikatlo, isinaad dito ang pagregularisa sa mga manggagawa ng agency, hindi ng mga pangunahing employer o kompanya. Pero matatapos ang kontrata ng manggagawa-agency kasabay ng pagtatapos ng kontrata ng kapitalista-agency.

à Sa isang banda, resulta ang naturang mga “papogi” ng mga pagkondena at protesta laban sa kontraktwalisasyon. Umigting ang pagtutol sa kontraktwalisasyon dahil sa pagtanggal, noong 2010, ng 2,600 regular at unyonisadong manggagawa sa Philippine Airlines o PAL at pagpapabalik sa kanila sa parehong trabaho nang kontraktwal, walang unyon, at sumasahod lang ng kalahati ng nauna nilang sahod. Si Lucio Tan, pangalawang pinakamayamang Pilipino, ang siyang may-ari ng PAL – at ang pagpayag sa tanggalan at kontraktwalisasyon sa kanyang kumpanya ay waring hudyat sa lahat ng kapitalista na pwede silang magkontraktwalisa sa ilalim ng rehimeng Aquino.

à Pero sa kabilang banda, pakitang-tao lang ang naturang mga probisyon, at sa esensya’y nagliligalisa pa rin sa kontraktwalisasyon.

à Datos ng gobyerno mismo ang nagpapakitang panlilinlang lang ang umano’y “regularisasyon” sa mga ahensya. Ayon sa Philippine Statistics Authority, lumundag nang 16.3 porsyento ang bilang ng kontraktwal noong 2014 mula noong 2012. Ayon dito, 30 porsyento, o 1.3 milyon, sa 4.5 milyong manggagawang ineempleyo ng mga negosyong may 20 pataas na manggagawa ang kontraktwal. Inilalabas ang naturang saliksik kada dalawang taon, at tiyak na konserbatibo ang bilang na inilalabas nito.

à Ayon dito, ang konsentrasyon ng mga kontraktwal ay ang konstruksyon, manupaktura, wholesale at retail trade, bagamat dumami ang hindi regular sa agrikultura, pangisdaan at paggugubat, sa financial and insurance services, at sa repair ng mga kompyuter at iba pang gamit sa bahay. Sa pag-alam sa kalakaran ng empleyo sa mga sektor na ito, madaling masabing mas malaganap sa 30 porsyento ang kontraktwal.

Dibuho ni Edrick Carrasco

Dibuho ni Edrick Carrasco

Duterte. Nitong eleksyong 2016, nauna si noo’y presidentiable Rodrigo Duterte sa pangangakong tatapusin ang kontraktwalisasyon. At hindi lang ito pangakong inanunsyo ng midya; laman ito ng mga poster niya na nakadikit sa mga komunidad. Naghahabol siya noon ng boto, at malaganap ang diskuntento sa naturang iskema ng pag-eempleyo.

à Ayon kay Duterte, nagdudulot ng kahirapan at kagutuman ang iskema, at sumisira sa lakas-paggawa at sa ekonomiya ng bansa. Malinaw sa kanya na bangga ang pangako sa interes ng mga kapitalista, at palaban niyang sinabihan sila na ilipat ang suporta kung ayaw sa kanyang pangako. Nagsunuran ang iba pang kandidato sa parehong pangako kaya para makaungos, malinaw niyang sinabi na tatapusin ang kontraktwalisasyon sa loob ng isang linggo matapos niyang manalo. Ilang beses din niyang inulit ang pangako matapos niyang manalo. Pero tiyak, igigiit ng mga maka-kapitalista sa gobyernong Duterte ang pamosong pag-iiba ni Budget Sec. Benjamin Diokno ng “Duterte bilang kandidato” at “Duterte bilang pangulo.”

ECOP PALSCON

Logo ng ECOP at PALSCON

à Gaya rin ng inaasahan, tumutol ang malalaking kapitalista sa pangunguna ng mga organisasyon nila – pangunahin ang Employers Confederation of the Philippines o ECOP – at nagpanukala ng isang umano’y “win-win solution.” Ito ang sinang-ayunan ng Department of Labor and Employment sa pamumuno ni Sek. Silvestre Bello III. Dito iniluwal ang kasalukuyang alituntunin sa kontraktwalisasyon, ang DO 168. Noong una’y DO 30 dapat ang pangalan nito, pero binago dahil tiyak na makakasama sa pangalan ni Duterte.

à Nakatuntong ang DO 168 sa DO 18-A Series of 2011 at pinapalabas nitong pinapahusay nito ang sinundan. Tulad ng DO 18-A Series of 2011, itinatakda ng DO 168 ang pagreregular sa mga manggagawa sa agency. Sa DO 18-A Series of 2011, matatapos ang kontratang manggagawa-agency kapag natapos ang kontratang agency-kapitalista. Sa DO 168, magpapatuloy ang kontratang manggagawa-agency kahit matapos ang kontratang agency-kapitalista. Kapag natapos daw ang kontratang agency-kapitalista, ihahanap ng agency ang manggagawa ng bagong trabaho at kung hindi makahanap ay bibigyan ang manggagawa ng separation pay.

à Tulad ng DO 18-A Series 0f 2011, hindi tinatapos ng DO 168 ang kontraktwalisasyon. Pinapanatili nitong ligal ang kontraktwalisasyon at katunaya’y binibigyan pa ang iskema ng papogi para magmukhang katanggap-tanggap sa mga manggagawa at mamamayan. Noon, ipinagyabang ng DOLE ni Aquino na may mga manggagawang naregular dahil sa DO nito, taliwas sa aktwal na paglaganap ng kontraktwalisasyon. At ganito na rin ang ginagawa ng DOLE ni Duterte: nagsasabi ng mga gawa-gawang datos ng nareregular umano sa ilalim ng bagong DO.

Kapitalista. Tandaan: ang World Bank ang unang malakas na nagpahayag ng pagtutol sa pangako ni Duterte na tapusin ang kontraktwalisasyon. Sinundan ito ng mga maka-kapitalistang komentarista sa bansa: Gerardo P. Sicat, Raul J. Palabrica, Peter Wallace. Ang kanilang linya: Ang problema ay hindi ang kontraktwalisasyon, kundi ang “pag-abuso” rito. Ang kailangan ay hindi ang ibasura ang kontraktwalisasyon, kundi ang mahigpit na pagpapatupad ng DOLE sa mga probisyon ng batas laban sa mga agency na ilehitimong kontraktor.

à Anila, magdurusa ang mga manggagawa kapag nawala ang kontraktwalisasyon dahil mababawasan ang mga trabahong nariyan. Mas maraming manggagawa raw ang nabibigyan ng trabaho dahil sa katayuang kontraktwal; kung magiging regular anila ang mga manggagawa, kaunti lang ang matatanggap sa trabaho. Sa madaling sabi, kapag ipinagbawal ang kontraktwalisasyon, magkakaroon ng maramihang tanggalan.

Manggagawang Pilipino sa isang piyer. <b>Wikimedia Commons</b>

Manggagawang Pilipino sa isang piyer. Wikimedia Commons

à Pag-blackmail ito sa mga manggagawa para tanggapin ang kontraktwalisasyon at ang busabos na kalagayan sa paggawa na kaakibat nito. Lumang tugtugin na ito, katulad ng laging tugon ng malalaking kapitalista kapag lumalakas ang panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod. Balewala sa ganitong pagdadahilan ang masamang kalagayan at mga batayang karapatan ng mga manggagawa.

à Totoong dahil sa malaganap na kawalang-trabaho sa bansa ay madali para sa mga kapitalista na magtanggal ng mga manggagawa at palitan ang huli ng mga bago. Totoo ring dahil sa ganitong kalagayan ay pinupwersa ng mga kapitalista ang mga manggagawa na tanggapin ang kontraktwal na katayuan at busabos na kalagayan sa paggawa. Pero hindi dahilan ang ganitong pananakot para maniwalang hindi kayang ibigay ng mga kapitalista ang kahilingan ng mga manggagawa para sa regularisasyon, lalo na sa harap ng pagtaas ng tubo ng mga kapitalista sa bansa.

à Sa pagdadahilan ng mga kapitalista at tagapagsalita nila, ipinagpapalagay na makatwiran at mapagmalasakit ang mga kapitalista: magreregular sila batay sa kakayahan at mag-eempleyo ng pinakamaraming kakayanin. Saan ibinabatay ng mga kapitalista ang pagsasakatuparan ng naturang mga hakbangin? Walang iba kundi sa tubo nila. At sino ang nakakaalam kung magkano ang tunay na tubo nila? Walang iba kundi sila. Nakabatay samakatwid ang ganitong pagdadahilan sa kalkulasyon ng mga kapitalista sa kanilang tubo at sa katapatan o kabutihang loob nila. Hindi makatao at makatotohanan na ibatay ang kalagayan ng mga manggagawa sa kalkulasyon ng tubo o kabutihang loob ng mga kapitalista; kaya nga sa kasaysayan ay ipinaglaban ng mga manggagawa ang paniyak laban sa mga ito – ang kanilang mga karapatan.

à At mahalagang idiin, laban sa ganitong pangangatwiran: ang kontraktwalisasyon ay paglabag sa lahat ng batayang karapatan ng mga manggagawa. Sa Pilipinas, laman ang naturang mga batayang karapatan sa mismong Konstitusyong 1987, na resulta ng malakas na pakikibaka ng mga manggagawa noong panahon ng diktadurang Marcos at kahit pagkatapos. Ang mga ginagarantiya ng Artikulo XIII ng Konstitusyon sa mga manggagawang Pilipino: lubos na proteksyon mula sa gobyerno, karapatang mag-organisa sa sarili at kolektibong makipagtawaran, magwelga, seguridad sa trabaho, makataong kalagayan sa paggawa, at nakabubuhay na sahod.

à Mahalagang idagdag na kasama ang naturang probisyon sa matagal nang gustong baguhin ng mga malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at malalaking panginoong maylupa sa pamamagitan ng mga gobyernong nagtutulak ng Charter Change.

KR Guda/PW File Photo

KR Guda/PW File Photo

Pagkilos. Sa lahat ng ipinangako ni Duterte bago at pagkatapos ng eleksyon, ang pagtapos sa kontraktwalisasyon ang isa sa pinaka-kumakatawan ng pangako niyang “tunay na pagbabago,” at “tapang at malasakit.” Mahalagang sukatan ang pagsasakatuparan dito, o ang hindi pagsasakatuparan dito, kung nakakapagdulot siya ng tunay na pagbabago o hindi.

à Marapat lang na kondenahin ang paglalabas sa DO 168, gayundin sina Bello at Duterte para sa kautusang ito. Marapat lang ipaglaban ang pagbasura sa DO 168, gayundin ng probisyon sa Labor Code na nagbibigay ng bisa rito mula sa pagpapahintulot sa Job Contracting. Dapat ipaglaban ang pagbabawal sa Job Contracting, ang regularisasyon ng mga kontraktwal, at ang pagpawi sa mga agency.

à Pero ang kontraktwalisasyon ay hindi lang patakarang ipinatupad ng magkakasunod na rehimen. Naging patakaran ito ng magkakasunod na rehimen dahil dikta ito ng imperyalismong US at bahagi ng neoliberal na atake nito, kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri, sa mga manggagawa at kilusang paggawa sa bansa at sa buong mundo.

à Napakakitid, halimbawa, ng pagdadala ni Herbert Docena ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino sa isyu para ilantad si Duterte na “hindi progresibo.” Mas dumudulo ito sa paglaban at pagpapatalsik sa pangulo na hindi karugtong ng pagsusulong ng tunay na pagbabagong panlipunan. Kapansin-pansing relatibong tahimik ang BMP laban sa kontraktwalisasyon noong panahon ni Aquino, na todong nagpatupad nito. Naging relatibong maingay naman ito sa kontraktwalisasyon sa panahon ni Duterte, na nangakong tatapusin ito. May panganib din na mahulog ang pagsusuri sa pangangailangan sa isang progresibong pangulo para mawala ang anti-manggagawang iskema sa empleyo. Sa direksyon ni Docena, magiging masaya si Leni na Robredo, pero hindi si Lenin na Vladimir.

à Kasama ang kontraktwalisasyon sa mga neoliberal na atake sa mga manggagawa at kilusang paggawa. Ang pangkalahatang layunin: patuloy na palakihin ang tubo ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal kahit sa kalagayang may krisis ng labis na produksyon sa pamamagitan ng pagpapababa sa sahod at sa tinatawag ng Marxistang intelektwal na si David Harvey na “panlipunang sahod (social wage).” Kaakibat ng kontraktwalisasyon ang pagbasag sa minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor at kawani sa pampublikong sektor, pagpapalaganap ng mga special economic zones, partikular ang mga EPZs at pagkonsentra rito ng mga manggagawang industriyal, at iba pang mayor na hakbangin.

à Mawawakasan lang ang kontraktwalisasyon ng malawak at malakas na sama-samang pagkilos ng mga manggagawa at mga tagasuporta nila. Isang antas ang paggigiit sa gobyerno na ibasura ang iskema sa empleyo. Kailangan ang tuluy-tuloy at papalawak at papalakas na protesta para igiit ang pagbabasura rito. Gaya ng nabanggit ni Teddy Casiño ng Bayan Muna, isang pagkakataon din para igiit ito sa gobyerno ni Duterte ang usapang pangkapayapaan nito sa National Democratic Front of the Philippines.

à Pero magkakaroon ng lakas ang paggigiit sa gobyerno mula sa tuluy-tuloy at papalawak na pagkakaisa at pagkilos ng mga manggagawa sa antas ng empresa at konsentrasyon ng mga empresa. Sa karanasan, nalalabanan ang kontraktwalisasyon sa mga empresa sa iba’t ibang paraan: mula sa pagsasampa ng mga kasong nagpapakitang Labor-Only Contracting ang nagaganap at hindi Job Contracting, bagamat iilan ang tagumpay at matagal ang proseso; hanggang sa paglaban ng mga nakatayo nang unyon para maregular ang baha-bahagdan ng mga kontraktwal.

à Nitong huli, sa pamumuno ng mga panrehiyong balangay ng Kilusang Mayo Uno sa Timog Katagalugan at Southern Mindanao Region, nagpuputok ng welga ang mga kontraktwal sa layuning maregular sila at maitayo ang kanilang unyon. Sa harap ng matinding pagsasamantala sa kanila at ng laging posibilidad ng malawakang tanggalan kapag natuklasang nag-uunyon sila, wala nang naiwang pagpipilian ang mga manggagawa kundi ang maghanda sa welga at magwelga sa tamang panahon para maregular at makilala ang kanilang unyon.

à Sentral na usapin ang kontraktwalisasyon sa higit na paglawak at paglakas ng kilusang manggagawa sa bansa, sa paglaban sa atakeng neoliberal, sa pagtangan ng paparaming manggagawa sa kanilang mahalagang papel para sa tunay na pagbabagong panlipunan. Ang totoo, magiging tiyak lang ang pagwakas sa kontraktwalisasyon sa isang lipunan na pinapamunuan ng mga manggagawa at magsasaka, hindi ng mga imperyalista, malalaking burges-komprador at haciendero tulad ngayon. Kailangan ang pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba para lubusang mawakasan ang kontraktwalisasyon sa pambansang antas.

à Napakainam na pagkakataon samakatwid ng isyu at reyalidad ng kontraktwalisasyon para manawagan sa mga manggagawa, lalo na iyung pinagsasamantalahan ng malalaking dayuhan at lokal na kapitalista: Magkaisa at lumaban! Mag-unyon at makibaka! Ipaglaban ang sahod, trabaho at karapatan! Ipaglaban ang pambansang demokrasya at kalayaan! Makipag-ugnayan sa tunay, palaban at makabayang sentrong unyong Kilusang Mayo Uno para sa mga kongkretong hakbang!

17 Enero 2017

 

Mahusay pa rin ang Buwan at Baril

$
0
0

Madalas mabanggit ang “Buwan at Baril” ni Chris Millado bilang isa sa mga klasikong dula na kontra sa diktadurang US-Marcos at isa sa mga klasikong dulang makabayan. Nang ipalabas ito ngayong taon, may mga kaibigang nagsabi sa aking manood, dahil maganda raw at nakakaiyak pa nga. Kaya naman nanood ako, at hindi ako nabigo.

Binubuo ang “Buwan at Baril” ng limang istorya ng mga taong lumaban sa diktadura, partikular noong umigting ang pakikibaka nang paslangin si Sen. Ninoy Aquino petsa Agosto 21, 1983. Sa mensahe niya sa souvenir program ng dula, sinabi ni Millado na isinulat niya ito noong 1984, panahong kahit ang UP School of Economics ay nagsasabing binabayo ng matinding krisis ang bansa. Nasa iba’t ibang bahagi ng dula ang mga palatandan ng panahon: Lakbayan, August Twenty-One Movement, dilaw na confetti sa Makati, mga kamisetang may laman ng panawagang boykoteo sa eleksyon at larawan ni Ninoy, at iba pa.

Pero ang mainam sa dula, makabuluhan ang mga kwento lampas sa partikular na panahon na inilalarawan nila. Ang una, tungkol sa pagtatagpo ng magkapatid na magsasakang aktibista at manggagawang unyonista’t welgista sa Lakbayan nang dumating ang huli sa Metro Manila. Ang ikalawa, ang pagkukwento ng babaeng Itawis, isang pambansang minorya, sa tulong ng isang paring kumukupkop sa kanya tungkol sa pagpatay ng militar sa kanyang ama sa batayan ng akusasyong kasapi ito ng New People’s Army o NPA.

Ang ikatlo, ang pakikipag-usap ng isang socialite sa kanyang kasambahay tungkol sa kanyang pakikisangkot sa pakikibakang anti-Marcos. Ang ikaapat, ang pagsundo ng isang babaeng aktibista sa bangkay ng asawa niyang NPA, ang pagluluksa sa pagkamatay nito, at pagpapaalam dito. At ikaapat, ang pag-aresto, interogasyon at pagtortyur ng pulisya sa isang estudyanteng aktibista.

Ang kagyat na mapapansing kapuri-puri sa dula ay ang script. Kongkreto at buhay ang mga karakter, ang mga kwento ng buhay nila, at ang kwento ng mga buhay na inilalahad nila. Sabi ni Millado, “Lahat ng karakter… ay batay sa mga aktwal na taong nakilala ko, nakatrabaho, naengkwentro nang saglit, nabasa at nabalitaan sa mga lihim na pulong, piketlayn, mahabang martsa, demonstrasyon, pakikipamuhay, at barikada.” Makikitang matalas magmasid ng mga tao si Millado at lumubog siya sa kanilang saya, pighati, pag-ibig, drama, kakwanan, kakengkuyan at iba pang emosyon. Ito siguro ang aspetong “Buwan” sa titulo.

Pero ang mahusay rin sa dula ay kung paanong nagtutulungan ang bahaging personal na ito at ang pulitikal – ang komitment hindi lang sa pakikibakang anti-diktadura, kundi sa pakikibaka para sa rebolusyunaryong pagbabago ng lipunan. Ito naman siguro ang aspetong “Baril” sa titulo. Pinasok ng dula ang personal hindi para magpakaligaw at magpakulong dito, kundi para paglingkurin ang mga nilalaman nito sa personal na katatagan sa kolektibong pakikibaka, at sa pampulitikang pakikibaka mismo.

Kaya dadalhin ka ng dula sa samu’t saring emosyon – sa paraang may bahaging marahan at may bahaging todo – para ibalik sa aktibismo at rebolusyon. Dito, mahigpit na magkaugnay, hindi magkabangga, ang buwan ng personal na buhay at ang baril ng pulitikal na pakikibaka.

PW-buwan-at-baril-cast-01

Pinakamatining ang kakayahang ito sa kwento tungkol sa babaeng kumuha ng bangkay ng asawa niyang NPA. Dumaan siya sa matinding pagkwestyon sa prinsipyo at pakikibaka, pero humantong sa mas matatag na pagtangan dito; sa pakiramdam ng pagiging mag-isa pero tumungo sa pakiramdam ng pagiging kasama ng marami; sa pag-aakala ng kawalang-saysay ng kanyang buhay at kamatayan pero dumulo sa pag-unawa sa ibayong kabuluhan nito. Marami sa mga kasabayan kong manonood na may pampulitikang kamulatan ang marahang nagpunas ng luha at narinig ang mga pigil na singhot. Narito na yata ang pinakamasakit pero pinakamatamis na flying kiss na nakita ko sa buong buhay ko.

Ang mahusay na script, nabigyang-buhay ng magaling na pagganap ng mga aktor sa ekspertong direksyon ni Andoy Ranay. Napakagaling ni Angeli Bayani na gumanap na babaeng Itawis. Ang pananalita niya, waring Ilocano, pero ibang wika pa. Hindi na naisalin ng tagapagsalin niyang pari na si JC Santos ang mga sinasabi niya, pero mauunawaan mo nang malinaw, sa tulong ng ilang susing salita at marubdob na emosyon. Marami ang nagtanong pagkatapos: talaga bang wika ni Bayani ang sinambit niya? Dahil galing sa puso, at tagos sa puso.

Napakahusay rin ni Mayen Estañero na gumanap na asawa ng patay na NPA. Mahusay niyang naipakita ang pagmamahal, lungkot, poot, saya, pangungulila, pagluluksa at samu’t saring emosyon sa tagpong iyun ng buhay. Asawang-asawa, nanay na nanay, aktibistang aktibista siya.

Dapat ding papurihan si Jackie Lou Blanco na gumanap na socialite – kalakhan nang suot ang bathrobe lang. Binigyang-buhay niya ang mahabang monologo at binigyang-ligaya niya ang manonood nang ipinapakita ang kanyang karakter, na siguro’y papasang isa sa “Titas of Manila” ngayon: ang kanyang mga tunggaliang pinasok, saya at lungkot, pagdadalawang-isip sa pakikibaka, at iba pa. May nagsabing ang modelo niya sa pagganap ay si Maita Gomez, aktibista at dating NPA, na lumabas ang larawan bago nagsimula ang kwento. Namulat si Maita noong First Quarter Storm ng 1970 habang ang karakter ni Blanco ay noong dekada 80 na, pero sinumang namangha kay Maita ay makakaalala sa kanya sa naging pagganap ni Blanco.

Maraming interesante at nakakapagpaisip sa dula. Matapang ito sa pagpapakita ng mga panganib at sakripisyo na hinaharap ng mga aktibista at rebolusyunaryo, pero malinaw rin ito sa pagpapakita ng mga paninindigan, kwento, alaala, pagiging tuso sa kaaway, at iba pang rekurso nila sa pagharap at pag-alpas. Matapang bagamat maingat din ito sa pagdadala ng mga impormasyon lalo na kaugnay ng kilusang lihim: mula sa pagbilang ng babaeng Itawis sa 21 sundalong dumukot sa kanyang ama hanggang sa pagpapanggap ng asawa na pinsan niya ang patay, hanggang sa pagkatuklas ng nakasulat na talambuhay ng estudyanteng aktibista.

Ang sinasabing kagyat na dahilan kung bakit muling ipinapalabas ang dula ay para kontrahin ang rebisyunismo sa kasaysayan hinggil sa diktadurang US-Marcos na naglalatag naman ng landas para sa pagpapanumbalik ng mga Marcos sa Malakanyang. Idagdag pa marahil ang gisingin ang alaala para palakasin ang paglaban sa malaganap na ekstrahudisyal na pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Rodrigo Duterte.

Pero higit-higit pa diyan ang halaga at bisa ng “Buwan at Baril.” Kumbaga’y kinuhanan ni Millado ng larawan ang isang panahong malakas at maigting ang pakikibaka – hindi lamang laban sa diktadura kundi sa buong bulok na naghaharing sistema – at ipinapakita ang naturang larawan ngayon. Katulad rin marahil ng paggunita ng naunang henerasyon ng mga aktibista’t rebolusyunaryo sa FQS. Pinapalawak ang ating kaalaman at pag-unawa, binibigyan tayo ng inspirasyon at ahitasyon tungkol sa mga nagawa na at posible pang makamit na maaaring tanganan ngayon at lampasan sa hinaharap.

Sino nga ba iyung makatang nagsabing hindi mo pwedeng gawan ng buod ang isang tula? Ganoon pala iyun: Kapag napakaganda at napakahusay ng isang likhang-sining, walang anumang paliwanag o rebyu ang sasapat para ipagagap ito. Kailangang maranasan ito mismo ng mga tao. Kaya sinasabi ko sa lahat: panoorin ang “Buwan at Baril”! At marapat sabihan ang mga nasa likod ng dula: Padayon, itanghal sa buong bayan!

06 Pebrero 2017

 


Peace Talks at Pangakong Pagbabago

$
0
0
Cover ng print issue ng PW sa susunod na linggo.

Cover ng print issue ng PW sa susunod na linggo.

Masama ang mga pinakahuling balita tungkol sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Masama rin ang implikasyon ng mga ito sa ipinangakong “tunay na pagbabago” ni Pang. Rodrigo Duterte.

(1) Kung matatandaan, ilang buwan nang kinokondena ng NDFP ang mga paglabag ng militar sa ceasefire o tigil-putukan na idineklara ng mismong gobyerno. Inilista ang mga paglabag na ito ni Atty. Edre Olalia ng NDFP: “pag-okupa… sa mga istrukturang sibilyan gaya ng paaralan, health center, tahanan; pagpaslang at pagdukot sa mga magsasaka at sibilyan; pagbansag at pagbanta sa mga sibilyan na umano’y tagasuporta o simpatisador ng [New People’s Army] o mga adik sa droga; pagpakat sa mga erya na itinuturing ng NDFP na teritoryo nito sa tabing ng ‘civil relations’ o ‘peace and development operations’.”

Nagbanta na nga noon ang Communist Party of the Philippines (CPP) at NPA na tatapusin ang kanilang idineklarang tigil-putukan. Agrabyado nga naman ang NPA kung hindi ito makakalaban sa harap ng mga atake ng militar. Mas agrabyado pa ang mga magsasaka at pambansang minorya na dumadanas ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao.

At binawi nga ng CPP at NPA ang kanilang tigil-putukan at naglunsad ng depensibong mga aksyon laban sa mga atake ng militar. Pero malinaw ang pahayag nito: Pwede at dapat ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan kahit naglalabanan ang militar at NPA. Kung tutuusin, ganito ang matagal nang kalakaran – usapan habang may putukan – at ngayon lang ulit sa ilalim ni Duterte ang mga tigil-putukan.

Pero malabis ang tugon ni Duterte, bukod sa pagbawi sa tigil-putukan na idineklara ng gobyerno: tinapos ang usapang pangkapayapaan, pinawalang-bisa ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o JASIG na mahalaga sa pagpapatuloy ng negosasyon, tinawag na “terorista” ang CPP at NPA, at nagdeklara ng “all-out war” o “todo-gera.” Kaalinsabay nito ang iba’t ibang atake sa NPA at paglabag sa karapatang pantao ng mga inaakusahang tagasuporta nito.

Ang tugon ng CPP-NPA-NDFP: paglaban sa todo-gera ng militar, habang nagbababala sa mga paglabag sa karapatang pantao ng mga pinagbibintangang kasapi o tagasuporta nila. Pero malinaw pa rin nilang binubuksan ang pinto para sa usapang pangkapayapaan. Tampok sa panawagang ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan si Prop. Jose Maria Sison, punong pampulitikang konsultant ng NDFP, tagapangulong tagapagtatag ng CPP, at dating propesor sa kolehiyo ni Duterte.

(2) Noong eleksyon, matatandaang maraming ipinangako si Duterte na pabor sa mamamayan sa pakete ng “tunay na pagbabago,” kahit pa babangga sa mga tinawag niyang “oligarkiya” o iilang mayayaman at makapangyarihan sa bansa. Inunawa ang islogan niyang “tapang at malasakit” na malasakit para sa karaniwang mamamayan at tapang laban sa mga bumabangga sa interes nila.

Hindi magandang indikasyon ang pagtapos ni Duterte sa peace talks sa NDFP sa ipinangako niyang pagbabago. Una, sa isang pakahulugan, maliit na pagbabago na ito: isa ito sa ipinag-iba niya sa mga sinundang pangulong sina Noynoy Aquino at Gloria Macapagal-Arroyo na sumabotahe sa usapang pangkapayapaan at naglunsad ng todo-gera sa NDFP.

Ikalawa, daluyan ang usapang pangkapayapaan ng mga panukalang reporma at pagbabago na maaari niyang ipatupad. Saktong ang pinag-uusapan ay ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms o CASER na siyang esensya ng usapang pangkapayapaan. Ang panukala ng NDFP: tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, karapatan ng masang anakpawis at mamamayan, proteksyon ng kalikasan, kapakanan ng mga pambansang minorya, progresibong patakarang panlabas at pampinansya, at iba pa.

Ikatlo, pagbubukas ito sa mga pwersa ng pagbabago sa bansa. Kung tunay mang magsusulong si Duterte ng pagbabago, ang makakakampi talaga niya ay ang Kaliwa at ang mga mamamayan mismo. At kung tunay mang magsusulong siya ng pagbabago, dapat maging malinaw na kampi siya sa Kaliwa at mga mamamayan kaysa sa US, sa kampo nina Noynoy at Leni Robredo, sa mga oligarkiya at militar.

(3) Sa kabilang banda, balansehin natin: Ito na ang pinakamalayong narating ng usapang pangkapayapaan, ang pinakamatagal na tigil-putukan sa pagitan ng gobyerno at CPP, at makasaysayang muling nakapagpalaya ng mga bilanggong pulitikal. Lahat ng ito, kaugnay ng isa sa pinakamatagal na armadong insurhensya sa buong Asya at mundo. Sa puntong ito, lamang si Duterte kina Noynoy at Arroyo. Pero “tunay na pagbabago” ang ipinangako niya, at wala pa ito sa kalingkingan at sa makatarungan.

Piket ng mga magsasaka at miyembro ng Anakpawis Party-list sa harap ng himpilan ng Armed Forces of the Philippines sa Kampo Aguinaldo para iprotesta ang patuloy na pamamaslang at pananalakay sa mga komunidad ng mga magsasaka sa kanayunan. <b>PW File Photo</b>

Piket ng mga magsasaka at miyembro ng Anakpawis Party-list sa harap ng himpilan ng Armed Forces of the Philippines sa Kampo Aguinaldo para iprotesta ang patuloy na pamamaslang at pananalakay sa mga komunidad ng mga magsasaka sa kanayunan. PW File Photo

(4) Kung tutuusin, ang pagtapos sa usapang pangkapayapaan ay ang pinakahuli sa mga napakong ipinangakong pagbabago ni Duterte. Independyenteng patakarang panlabas daw, pero patuloy ang US sa ehersisyo ng mga pwersang militar nito at ang pagtatayo ng mga base-militar nito sa bansa. Ibabasura raw ang kontraktwalisasyon, pero regularisasyon lang pala sa mga agency. Ngayon, pati pagbabawal ni Sec. Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources sa mapangwasak na pagmimina, nanganganib baligtarin.

Itataas ang pensyon sa Social Security System, pero may dagdag-premium din. Libreng edukasyon sa kolehiyo raw, pero modus operandi pala para magpatupad ng iskemang ladderized tuition sa maraming paaralan. Papalayain daw ang mga bilanggong pulitikal, iyun pala, itinuturing silang “alas” sa usapang pangkapayapaan. Lahat ng ito, sa konteksto ng malaganap na ekstra-hudisyal na pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao dahil sa “gera kontra-droga.”

(5) Lalong nagiging malinaw, samakatwid, na hindi maaasahan si Duterte na magdulot ng pagbabago sa sarili niya – kahit pa ito ang ipinangako niya at kahit nagpakita siya ng kahandaang magpatupad ng maliliit na pagbabago. Ginagamit pa ngayon ng US, ng oligarkiya at militar, at ng pangkatin nina Noynoy at Robredo ang mga paglabag sa karapatang pantao dulot ng gera kontra-droga para bantaan ng pagpapatalsik, gipitin at pasunurin si Duterte. Kahit siyang pangulong nangako ng pagbabago ay kailangang pwersahin ng mga mamamayan na magdulot nito.

Ang mga pahayag at pagkilos na mismo ni Duterte ang lalong naglilinaw sa mamamayan na kailangang palakasin ang mga protesta at ang paglaban para sa tunay na pagbabago sa ating bayan.

14 Pebrero 2017

Higit kay Gina at sa Mina

$
0
0
DENR Sec. Regina "Gina" Lopez, sa isang programa kontra sa mapanirang pagmimina sa Mindoro kamakailan. <b>Raymond Panaligan</b>

DENR Sec. Regina “Gina” Lopez, sa isang programa kontra sa mapanirang pagmimina sa Mindoro kamakailan. Raymond Panaligan

Nitong 06 Marso, pumunta ako sa UP-Diliman para dumalo sa “People’s Mining Forum” na inilunsad ng Kalikasan People’s Network for the Environment at iba pang organisasyon. Ang konteksto: ang mainit na debate sa midya tungkol sa kautusan ni Sec. Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipatigil ang operasyon ng 23 kumpanya ng pagmimina at ipasuspinde ang operasyon ng lima pang kumpanya. Ang sabi sa titulo, tungkol ang porum sa “mining audit” na isinagawa ng DENR sa 41 kumpanya at sa pangangailangan ng pambansang industriyalisasyon sa bansa.

Nakakamangha: nagsimula at tumakbo ang porum na may unawaan ang mga dumalo na negatibo ang kabuuang epekto ng malakihang pagmimina sa mga komunidad, kalikasan, karapatang pantao at ekonomiya. Hindi na kinailangang patunayan pa sa mga dumalo ang masasamang epekto. Masasabing tagumpay ang ganitong kalagayan ng paglaban at paglalantad ng mga Lumad, mga pambansang minorya, magsasaka, at iba pang sektor ng lipunan na sumusuporta sa kanila. Tagumpay rin ito ng mga pahayag at ulat ni Lopez mismo sa tulong ng midyang pag-aari ng kanyang pamilya, ang ABS-CBN.

Kaya naman sa social media, nalalantad ang mga tagapagtanggol ng malalaking minahan bilang mga direktang nakikinabang sa naturang negosyo. Nangunguna na ang dyaryong Philippine Daily Inquirer, na ang presidenteng si Sandy Prieto-Romualdez ay asawa ni Philip Romualdez, pangulo ng Chamber of Mines of the Philippines at ng Benguet Corporation, kompanyang kasama sa ipinasara ni Lopez. Bahaging may-ari rin ng dyaryo ang malaking kapitalistang si Manny Pangilinan, chairman ng Philex Mines at namumuhunan sa pagmimina.

Lumulutang din si Dr. Carlo Arcilla, na nagpapakilalang “environmental expert” o eksperto sa kalikasan at propesor ng geosciences sa UP. Katunayan, kaunting Google lang ang kailangan para maipakitang tuluy-tuloy siyang naglingkod sa mga kompanya ng pagmimina – at sa gayo’y hindi isang tagamasid na nyutral, obhetibo o akademiko gaya ng gusto niyang ipakita. Siyang umano’y eksperto sa kalikasan, matagal nang lingkod ng mga sertipikadong eksperto sa pagsira sa kalikasan.

Sa bungad pa lang ng programa, nasabi na ng tagapagpadaloy na isang hakbang patungo sa tamang direksyon ang pagpapatigil at pagsuspinde ni Lopez. Pero kung hindi nagdulot ng kaunlaran sa bansa ang malakihang pagmimina, hindi rin magdudulot ng kaunlaran ang simpleng pagpapatigil rito. Bahagi ang malakihang pagmimina ng isang modelo ng “kaunlaran” na pabor sa malalaking kapitalistang dayuhan at lokal. Posible bang maging bahagi ito ng modelo ng kaunlaran na tunay na pabor sa nakakarami, sa mga mamamayang Pilipino?

Inihayag ng mga magsasakang residente ng Purok Mahayahay sa Banga, South Cotabato ang suporta sa kampanya ni DENR Sec. Gina Lopez kontra sa malawakang komersiyal na pagmimina sa kanilang lugar. <b>Kontribusyon</b>

Inihayag ng mga magsasakang residente ng Purok Mahayahay sa Banga, South Cotabato ang suporta sa kampanya ni DENR Sec. Gina Lopez kontra sa malawakang komersiyal na pagmimina sa kanilang lugar. Kontribusyon

Sa unang bahagi ng kanyang presentasyon, inilatag ni Engr. Rodolfo Velasco, Jr. ng DENR ang mga probisyon ng Philippine Mining Act of 1995 hinggil sa umano’y pagtulong ng pagmimina sa mga komunidad at pangangalaga sa kalikasan. Sa ikalawang bahagi, inilahad na niya ang “mining audit” na isinagawa ng DENR. Ang layunin nito, aniya: malaman ang pagtupad o hindi pagtupad ng mga kumpanya sa mga probisyon ng batas hinggil sa pangangalaga sa kalikasan. Pagkatapos, inilitanya na niya ang bilang ng mga kumpanyang ipinapatigil at ipinapasuspinde ang operasyon.

Sa isang banda, taliwas kay Lopez, walang maalab na paglalarawan at pagkondena si Velasco sa pagwasak sa kalikasan ng pagmimina. Sa kabilang banda, naipakita niyang tanging batayang legal ang ginamit para sa kautusang ipatigil ang operasyon ng mga minahan. Sa isang banda, malinaw ang panawagan sa porum na ibasura ang mismong Mining Act of 1995. Sa kabilang banda, naipakita ni Velasco na kahit ang batas na ito na pumapabor sa mga kapitalista sa pagmimina ay nilalabag mismo ng naturang mga kapitalista.

Sa panig naman ni Dr. Giovanni Tapang, tagapangulo ng AGHAM-Advocates of Science and Technology for the People at propesor sa UP, ipinakita niya na ang pagkawasak ng kalikasan na dulot ng malakihang pagmimina sa kasalukuyan ay bahagi ng kalakaran ngayon ng ekonomiya ng bansa. Ang problema sa malakihang pagmimina sa ngayon, aniya, ay bahagi ito ng kalakarang naglilingkod sa mga dayuhan at iilan sa kapinsalaan ng masang katutubo, magsasaka at bayan.

Ani Tapang, ang malakihang pagmimina ngayon sa bansa ay: (1) kalakhang nakalaan sa eksport, sa pagtugon ng pangangailangan ng ibang bansa, hindi ng Pilipinas, (2) pag-aari ng, at naglilingkod sa, malalaking kapitalistang dayuhan at lokal, hindi ng mamamayan, (3) nakasandig sa dayuhang kapital at teknolohiya, (4) walang karugtong sa ekonomiya pagdating sa pagpoproseso ng mga naminang mineral patungo sa kalakal, (5) hindi naglilingkod sa matinding pangangailangan ng mekanisasyon ng agrikultura, at (6) parte ng sistema ng produksyon kung saan ang Pilipinas ay tumatanggap ng maliit na dagdag na halaga o “low-value added” lang.

Aniya, posible na ang pagmimina ay maging bahagi ng pambansang pag-unlad, kung magiging bahagi ito ng mga programang magsusulong sa tunay na kaunlaran – ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Para rito, kailangan aniya na isabansa ang mismong industriya ng mineral sa bansa. Kailangan itong maglingkod sa agrikultura, kagyat ang paglikha ng mga traktora. Kailangan itong maging bahagi ng pagpapalakas sa mga industriyang magaan at mabigat, at ang huli ang maghahawan ng landas patungo ibayo pang pag-unlad.

Naging madiin si Tapang sa aspetong “bagay” ng usapin: mga mineral, mga kalakal na nililikha mula mineral sa ibang bansa, mga kalakal na bumabalik sa bansa na yari na, mga traktora at mga kalakal na na dapat likhain sa bansa, at iba pa. Mahalagang idagdag ang aspetong “tao” sa isyu: na ang malakihang pagmimina sa kasalukuyan ay karugtong ng kalagayan ngayon ng lakas-paggawa ng bansa: migranteng manggagawa, magsasakang walang sariling lupa, empleyado ng Business Process Outsourcing, manggagawa sa sektor ng serbisyo, at iba pa.

Ibig sabihin, ganito ang mga kinasasadlakang trabaho ng mga Pilipino – naglilingkod sa mga dayuhan at iilan, mapagsamantala, at kumikitil sa mapanlikhang potensyal – dahil walang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon sa ating bansa. Ibig sabihin, dapat makita ng mga estudyante ng mga kurso sa UP na karugtong ng pagmimina – na nag-iingay ngayon sa isyu – na ang kanilang hinaharap ay mahigpit na kaugnay ng hinaharap ng buong bayan; na ang isyu nila, hindi maiiwasan, ay isyu rin ng buong bayan.

Si Kong. Karlos Ysagani Zarate ng Bayan Muna naman, tinalakay ang People’s Mining Bill bilang alternatiba sa Mining Act of 1995. Ipinaalala niya na noong 2004, sinabi na ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyong 1987 ang Mining Act of 1995. Pero binaligtad din ang naturang hatol dahil sa presyur ni Gloria Macapagal-Arroyo, na noo’y presidente. Nabanggit niyang may mga aral na mahahalaw sa industriyalisasyon ng South Korea, na imbitasyon para palalimin ang pag-unawa sa karanasan ng iba’t ibang bansa sa industriyalisasyon at pagmimina.

Sabi Zarate, kung ang umiiral na batas ay tungkol sa pagbibigay-insentiba sa mga namumuhunan sa pagmimina, ang panukalang batas ay tungkol sa pagsasabansa ng mga minahan, independyenteng patakarang pang-ekonomiya at pagtiyak ng maksimum na pakinabang ng bansa sa pagmimina. Kung sa una ay bukas ang lahat ng lugar sa bansa sa pagmimina at aaprubahan na lang ng presidente, sa ikalawa ay sarado, at nangangailangang aprubahan ng tinatawag na Multisectoral Mining Council.

Open-pit mine sa Didipio, Nueva Vizcaya.

Open-pit mine ng kompanyang OceanaGold sa Didipio, Nueva Vizcaya.

Sa open forum at pangwakas na pananalita ni Piya Macliing Malayao, pangkalahatang kalihim ng Kabataan para sa Tribung Pilipino o Katribu, nailatag ang iba’t ibang porma ng paglaban sa malakihang pagmimina: mula pagtutulak ng moratoryo sa mga lokal na pamahalaan hanggang sa protesta sa lansangan, mula pagla-lobby para sa People’s Mining Bill hanggang sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front, at mula sa pangayaw o tribal war ng mga katutubo hanggang pag-atake ng New People’s Army sa mga minahan.

Mainam idugtong: anuman ang ganda at husay ng mga nakahaing alternatiba sa malakihang pagmimina ay hindi agad ipapatupad ng gobyerno, at anuman ang sama at pinsala ng malakihang pagmimina ay hindi rin agad ipapatigil nito. Ang ugat: ang umiiral na relasyon ng pagmamay-ari sa bansa, na pabor sa malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at haciendero na ipinagtatanggol ng gobyerno. Ang masasamang interes, bulag sa masasahol na epekto ng kanilang hakbangin at bingi sa magagandang panukala para sila ay mabago.

Sa dulo, positibo ang hakbangin ni Lopez at ang pagpapalawak at pagpapalakas sa iba’t ibang paglaban sa malakihang pagmimina ngayon. Tuntungan ang lahat ng ito para mapalakas ang pakikibaka para tapusin ang paghahari ng mga dayuhan at iilan sa bansa, pabor sa pananaig ng nakakaraming Pilipino. Ito lang ang tatapos sa pamiminsala ng malakihang pagmimina sa ngayon at maglalagay ng pagmimina sa bagong balangkas ng tunay na pambansang kalayaan at pag-unlad.

11 Marso 2017

 

Tagumpay ang #OccupyPabahay

$
0
0

Nitong Marso 27, idineklara ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na tagumpay ang pag-okupa ng mga maralita sa mga tiwangwang na pabahay sa Pandi, Bulacan na nagsimula noong Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Pagkatapos ito ng isang diyalogo kaharap ang pamunuan ng National Housing Authority (NHA) kung saan binawi ng huli ang naunang banta ng ebiksyon o pagpapalayas sa mga maralita sa mga inookupang yunit ng pabahay.

Mainam na pagtatapos ito, kung pagtatapos na nga, ng isang yugto ng paglaban ng mga maralita na naging pambansang isyu at araw-araw na laman ng balita, umani ng iba’t ibang reaksyon, at muling nagpatampok sa sitwasyon ng mga maralita at kanilang panawagan para sa libre at pangmasang pabahay.

Maraming tampok na aspeto ang pakikibakang ito ng mga maralita.

Una, ang pagiging makatarungan ng kahilingan na madaling makita. Ang mga may kahilingan: mga maralita na haluan ng mga manggagawang may trabaho at mala-manggagawang pana-panahong may trabaho pero kadalasang naghahanap-buhay sa pagtitinda-tinda, pamamasukan, at iba pa. Mga napwersang umalis sa dating tinitirhan dahil sa kawalan ng lupang masasaka, kawalan ng trabaho, demolisyon ng dating tirahan, at relokasyon ng gobyerno.

Ang kahilingan: ang manirahan sa proyektong pabahay ng gobyerno na tatlo o higit pang taon nang walang residente, nakatiwangwang, unti-unting nasisira, tinutubuan ng mga damo’t halaman at pinamamahayan ng mga insekto. Tipikal na relokasyon ito na tinutuligsa ng Kadamay: hindi maayos lalo na ang palikuran, walang kuryente at tubig, at higit sa lahat ay malayo sa mga pagkakataong magkatrabaho. “Parang impyerno” ang paglalarawan ng isang nagsasalita para sa mga sundalo, na kabilang sa mga pinaglaanan umano ng mga yunit ng pabahay.

Ayon sa mga ulat, mahigit 5,000 pamilya ang nag-okupa ng mga tiwangwang na pabahay – kapiranggot lang ng mahigit 52,000 tiwangwang na proyektong pabahay (na para sa militar at pulis) ng gobyerno sa Bulacan at iba’t bang bahagi ng bansa.

Sa kasong ito, ang kahilingan ay hindi lang marapat ibigay ng gobyerno; ang hindi pagbibigay ng kahilingan ay naglantad sa kagyat na kabulukan ng gobyerno – sa kapalpakan o katiwalian nito. Kapalpakan: mula nang tanggihan ang pabahay ng mga pulis at sundalo na pinaglaanan nito, sa mga dahilang nabanggit sa itaas, hindi na ito napatirhan sa napakaraming nangangailangan. Katiwalian: ipinatayo ito gamit ang kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program o DAP ni Noynoy Aquino, kontraktor ang isa niyang dating kaklaseng si Chito Cruz, at posibleng ipinatayo mas para maibulsa ang pondo kaysa maging serbisyo.

Ang larawan: mga walang-wala na natulak kunin ang napapanis nang mumo mula sa mesa ng gobyerno. Nalantad na walang puso ang gobyerno sa hindi pagbibigay ng mumo. Pero malalantad pa itong malupit kung itutuloy nito ang bantang bawiin pa ang mumo sa bibig ng mga nangangailangan.

Larawan mula sa <b>Anakbayan FB page</b>

Larawan mula sa Anakbayan FB page

Bng sabi ng mga rebolusyonaryong German na sina Karl Marx at Friedrich Engels, “Ang mga ideya ng mga naghaharing uri ang sa bawat epoka ang siyang mga naghaharing ideya.” Maraming pagkikinis at paglulugar na ginawa ang mga Marxistang intelektwal para maipakita ang katotohanan ng pahayag na ito. Pero isang malinaw na patunay nito sa Pilipinas ngayon ang pagtingin sa mga maralitang lungsod. Pagdating sa kanila, maraming utak-mayaman at matapobre pa nga, kahit hindi naman mga kabilang sa mga naghaharing uri.

Sa halip na sikaping sagutin ang pagiging makatarungan ng kahilingan ng mga maralita, madaling inilabas ng mga galit na panggitnang uri at bulag na tagapagtanggol ng gobyerno ang mga lumang paninira at pang-iinsulto: mga tamad at parasitiko sa gobyerno, “ginagamit” ng Kadamay, bayaran ng mga Dilaw para sa pakanang destabilisasyon laban kay Pang. Rodrigo Duterte, ginugwardyahan ng mga New People’s Army o NPA, at kung anu-ano pa.

Hindi rin gaanong nagsalita tungkol sa Pandi ang mga nag-iingay laban sa maramihang pagpatay sa maralita ng “gera kontra-droga” ng rehimen. Bagamat positibo ang kanilang pagtindig laban sa mga pamamaslang, ipinapakita ng pananahimik nila sa tinawag na “Occupy Pabahay” ang kakapusan nila sa pag-uugnay ng mga karapatang pantao sa mga karapatang sosyo-ekonomiko, o sa kalagayang sosyo-ekonomiko sa kabuuan. Hindi pa nila handang yakapin ang tunguhin ng paninindigan nila: na kailangang wakasan ang pagiging maralita ng maralita para mawakasan ang pagpaslang sa kanila at paglabag sa kanilang mga karapatang pantao.

Sa mga argumento ng mga tutol, ang “pinakadisente” ay sinabi ni Duterte mismo: anarkiya ito, paglabag sa batas at kaayusan. Kakatwang pahayag ito ng pangulo na namumuno sa panahong kanya-kanyang pagpatay ang ginagawa ng mga pulis sa ilalim ng Oplan Tokhang at ng mga militar sa ilalim ng Oplan Kapayapaan. Sumagot ang National Union of People’s Lawyers o NUPL: may batayang ligal ang pag-okupa ng mga maralita sa Konstitusyong 1987 at iba pang dokumento.

Pero kaso ito kung saan ang puso, ang sentido-kumon ay mas malapit sa katarungan kaysa sa batas. Kung walang batas na nagliligalisa sa ginawa ng mga maralita sa Pandi, dapat gumawa ng ganoong batas. At kung wala sa batas ang ginawa nila, mas di-makatarungan ang kabulukan ng gobyerno. Tama si Carlito Badion, pangkalahatang kalihim ng Kadamay: “Nasaan sa batas na iyung mga pabahay ng gobyerno ay dapat hayaang mabulok at nakatiwangwang? Saan sa batas nakasulat na kapag ika’y mahirap at tumitindig para sa iyong karapatan, dapat kang dahasin?”

Ikalawa, ang pagkakaisa at pagkilos ng mga maralita. Dinala nila ang desperasyon at matinding pangangailangan sa pagkakaisa at pagkilos para magkamit ng kagyat na lunas. Inalpasan nila ang takot – na gustong itanim sa kanila ng mararahas na demolisyon sa panahon ni Noynoy at mga naunang pangulo, ng mga pamamaslang sa ilalim ni Duterte, at ng naunang banta mismo ni Duterte, na malamang ay ibinoto rin ng marami sa kanila, ng pagpapalayas sa inokupa nilang pabahay.

Isa siguro ito sa idinudulot ng tuluy-tuloy na pandarahas ng gobyerno sa mga maralita. Nalalagay sila sa kalagayang walang mawawala sa kanila kung “manlaban.” Sabi ng isang welgistang manggagawang bukid sa militar sa Hacienda Luisita noong 2004, na nakunan sa bidyo: “Pinapatay na rin lang ninyo kami, mamamatay na kaming lumalaban.” Lalo na kung ang hinihingi ay kaunti lang naman at makatarungan, at kung ang ihaharap sa kanila sa paghinging ito ay karahasan.

At ang pagkakaisa at pagkilos ng mga maralita ang naglagay ng pwersa sa kanilang makatarungang panawagan. Ang kanilang pagkakaisa at pagkilos ang nagpatampok sa buong bansa na totoong may mga tiwangwang na pabahay, na totoong marami ang matinding nangangailangan, na totoong makatarungan ang hayaan nang may mga tumira sa mga pabahay na ito.

Larawan mula sa <b>Kadamay FB page</b>

Larawan mula sa Kadamay FB page

May panahong paboritong gawin ng midya ng malalaking kapitalista ang interbyuhin ang mga maralitang sumasama sa mga rali at tanungin: Ano po ang ipinaglalaban natin? Ang layunin: palabasing hindi nila alam. Sa kaso ng Pandi, isang hukbo ng tagapagpaliwanag ang mga maralita, dahil ang isyu ay alam na alam nila. Sa mga bidyo, sa iba’t ibang ulat tungkol sa kanilang pagkilos, maririnig mula sa kanilang mga bibig mismo ang kanilang kalagayan at karaingan.

Malamang, alam nila kung paano sila ituring ng marami sa lipunan, pero hindi nila ito alintana. At ipinakita nila na kaya ng mga minamaliit at hinahamak na maralita na makakita ng makatarungan na hindi nakikita ng marami at ituro ito sa ating lahat. Na kailangang ibukas ng umano’y mauutak nating kababayan ang pag-unawa sa dunong ng kumakalam na sikmura na dumulo sa sama-samang pagkilos. Sa proseso, hinimok nila ang marami na umunawa, magmalasakit, at dumamay.

Ikatlo, ang mahigpit at maagap na pagsuporta ng kilusang masa sa bansa. Sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, at sa tampok na paglahok ng mga kabataan-estudyante sa pangunguna ng Anakbayan at League of Filipino Students, sinuportahan ang mga maralita: nagsikap ipaunawa sa publiko ang paglaban, minaksimisa ang social media para rito, nag-caravan patungong Pandi para ipakita ang suporta at makipamuhay, niralihan ang NHA at Malakanyang, naghatid ng pagkain at iba pang tulong.

Aktibong nakiisa ang mga mambabatas ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o Makabayan. Hindi nagpapigil sa banta ng pagtuligsa at aktibong tumugon sa tuligsa, naghatid ng pagkain ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa pangunguna ng maka-Kaliwang si Sec. Judy Taguiwalo. Maraming kaibigan ng maralita sa Taiwan, Rome at iba pang bansa ang nagpakita ng suporta.

Ang lahat ng ito ang nagtulak kay Duterte na makinig at iatras ang nauna niyang banta ng pagpapalayas. Kakatwang sabihin, pero kasama na ito sa humahabang listahan ng mga positibong pagbabagu-bago ng pahayag ng pangulo.

Sa harap ng humihigpit na atensyon ng pandaigdigang midya sa mga pagpaslang kaugnay ng kanyang “gera kontra-droga,” tiyak na hindi niya gugustuhing magpakita ng isa pang patunay ng kalupitan sa maralita. Tiyak ding hindi niya gugustuhing iantagonisa ang Kaliwa na bagamat lalong nagiging kritikal sa kanya ay sumusuporta pa rin sa mabubuting hakbangin niya.

Mahirap ang maghina-hinala sa kasaysayan, mga tanong na tipong “Paano kaya kung…?” Pero may batayang sabihin na kung naganap ang ganitong okupasyon sa panahon ni Noynoy Aquino, tiyak na dinahas na at dinahas agad ang mga maralita. Talagang malaganap ang mararahas na demolisyon noon, gayundin ang pandarahas sa mismong mga protesta. Masamang ehemplo na dapat ay huwag tularan ni Duterte ang rekord na ito ni Aquino.

Tagumpay ang mga maralita sa Pandi. Pero gaya nga ng nasabi minsan kaugnay ng paglaban ng mga maralita ng Sitio San Roque sa Quezon City noong 2010: ang tagumpay ng maralita sa lipunang ito ay laging bahagya kumpara sa nararapat at laging delikado, nanganganib bawiin ng mga naghaharing uri.

Sabi nga ni Engels sa The Housing Question: “Hangga’t patuloy na umiiral ang kapitalistang moda ng produksyon, isang kahibangan ang umasa sa nakahiwalay (isolated) na solusyon sa usapin ng pabahay o kahit anong usaping panlipunan na nakakaapekto sa kalagayan ng mga manggagawa. Ang solusyon ay nasa pagbabagsak sa kapitalistang moda ng produksyon at sa pag-angkin (appropriation) ng lahat ng kagamitan (means) ng buhay at paggawa ng masang anakpawis mismo.”

Marami pang dapat ipaglaban ang mga maralita: mula disenteng trabaho, serbisyong tubig at kuryente, libre at pangmasang pabahay, at iba pa hanggang sa tunay na pagbabagong panlipunan kung saan may libre at pangmasang pabahay. Mahalagang hakbang patungo diyan ang kanilang tagumpay na nakamit sa Pandi at ang kanilang nagpapatuloy na pagkakaisa at pagkilos.

01 Abril 2017

 

GINAlingan, MINAtamaan

$
0
0

Mayo a-tres, tinanggihan ng Commission on Appointments ang pagkatalaga ni Gina Lopez bilang sekretaryo ng Department of Environment and Natural Resources. Ito na siguro ang pinakasikat na pagtanggi ng CA sa isang sekretaryo ng pangulo – na ang ibig sabihin ay pagsibak sa huli. Naglabasan ang galit at pagkondena, at nakaladkad ang CA mula sa dilim ng pagiging hindi kilala patungo sa liwanag ng kontrobersya.

Ang itinuturong salarin: mga higanteng korporasyon ng pagmimina, na pag-aari ng malalaking kapitalistang Pilipino – na kabilang sa tinatawag na “oligarkiya” – at malalaking kapitalistang dayuhan. Tiyak na gumalaw ang milyun-milyong salapi na “lobby money” para bilhin ang mga pulitikong nakaupo sa CA.

Maganda ang sinabi ng kolumnistang si Calixto V. Chikiamko: lahat ng “kingmaker” o makapangyarihang indibidwal na nakakapag-upo ng pangulo at mataas na opisyal ng gobyerno ay nasa pagmimina – “Manny Zamora, Paul Dominguez, Philip Romualdez, Manny Pangilinan, Manny Villar, at iba pa.” Ibig sabihin, nasa gobyerno, nasa hanay mismo ng mga pulitiko o napakalapit sa kanila, ang interes na ituloy ang malakihang pagmimina na hinadlangan ni Lopez. Burukrata-kapitalismo: paggamit ng katungkulan sa gobyerno para paglingkuran ang makauring interes.

Ang pagsibak ng CA kay Lopez, samakatwid, ay ganti ng malalaking kapitalista sa pagmimina nang kasangkapan ang gobyerno. Paglaban nila ito sa kautusan ni Lopez na ipasara ang 23 minahan, kanselahin ang 75 kontrata sa pagmimina, at ipagbawal ang pagmiminang open pit. Pagtindig nila ito na hindi na pwedeng may ipatigil pang pagmimina, kanselahing kontrata rito, o ipagbawal na porma nito. Pagbangga nila ito sa malakas na propaganda ni Lopez laban sa malakihang pagmimina.

At nakakabahala ito, sa kagyat para sa kalikasan na sinisira ng malakihang pagmimina; sa mga komunidad ng mga Lumad, katutubo at magsasaka na pinapalayas ng mga higanteng korporasyon sa pagmimina; at sa kabuuang patrimonya ng bansa, kung saan kasama ang yamang mineral.

Kung mayroon mang tao na nasa pinakamainam na kalagayan para ipatigil ang pagmimina bilang sekretaryo ng DENR, isa na si Lopez doon.

Una, matatag ang paninindigan niya sa isyu: bagamat kasapi ng oligarkiya, sa kanyang kabataan ay nakipamuhay siya sa mahihirap sa Aprika at nitong mga nakaraang taon ay tumungo sa mga lugar na apektado ng, at nakiisa sa mga komunidad na lumalaban sa, malakihang pagmimina at pagkasira ng kalikasan sa bansa.

Galing siya sa kilusan para protektahan ang kalikasan – na ang adbokasya ay ginagamit ng mga monopolyo-kapitalista at institusyon nila para palabnawin ang pagsasamantala ng mga imperyalistang bansa sa mga neokolonya, ng malalaking kapitalista sa mga mamamayan. Pero sa Pilipinas, lantad na ang pagwasak sa kalikasan ay kaugnay ng naturang mga isyu. Kung magiging matapat lang ang mga maka-kalikasan sa kanilang prinsipyo, gaya ni Lopez, hahantong sila sa kongklusyong ito.

Ikalawa, may dagdag na makinarya si Lopez para ikampanya ang kanyang paninindigan at mga hakbangin: dahil mismo galing sa oligarkiya, partikular sa may-ari ng pinakamalaking kumpanya ng telebisyon, kaya niyang imobilisa ang kanyang yaman at pag-aari para tuluy-tuloy na ipaliwanag sa publiko ang kanyang ipinaglalaban at kontrahin ang kanyang mga kalaban.

May katotohanan ang sinabi ni Lopez sa isang panayam sa telebisyon: “Kung hindi ako mayaman, matagal na akong patay.” Dahil sa mga sinabi at ginawa niya laban sa malakihang pagmimina, tiyak na puntirya siya ng mga higanteng korporasyon. Pero may dagdag siyang proteksyon, dahil isa siyang oligarko.

PW-apec-mining-north-featured

Malinaw at malakas ang pagsuporta kay Lopez ng Kaliwa, kapwa hayag at underground. Sa kanyang tindig at mga hakbangin pa lang laban sa malakihang pagmimina, karapat-dapat na siyang suportahan. Ang totoo, bago maging sekretaryo ng DENR si Lopez, ang Kaliwa ang pinakamalakas sa paglaban sa pagmimina: mula sa mga pangayaw (tribal war) ng mga Lumad at protesta ng mga maka-kalikasan, magsasaka at iba pang katutubo hanggang sa mga pag-atake ng New People’s Army sa mga kumpanya ng pagmimina sa malayong kanayunan. Natural na papanigan ng Kaliwa si Lopez sa mga pahayag at hakbangin kontra sa pagmimina.

Bukod pa diyan, may ipinakita si Lopez na natatangi at dapat tularan: ang pagiging matatag at konsistent sa kanyang prinsipyo. Hindi siya takot na sundan ang kanyang paniniwala kung saan siya dalhin nito, sa puntong kaya niyang kilalanin ang mga pwersang pampulitikang marapat kilalanin na kaisa niya sa paglaban sa malakihang pagmimina.

Sabi niya sa isang tanyag na panayam: “Mahal ko ang NPA. Mabait sila. (I love the NPA. They’re kind).” Aniya, “Tinanong ko na ang Presidente kung pwede akong makipagtulungan sa NPA. Ang totoo, nakapulong ko sila dalawang araw na ang nakakaraan. Gusto ko ang NPA (I already asked the President if I can work with the NPA. In fact, I met them two days ago. I like the NPA).”

Gaya ng inaasahan, sumagot ang militar sa sinabi ni Lopez at ibinidang sila ang tunay na kakampi ng mga mamamayan. Pero hindi ito kumagat sa opinyong publiko, dahil lantad nang umaakto silang pribadong pwersang panseguridad ng mga kumpanya ng pagmimina sa kanayunan.

Ang pagsibak ng CA kay Lopez ay malupit na paalala na ang Pilipinas ay isang bansang neokolonyal na may ekonomiyang atrasadong agrikultural, na isa sa pangunahing silbi para sa mga monopolyo-kapitalista at pandaigdigang sistemang kapitalista ay ang pagkukunan ng hilaw na materyales. Sa ganitong konteksto, pupuntiryahin talaga ang isang sekretaryo ng departamentong dapat mangalaga sa kalikasan kapag ipinatigil niya ang pagmimina – kahit pa siya’y galing sa oligarkiya, sinusuportahan ng Kaliwa, sinusuportahan ng mga maka-kalikasan, at sinusuportahan ng malawak na hanay ng mga mamamayang Pilipino.

Paalala ito na sa kasalukuyang lipunan, hawak pa rin ng imperyalismo at mga alyado nitong oligarko ang gobyerno, kaya hindi maaasahan ang katungkulan dito para gumawa ng mga radikal at matagalang pagbabago. Ang masasandigan pa rin dahil wala sa kontrol ng imperyalismo at mga oligarko ay ang iba’t ibang porma ng sama-samang paglaban at pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

At dapat palakasin ang naturang paglaban. Matapos ang paghadlang ni Lopez, gigil na gigil ngayon ang mga higanteng korporasyon sa pagmimina hindi lamang para bumalik sa dating gawi kundi paigtingin ang operasyon. Higit pa diyan, kailangan ng isang bagong gobyerno ng mga mamamayan para tuluyang mapatigil ang pagdambong sa pambansang patrimonya, pagwasak sa kalikasan, at pagpapalayas sa mga katutubo’t magsasaka na idinudulot ng maka-dayuhang pagmimina.

PW-confirm-judy-paeng-gina-featured

Sa dulo, nakakabahala ang pagsibak ng CA kay Lopez para sa pangakong “tunay na pagbabago” ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang mga tulad nina Lopez, Sec. Rafael “Ka Paeng” Mariano ng Department of Agrarian Reform at Sec. Judy Taguiwalo ng Department of Social Welfare and Development ang mga tipo ng sekretaryo na makakapagsulong ng pagbabago, kahit paano, sa gobyernong Duterte.

Hindi magandang pangitain ang pagsibak ng CA kay Lopez para sa pangako ni Duterte. Dapat panindigan ni Duterte si Lopez at ang pulitikang kinakatawan niya. Sa pinakamainam ay maitalagang muli si Lopez na sekretaryo ng DENR. Kung hindi man, maitalaga pa rin sa departamento, gaya ng panukala ng kolumnistang si Solita Monsod, at mapakilos ni Duterte sa parehong kakayahan. At dapat tiyakin ni Duterte na makumpirma ng CA sina Mariano at Taguiwalo.

Sa pagtagal ng kanyang termino, dapat pa ngang paramihin ni Duterte ang mga progresibong sekretaryo sa gabinete – kung tutuparin niya ang pangakong “tunay na pagbabago” at kung seryoso siya sa pagtugon sa mga ugat ng armadong tunggalian sa pamamagitan ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines.

Sa isang banda, dapat magagap ni Duterte na tanging sa pagsisikap magdulot ng “tunay na pagbabago” siya magkakaroon, kahit paano, ng kaligtasan sa aktwal at historikal na paghusga bunsod sa naganap nang pagpaslang sa libu-libong maralita kaugnay ng kanyang “gera kontra-droga.” Dapat itigil ang pagpatay sa libu-libong maralita at dapat magpatupad ng mas maraming hakbangin para aktwal na iangat ang buhay at kabuhayan nila.

Sa kabilang banda, itinutulak ng Kaliwa si Duterte na tuparin ang pangako hindi dahil matutupad niya ito nang buo, kundi dahil nakakapagbigay siya, taliwas sa mga naunang pangulo, at makakapagbigay pa, ng mga pagkakataon para matupad ito. Hindi si Duterte ang magdudulot ng tunay na pagbabago, kundi ang sambayanang nakikibaka – pero nakakapagbigay at makakapagbigay siya ng mga pagkakataon sa huli para isulong ang tunay na pagbabago.

08 Mayo 2017

Featured image: Larawan ni Raymond Panaligan

Ilang suri sa Marawi

$
0
0

(1) Ayon sa balita, nagsimula ang kaguluhan sa Marawi City sa pag-reyd ng militar sa isang bahay sa lungsod na pinagtataguan umano ni Isnilon Hapilon, lider ng Abu Sayyaf, noong Mayo 23. Lumaban ang mga pwersa ni Hapilon at humingi ng tulong sa Maute Group. Sa paglaban ng huli, kinubkob ang mga pasilidad ng mga sibilyan, nagkaroon ng sunog sa iba pang katulad na pasilidad, at ilang pulis at militar ang agad napatay. Sa social media at midya ng malalaking kapitalista, balitang-balita ang pagkaipit at pagkagipit sa mga sibilyan.

Dahil sa ganitong kwento, malakas ang opinyong publiko pabor sa pagdurog sa Maute Group at sa Abu Sayyaf. Una sa lahat ay nakatatak na sa naturang mga grupo ang bansag na “terorista.” Pagkatapos, gumawa pa sila muli ng mga hakbangin na ikinapahamak ng mga sibilyan. Ikatlo, nagpakilala silang kabahagi o kaugnay ng “ISIS” o Islamic State in Iraq and Syria o IS, isang grupong lalong nakikilala ng mga Pilipino bilang brutal na internasyunal na grupong terorista.

Pero mahalagang alalahanin ang ilang taon nang karanasan ng bansa sa Abu Sayyaf. Ang grupong ito na sinasabing likha ng Central Intelligence Agency ng US ay hindi nadurug-durog ng militar ng Pilipinas na sinanay at kontrolado ng gobyerno ng US. Tuluy-tuloy itong naging palusot para imilitarisa at dahasin ang mga komunidad ng Moro at iba pang Pilipino, palakihin ang badyet ng militar, at paramihin pa nga ang mga tropang militar ng US sa Pilipinas.

Bukod sa pagtatanggol kay Hapilon, may nagsasabing ang layunin ng Maute Group ay lalong magpapansin sa internasyunal na grupong ISIS para humingi ng suporta. Sa tangkang pagdakip kay Hapilon, may nagsasabing ang layunin ng militar ay sindihan ang tiyak na paglaban ng Abu Sayyaf at Maute Group – kasingtiyak ng naging paglaban na ikinasawi ng SAF 44 noong Enero 25, 2015 sa Mamasapano, Maguindanao – at sa gayon ay ilatag ang kalagayan para pwersahin si Pang. Rodrigo Duterte na magdeklara ng batas militar.

Sa ganitong kalagayan na ang Maute Group-Abu Sayyaf sa isang banda at ang militar sa kabilang banda ay parehong naghahangad ng armadong komprontasyon at kaguluhan, at gustong makinabang sa ganitong sitwasyon, marapat at kagyat ang panawagan para iligtas ang mga sibilyan sa Marawi City.

Mga bakwit mula sa Marawi. <b>Jaja Necosia/The Breakaway Media</b>

Mga bakwit mula sa Marawi. Jaja Necosia/The Breakaway Media

(2) Alam na natin, na bilang tugon sa kaguluhan sa Marawi ay nagdeklara si Duterte ng martial law o batas militar hindi lang sa lungsod kundi sa buong Mindanao noong gabi rin ng Mayo 23. Sinundan niya ito ng pagsuspinde sa writ of habeas corpus sa isla.

Sa pinakamabait na pag-unawa, ang ganitong deklarasyon ay maaaring pag-iingat sa posibleng ganting salakay ng Maute Group at Abu Sayyaf sa ibang bahagi ng Mindanao. Ito ang pinakamainam na iniisip ni Duterte sa kanyang deklarasyon. Pamilyar na ang kanyang matatapang at palabang pahayag, gaya ng magiging kasing-bagsik ng batas militar ni Ferdinand Marcos ang kanyang idineklara. Pansindak ito sa itinuturing niyang kalaban, na sa kaso ng “gera kontra-droga” ay tinapatan din ng pamamaslang at iba pang mararahas na hakbangin. Sa kagustuhang manakot noon, ikinumpara niya ang sarili kay Hitler; sa kagustuhang manakot ngayon, sinabi niyang palulusutin niya kahit ang panggagahasa ng mga militar.

Pero humabol agad si Defense Sec. Delfin Lorenzana: saklaw ng batas militar maging ang rebolusyunaryong grupong New People’s Army o NPA. Binawi niya ang pahayag, matapos ulanin ng tuligsa, pero makabuluhan na ang nauna niyang pahayag. Ang kagyat na maitatanong: hindi ba mababanat ang pwersa ng militar kung paparamihin nito ang puntirya ng atake at isasama ang NPA? Hindi ba hihina ang pagsisikap na durugin ang Maute Group at Abu Sayyaf sa Marawi?

Noon pa man, binansagan na si Lorenzana na isa sa mga lider ng pangkating maka-Kanan at militarista, na suportado ng US, sa gobyerno ni Duterte. At muli niyang kinumpirma ang pagsusuring ito sa pahayag niyang iyan.

Sa kasaysayan, ang ibig sabihin ng batas militar ay malaganap na paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan: ekstrahudisyal na pagpaslang, iligal na pag-aresto, pagdukot, pagtortyur, militarisasyon at pambobomba ng mga komunidad at iba pa. Syempre pa, mangangahulugan ito ng todong pagpasok ng mga kumpanya ng pagmimina, plantasyon at iba pa sa Mindanao para dambungin ang likas na yaman nito, na nangangahulugan ng pagpapalayas sa mga Lumad at magsasaka sa kanilang lupa at pagwasak sa kalikasan.

Sa nangyayari ngayon, halos mawasak na ang buong lungsod ng Marawi dahil sa mga atake mula sa himpapawid na pilit tinatawag na “surgical” para palabasing eksakto pero sa katunaya’y hindi pinag-iiba ang mga sibilyan at mga armadong target. Sa naunang mga ulat, sinasabing umaabot na sa 90 porsyento ng 200,000 populasyon ng lungsod ang lumikas – hindi dahil sa mga atake ng Maute Group kundi dahil sa pagbomba ng militar.

Ipinapakita ng pahayag ni Lorenzana na sasamantalahin ng mga maka-Kanan, militarista at maka-US sa militar at gobyerno ang batas militar para paigtingin ang paglaban sa NPA at sa gayon ay sa mga progresibong organisasyong katulad nitong lumalaban para sa tunay na pagbabago.

At nakita ito sa sunud-sunod na pambobomba at atakeng militar sa iba’t ibang komunidad ng mga sibilyan sa Mindanao matapos ang deklarasyon ng batas militar: Davao City, Baganga sa Davao Oriental, Matanao sa Davao del Sur, Compostela Valley, Bukidnon, at iba pang lugar. Nanaig din ang pananabotahe sa usapang pangkapayapaan ng gobyerno kapwa sa National Democratic Front of the Philippines at Moro Islamic Liberation Front matapos ikansela ng mga negosyador ng gobyerno ang paglahok nila sa ikalimang round ng usapang pangkapayapaan.

Malinaw na kailangang ibasura ang deklarasyon ng batas militar sa buong Mindanao, dahil magdudulot ito ng lalong paglaganap ng mga paglabag sa karapatang pantao sa buong isla. Paiigtingin nito ang armadong tunggalian sa iba’t ibang grupong rebelde doon, taliwas sa pahayag at pangako ni Duterte na tutugunan ang mga sosyo-ekonomikong ugat ng naturang mga tunggalian. Sa dulo, papalakasin nito ang kontrol ng mga maka-US, maka-Kanan at militarista sa gobyernong Duterte.

(3) Ayon kay Carol P. Araullo, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan, ang rehimeng Duterte ay “unfolding.” Pwede kaya itong isalin na “nagpapakilala pa lang ng sarili”? Sa isang banda hinihila ito ng mga pwersang kinabibilangan ni Lorenzana, na siyang dominante: maka-Kanan, militarista, maka-US, neoliberal at anti-mamamayan. Sa kabilang banda, hinihila ito ng mga progresibo, ang gusto’y lunasan ang mga sosyo-ekonomikong ugat ng armadong tunggalian, isulong ang independyenteng patakarang panlabas, makabayan sa ekonomiya, at maka-mamamayan.

Nakatindig ang pagsusuri ng mga progresibo sa bansa at sa daigdig: ang mga armadong grupo ng mga ekstremistang Muslim ay likha ng imperyalismong US. Sa porma man ng pagtatatag at direktang pag-aarmas, o pagluluwal sa pamamagitan ng paglikha ng pangkalahatang konteksto ng militarismo at gerang agresyon, ang imperyalismong US ang nasa likod ng mga grupong gaya ng Maute Group, Abu Sayyaf at ISIS.

Marami na rin ang nakapansin sa tyempo ng pag-atake sa Marawi: habang nasa Russia si Duterte. Ang pagbisitang ito ni Duterte, syempre pa, ay bahagi ng pagbaling niya pagdating sa paghingi ng tulong mula sa US patungo sa China at Russia – bagay na ikinababahala at tinututulan ng US. Sa karanasan ng bansa, ang ganitong mga atake ay laging ginagamit na tuntungan para pahigpitin ang pakikipagtulungang panseguridad sa US, paramihin ang tropang militar ng US sa bansa, at iba pang katulad na hakbangin.

Kaya naman batay sa katangian ng grupong umatake, sa tyempo ng pag-atake nito, sa pangkalahatang kontekstong pampulitika, at sa inaasahang tugon mula sa pamahalaan, ang agad na mabubuong hinala: ang US ang nasa likod ng pag-atake sa mga sibilyan sa Marawi.

Mga sundalo ng AFP at isang sibilyang lumilikas mula sa mga bakbakan sa Marawi. <b>Jaja Necosia/The Breakaway Media</b>

Mga sundalo ng AFP at isang sibilyang lumilikas mula sa mga bakbakan sa Marawi. Jaja Necosia/The Breakaway Media

(4) At pinatibay ang ganitong pagsusuri ng naging tugon kapwa ng ISIS, at ng gobyerno ng US mismo, sa panununog ng isang armadong lalake sa Resorts World Manila lampas hatinggabi ng Biyernes, Hunyo 02, na pumatay ng 37 katao.

Sa loob ng ilang oras matapos ang panununog, at habang nagaganap pa ang imbestigasyon ng mga kapulisan sa bansa, inako ng ISIS ang “pag-atake,” habang ISIS din ang itinuro ng gobyerno ng US – sa pamamagitan ng isang grupong panseguridad na nagpapakilalang SITE at ni Pang. Donald Trump ng US mismo. Malinaw na pagtatangka itong impluwensyahan ang resulta ng imbestigasyon ng mga kapulisan sa bansa – pabor, syempre pa, sa gustong palabasin at interes ng US.

(Pahabol: Habang nirerebisa ito, balitang-balita ang panggigipit ng mga karatig-bansa ng Qatar dito. Pinutol ng Saudi Arabia, United Arab Emirates, Egypt, Bahrain at Yemen ang diplomatikong ugnayan sa bansa, itinigil ang anumang paglalakbay mula at papunta sa bansa, at papalayasin ang mga mamamayan ng Qatar sa kanilang bansa. Ang gusto ng mga bansang ito: itigil ng Qatar ang independyenteng patakarang panlabas nito at patahimikin ang Al-Jazeera, midyang pag-aari ng Qatar na kritikal sa US at mga alyado nito sa rehiyon. Ang kagyat na nagtulak: ang pagdalaw ni Trump. Sa Pilipinas at sa Middle East, nagbababala si Trump ng “terorismo” para pasunurin ang mga bansa sa gusto ng imperyalismong US.)

Mababanaag sa ganito ang mga layuning taktikal ng US: palakihin ang banta ng terorismo, lalo na ng ISIS, sa bansa at itulak ang batas militar hindi lang sa Mindanao kundi sa buong bansa. Huwag nating kakalimutang sinuportahan ng US ang deklarasyon ng batas militar ni Marcos noong 1972 at napwersa lang itong bitawan si Marcos noong 1986 dahil sa lakas ng protesta at armadong paglaban ng mga mamamayan.

Sa batas militar, gusto ng US na palakasin ang mga maka-US sa gobyerno ni Duterte, tampok ang militar, para lalong mahatak ang huli sa direksyong gusto ng US. Gusto rin nitong atakehin ang mga pwersang panlipunan na nagtutulak ng independyenteng patakarang panlabas at tunay na pagbabago palayo sa US.

Sa mga hakbangin ng US kaugnay ng Marawi at Resorts World Manila, makikita ang paggalaw ng US para ilayo ang Pilipinas sa landas ng independyenteng patakarang panlabas na magpapahina ng kontrol ng US sa bansa at maglalapit ng bansa sa mga karibal ng US na China at sa Russia. Mga hakbang rin ito palayo, syempre pa, sa tunay na pagbabagong ipinangako ni Duterte.

Marami ang namamatay, maraming ari-arian ang nawawasak, at ang buong bansa ay nasa anino ng mas matinding karahasan. Tiyak ang masinsing pagsusuri sa sitwasyon ng mga progresibo at pagpapalakas ng iba’t ibang protesta pabor sa mamamayan, sa independyenteng patakarang panlabas, at tunay na pagbabagong panlipunan.

25 Mayo / 06 Hunyo 2017

 

Renan Catapang Agtay

$
0
0

Ngayong Hulyo 26, dalawang taon na mula nang pumanaw si Renan Catapang Agtay – tubong Batangas, iskolar ng bayan sa Unibersidad ng Pilipinas, naging aktibista ng League of Filipino Students, at sumampa sa New People’s Army o NPA sa Cagayan Valley at maglingkod dito nang ilang taon.

Nang bumaba siya mula sa pagiging NPA at nag-aral muli sa kolehiyo sa kanyang probinsya, patuloy siyang tumangan sa rebolusyunaryong paninindigan at umugnay sa mga kasama at kaibigan sa pakikibaka. Nang pumanaw siya bunsod ng karamdaman na natuklasan sa loob ng maiksing panahon matapos niyang bumaba, pinarangalan siya ng mga kasama’t kaibigan, gayundin ng pormasyon sa rehiyong Cagayan Valley ng NPA at Communist Party of the Philippines.

Taong 2000 pumasok sa UP-Diliman si Renan, sa kursong Chemical Engineering. Napili niya ito, pabiro niyang sabi, dahil tuwang-tuwa siya sa amoy ng mga kemikal sa laboratoryo noong hayskul. Kahit hindi pa aktibista, lumahok siya at mga kaibigan niya sa Edsa 2, ang makasaysayang pagkilos na nagpatalsik kay Joseph Estrada sa pagkapangulo. Pero ang nakapagmulat sa kanya, aniya, ay ang Philippine Collegian – partikular ang mga progresibong nilalaman nito sa ilalim ng pamunuan nitong katunggali ng mga aktibista.

Bagamat may nauna nang nagrekrut sa kanya sa LFS, naging pormal ang pagiging miyembro niya nito nang pumirma siya sa membership form na iniabot ni Karen Empeño, ang aktibistang kasama ni Sherlyn Cadapan na dinukot ng mga tauhan ni Jovito Palparan sa Hagonoy, Bulacan noong 2006. Ani Renan, si Karen din, na kasabayan niya sa Kalayaan Residence Hall, ang nagsama sa kanya sa Vinzons Hall, sentruhan ng mga aktibista sa kampus.

Bilang kasapi ng LFS, kumilos siya sa College of Engineering at pagkatapos ay sa buong pamantasan. Bukod sa likas na mapagpatawa at palatawa, nakilala rin siya ng mga kasabayang aktibista na masipag – “go lang nang go,” sa mga salita noon at niya – matatag sa paninindigan, matalas magsuri, at handang magsakripisyo. Makwento, mahilig sa kwento, magaan – giliw na giliw sa kanya ang mga kasama at kaibigan, at gustung-gusto siyang kasama sa gawain, tambayan, at bahay.

Taong 2003, matapos ang anim na buwang pakikipamuhay, nagpasya si Renan na sumapi sa NPA. Nakilala siya sa mga alyas na “Ka Giao” at “Ka Bangis.” Ayon sa isang parangal sa kanya na inilagay sa Facebook, “Naging kagawad siya ng seksyong pampulitika ng sentrong himpilan ng panrehiyong kumand ng BHB sa Hilagang Silangang Luzon. Dahil sa taglay na kaalaman sa syensya, naitalaga rin sa gawaing ordnans. Huli siyang naitalaga sa gawaing propaganda, edukasyon at kultura.”

Sa kanyang pagdalaw, ikinukwento niya ang mainit na pagsuporta ng masa sa Hukbo, ang mga labanang militar sa rehiyon na kinasangkutan at nabalitaan niya, at ang mahusay na pakikitungo ng mga kadre at pulang mandirigma. Paborito niya ang mga kwento ng magsasaka na mainit ang pagsalubong sa pagbabalik ng NPA matapos magpuna ang huli sa malulubhang pagkakamali na nagawa noong dekada 1980 at maipaliwanag ang kilusang pagwawasto.

Noong 2008, bumaba sa pagiging NPA si Renan at nag-aral sa Batangas. Noon pa man, aniya, nagtataka na siya kung bakit pagod na pagod siya tuwing aakyatin ang ikaapat na palapag ng gusali ng paaralan – habang ang mga kaklase niya’y nagtatakbuhan pa. Hindi nagtagal, natuklasang mayroon siyang renal failure – ang sakit na ikinamatay ng kuya niya ilang taon bago noon – at kailangang mag-dialysis.

Sa unti-unting paghina ng katawan, natanggap na niya ang kamatayan. Bago siya pumanaw, sabi niya patungkol sa anim na taong dialysis: “Hindi ba’t tagumpay na ang ganoon katagal sa isang lipunang malakolonyal at malapyudal?” Noon pa man, ramdam na ng mga kaibigan at kasama ang magiging bigat ng Sierra Madre sa pagpanaw niyang naglingkod sa bayan bilang aktibista, rebolusyunaryo at Hukbo.

Si Renan (pangalawa mula sa kaliwa), kasama si Mang Romy, na matandang tambay ng Vinzons, at mga kapwa aktibista, sa opisina ng University Student Council noon.

Si Renan (pangalawa mula sa kaliwa), kasama si Mang Romy, na matandang tambay ng Vinzons, at mga kapwa aktibista, sa opisina ng University Student Council noon.

Maraming kwento ang mga kaibigan at kasama tuwing mapag-uusapan si Renan – noong buhay pa man at kahit matapos siyang pumanaw. Ang bawat kwento, laging may kasamang tawanan. At bawat kwento, sa kung anong paraan, laging naglilinaw sa katangian niya bilang aktibista at rebolusyunaryo.

Bakla si Renan – bagay na tiyak niyang ikakagalit na ngayon lang nabanggit sa isang parangal sa kanya. Aniya, sa Kilusan na siya nagladlad bilang bakla “dahil wala naman na talagang ibang samahan pang buong puso ang pagtanggap at pagpapahalaga sa mga maniningning at progresibong baklang kagaya ko.” Laging bahagi ng pagpapatawa niya ang “performances” – mga kwentong isinasadula niya mag-isa, mga kanta, pagrampa-rampa, mga tila madramang eksena sa pelikula – at walang kaibigan at kasama ang hindi makakaalala ng kahit isa sa mga ito.

Paboritong biro niya ang planong paglaladlad sa pamilya. Magtatalakay raw muna siya tungkol sa kalagayan ng lipunang malakolonyal at malapyudal at ang pagiging pyudal-patriyarkal nito – mapang-api sa kababaihan, mga bakla at lesbyana. Sa dulo, sasabihin niya. “Mama, Papa, ipagtatapat ko na po ang tunay kong pagkatao. (Yuyuko nang marahan.) Isa po akong, isa po akong (mahabang katahimikan, sabay marahang taas ng ulo)… pesante.” Ibig sabihi’y maduduwag din siya sa dulo at ang magagawang aminin ay ang pagiging aktibista.

May kapansanan si Renan. Bingi siya at mahigit isang libo ang grado ng salamin. Paborito niyang kwento ang minsang pagsasalita sa klase para mag-imbita sa isang rali. Nanghikayat siya ng tanong mula sa mga estudyante. May nagtanong. Nakangiti niya itong tinitingnan. Nang matapos na ang pagtatanong, katahimikan. Nang mapansin niyang hinintay siyang sumagot, sabi niya, “Pwedeng pakiulit? Bingi po kasi ako.” Tawanan. Sa halip na mainsulto, tumawa rin siya nang bahagya at pagkatapos ay ibinigay ang pinakamatalas na sagot. Palakpakan ang klase.

Bagamat nananawagan ng pag-unawa para sa mga may kapansanan, sinikap niya itong pangibabawan sa pagkilos, sa kampus man o sa kanayunan. Sabi nga sa Facebook ng isa niyang kaibigan, patungkol sa pagpapasya na mas mag-ambag sa rebolusyon, halimbawa siya ng mga kasabihang “Internal ang mapagpasya,” hindi ang mga eksternal na pumipigil. “Pangunahin ang kapasyahan, sekundaryo ang kakayahan,” lalo na pagdating sa pagsapi sa NPA. At ng mas pikon na bersyon ng mga ito, “Kung gusto may paraan; kung ayaw, maraming dahilan.”

May biru-birong sa NPA, naitalaga siyang eksperto sa bomba. Ang sabi ng mga kasamahan ang dahilan ay nakikita lang niya ang ganda ng pagsabog, at hindi ito naririnig. Ang totoo, sabi ni Renan, todo-alalay sa kanya ang mga kasama, at minsan, ang pakiramdam niya ay pabigat na siya sa mga ito. Pero dahil wagas ang pagtulong at pag-alalay, aniya, “tinyaga ko lang nang tinyaga. Kinarir ko mula pag-aaral ng lokal na wika, pagbubuhat ng mabibigat na gamit, pagpapakintab ng M-16 hanggang sa paghahanda at pagluluto ng pagkain.” Marami siyang nagawa lampas pa sa kakayahan ng mga walang kapansanan, at para sa bayan.

Sa likod ng lahat ng performances ni Renan, ang totoo’y isa siyang rebolusyunaryong intelektwal. Mahilig siya sa pagtuturo ng mga rebolusyunaryong aralin, at natutulungan siya ng kanyang matatas na Tagalog at malinaw na pananalita. Matatalas ang mga komento at mungkahi niya sa linya ng Kilusan sa iba’t ibang usapin. Madalas siyang magkomento sa mga binabasa at napapakinggan: Parang kapos ang mga argumento, parang Trotskyista ang linya, kulang sa paliwanag…

Mabilis din siyang makaisip ng mga sagot sa iba’t ibang usapin na matalas at matulain. Minsan, nagkukwento siyang nabagot na siya sa kakakwento ng isang kasama tungkol sa mga kalungkutan at pesimismo. Bigla raw niyang nasabi, “Hindi baga’t ang ating tagumpay ay ipupundar sa mga pagkakamali? Ang mahalaga’y patuloy tayong sumusubok, nagtatasa at natututo.”

Sabi ng isa niyang kaibigan sa Facebook, “Mahal ng mga tao si Renan… [K]apag nag-isip ka ng masama laban sa kanya, totoong masama kang tao.” Ang sabi naman ng isa pa, “Ibang lebel din ang pang-unawa mo. May kahinaan ang tenga mo pero lagi’t lagi kang nakikinig sa aming mga chika – seryosohan man or pang-showbiz lang. Malabo ang mga mata mo pero lagi’t laging maganda ang tingin mo sa mga bagay-bagay, lalo na sa kinabukasan ng sambayanan at sangkatauhan.”

Bago siya pumanaw, matapat siyang tinanong ng mga dumalaw na kaibigan at kasama kung ano ang gusto niya sa kanyang burol. Sabi niya, “isang simpleng pumpon ng bulaklak na karit at maso.” Natupad iyun ng mga kaibigan at kasama. Pero itong nakapublikong nakasulat na parangal, ngayon pa lang. Paumanhin, Renan, pero nananatili kang buhay sa puso ng lahat ng nakakilala sa iyo at nagpapatuloy ng pakikibakang hinangad mong isulong at ipagtagumpay.

15 Hulyo 2017

 

Joke No Education

$
0
0

(1) Nitong Agosto 4, pinirmahan ni Pang. Rodrigo Duterte ang panukalang batas na magpapatupad ng libreng matrikula at ibang bayarin sa mga paaralang pangkolehiyo at panteknikal-bokasyunal na pinapatakbo ng gobyerno. Labag ito sa panawagan ng mga kampeon ng mga neoliberal na patakaran sa kanyang gabinete sa pangunguna ni Budget Sec. Benjamin Diokno. Hindi rin hinintay ni Duterte na kusang maging batas ang panukala na ipinasa ng Kongreso at Senado, na siyang mangyayari kung hindi niya ito pinirmahan.

Kailangan pa ring bantayan at itulak ang pagpapatupad sa tinawag na Universal Access to Quality Tertiary Education Act hanggang sa aktwal na hindi mangolekta ng bayarin ang mga paaralan at hindi magbayad ang mga estudyante. Kailangan pa rin ang iba’t ibang pagkilos at protesta at malalaki pa nga. Pero makabuluhan na ang pagpirma rito ni Duterte.

Tagumpay ito ng sama-samang pagkilos ng mga estudyante, kabataan at sambayanang Pilipino – partikular para sa panawagang libreng edukasyon at pangkalahatan para sa mga makabuluhang reporma. Samu’t saring pagkilos at panawagan ang ginawa ng estudyante at kabataan sa pangunguna ng mga militanteng organisasyong masa at alyansa. Nitong huli, mabigat na presyur ang inabot ng rehimeng Duterte dahil sa papalakas na pagkondena ng sambayanan sa pamumuno ng Kaliwa laban sa papasahol na tunguhin nitong maka-US, maka-Kanan, at militarista lalo na pagkatapos ng krisis sa Marawi City.

Naipakita sa publiko ang pagiging makatwiran ng hakbangin. Para takutin si Duterte na huwag pirmahan ang batas at ang publiko na huwag itong suportahan, nagpalutang si Diokno ng malaking badyet na kailangan umano para maipatupad ito – P100 bilyon. Maagap naman itong kinontra ni Commissioner Prospero de Vera ng mismong Commission on Higher Education o CHED: ang kailangan lang, aniya ay P34.1 bilyon. Larawan ito ng pagtutunggalian ng mga neoliberal gaya ni Diokno sa isang banda at ng mga naliliwanagan gaya ni de Vera sa gabinete ni Duterte.

Signipikante na ipinasa ang batas kapwa ng Kongreso at Senado. Patunay ito ng matagal nang paggigiit ng mga estudyante at kabataan para sa libreng edukasyon, lalo na sa kolehiyo. Kapansin-pansin din ang kanilang pag-abot sa mga kandidato noong eleksyon at mga pulitiko pagkatapos para sa kahilingan. Sa panig nina Sen. Bam Aquino at mga sagad-sagaring “dilawan,” mga alyado ng nakaraang rehimeng Noynoy Aquino, ang layunin ay ipakitang hindi kaya ni Duterte na ibigay ang pangako nitong tunay na pagbabago, at umastang kung hindi man biktima ay bida sa harap ng mga estudyante, kabataan at sambayanan.

Ang pagpirma ni Duterte sa batas ay isang paglihis, bagamat bahagya, sa mga neoliberal na patakaran sa edukasyon at lakas-paggawa; pakikinig ito, kahit bahagya, sa panawagan ng mga estudyante, kabataan at bayan. Maikukumpara ang dogmatikong neoliberal na si Noynoy Aquino: humadlang sa panukalang batas para sa dagdag-pensyon sa Social Security System nang umabot ito sa kanyang mesa.

Maaaring tingnan ito na bahagi ng astang “populista” ni Duterte, na ayon sa isang popular na pakahulugan ay “ang paglikha ng hangganan sa pagitan ng isang ‘natin’ at isang ‘nila,’ sa pagitan ng bayan at ng mga naghahari (establishment).” Maaari ring tingnan si Duterte na pragmatikong pulitiko – napupwersang sumalubong sa mga kahilingang iginiit ng sambayanan at ng mga makabuluhang pwersang panlipunan tulad ng Kaliwa, kahit pa papalakas ang hatak ng US, mga elitista at militarista kay Duterte.

(2) Sa kanyang kampanya laban sa noo’y panukalang batas, sinabi ni Diokno: “ang edukasyong pangkolehiyo ay nagbibigay-pakinabang sa indibidwal, hindi sa lipunan.” Marami ang tumutol agad. Marami rin ang nagpigil sa pagtutol pero nahiwagaan sa ibig niyang sabihin. Hindi matanggap ng nakakarami ang sinabi, na bumabangga sa malalim na pagpapahalaga sa edukasyon, na parang sentido-kumon na sa ating lipunan.

Kaya marami ang napatanong: Saan galing iyun? Mahalagang paliwanag kung bakit nakapagsabi ng ganyan si Diokno ang pagiging propesor siya sa UP School of Economics – kilalang balwarte ng neoliberal na kaisipan at patakaran sa bansa.

Bahagi ang sinabi ni Diokno ng mga kaisipang pinapalaganap ng mga propesor ng UP School of Economics, na ang marami’y naglilingkod din sa gobyerno at malalaking korporasyon. Ang tinutumbok ng mga ideyang ito: hindi dapat subsidyuhan ng gobyerno ang edukasyong pangkolehiyo: (1) Dahil umano marami nang estudyante ng kolehiyo ang mayayaman, (2) dahil umano ang serbisyong naihahatid nang mas mabuti ng pribadong sektor ay hindi na dapat gawin ng gobyerno, (3) dahil umano hindi karapatan ang edukasyong pangkolehiyo, pero dapat suportahan ito ng gobyerno dahil marami itong idinudulot na “positibong externalities,” o hindi-sinasadyang epekto, para sa lipunan.

Pero mas pinili ni Diokno na magbigay ng pangkalahatang pahayag: “Ang edukasyong pangkolehiyo ay nagbibigay-pakinabang sa indibidwal, hindi sa lipunan.” Sa kanyang desperasyon, arogansya, o pareho, sumandig siya sa isang prinsipyong neoliberal na pinagmumukhang unibersal na batas ng lipunan ng mga katulad niyang kampeon ng mga patakarang neoliberal.

Saan nga ba nagmumula ang sinabi ni Diokno? Sa layunin, proyekto, at ideyal na larawan ng mga neoliberal: na gawing sapat na ang edukasyong pang-hayskul para makapagtrabaho, at gawing ang pagkokolehiyo ay pagsusulong na lang ng mas mataas na pag-aaral o pag-abante sa karera. Tampok na kinatawan nito ngayon ang programang K+12, na ang layunin ay maging handa nang magtrabaho ang mga gradweyt ng hayskul. Pero anong trabaho? Iyung murang lakas-paggawa para sa negosyo ng malalaking dayuhan at lokal na kapitalista.

Kasuklam-suklam itong layunin, proyekto at ideyal na larawan. Una, pagsasadlak ito sa nakakaraming estudyante at kabataan sa murang lakas-paggawa – barat ang sahod, kontraktwal, walang karapatang mag-unyon – at sa di-disenteng trabahong laganap sa bansa at siyang gustong palaganapin pa ng mga makapangyarihan. Ikalawa, nangangahulugan ito ng pagpapalaki pa ng dambuhalang pagkakahating pang-ekonomiya, kung pwedeng humiram sa historyador na si Zeus A. Salazar, sa pagitan ng mayaman at mahirap sa ating lipunan: walang aangat sa mahihirap. At ikatlo, paglilingkod ito sa interes ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal, hindi sa tunay at matagalang interes ng sambayanan para sa reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Sa makaisang-panig na pagdidiin nito sa paghahanda sa trabaho bilang pangunahing sukatan ng “kapaki-pakinabang” na edukasyon, bangga rin ang neoliberalismong ito kahit sa mga paniniwalang liberal tungkol sa edukasyong pangkolehiyo. Sabi nga ng titulo ng artikulo ng isang administrador ng unibersidad sa US: “Hindi ka dapat ihanda ng kolehiyo para sa unang trabaho mo. Dapat ihanda ka nito para sa buhay.” At liberal na paniniwala pa lang ito, hindi pa radikal. Dahil kahandaan sa trabaho ang tangi nilang sukatan, nasasabi ni Diokno at mga neoliberal na sapat na ang hayskul, at ang kolehiyo ay para sa personal nang pag-angat – hindi kapaki-pakinabang sa lipunan.

Ang suma-tutal ng pangangatwiran ng mga neoliberal: hindi susubsidyuhan ng gobyerno ang edukasyong pangkolehiyo at magiging kalakal ito ng malalaking kapitalista. Ang pagiging karapatan ng edukasyon na sinasabi sa salita ng burges na demokrasya, sinasabotahe sa gawa ng neoliberal na kapitalismo. Ipagkakait ito sa nakakarami sa lipunan. Ang nakikinabang, paalala ng progresibong ekonomistang si Sonny Africa, ay sina Henry Sy, Lucio Tan, Jaime Zobel de Ayala, Emilio Yap, Alfonso Yuchengco, Lourdes Montinola, Ramon del Rosario, Jr., at iba pang malalaking kapitalistang tulad nila.

(3) Wala nga bang pakinabang sa lipunan ang edukasyong pangkolehiyo?

Sa kasalukuyan, ang nagtatakda ng mga kurso at priyoridad sa mga ito ay ang pangangailangan ng merkado, o ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at panginoong maylupa. At ang pagsisikap ng huli ay ipakitang tinutugunan nila ang mga pangangailangan ng lipunan. Kaya naman malawak ang madaling pagtutol sa pahayag ni Diokno: kahit karaniwang taong nag-aral ng kolehiyo ay ipinagpapalagay na naglilingkod sa kapakanan ng lipunan ang kanyang pagtatapos ng pag-aaral at pagtatrabaho.

Pero tunay na papakinabangan ng lipunan ang edukasyong pangkolehiyo kung nakabatay ito sa mga patakarang pang-ekonomiya na maglilingkod sa interes ng nakakarami sa lipunan, hindi ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at panginoong maylupa. Ibig sabihin, kung maglilingkod ito sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Sa pinakabatayan, malinaw na ang mga dominanteng kursong pangkolehiyo ngayon ay hindi tumutugon sa mga batayang pangangailangan natin bilang bansa: pakainin ang mga gutom, bigyang-edukasyon ang lahat, gamutin ang mga maysakit, paunlarin ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan, itaguyod ang dignidad at soberanya ng bansa.

Martsa sa loob ng UP Diliman para igiit ang libreng matrikula at pagbasura sa mga patakarang neoliberal sa mga polisiyang pang-ekonomiya ng bansa. <b>Contribution/NUSP</b>

Martsa sa loob ng UP Diliman para igiit ang libreng matrikula at pagbasura sa mga patakarang neoliberal sa mga polisiyang pang-ekonomiya ng bansa. Contribution/NUSP

(4) Pero maaalala, sa pagbanggit ni Diokno, ang pamosong sinabi ni Margaret Thatcher, pasimuno ng neoliberalismo sa Inglatera at buong mundo: “There is no such thing as society.” Pwede kayang isalin ito na “Walang ganoong bagay, itong lipunan”? Na ayon sa pampulitikang teoristang si Corey Robin ay nangangahulugan ng pagpapahalaga sa indibidwal at pamilya, hindi sa buong lipunan.

Mas totoo si Thatcher sa diwa ng neoliberalismo kaysa kay Diokno. Sa pagtanggal ng anumang pagsuporta ng lipunan, sa pamamagitan ng Estado, sa karapatan at kagalingan ng mga mamamayan, naiiwan ang huli sa kamay ng malalaking kapitalista – nagkakarera, nagkakanya-kanya. Sa trabaho, walang pag-uunyon, kundi indibidwal na pagtatrabaho, kundi man pagkarera sa promosyon. Sa mga serbisyong panlipunan, kanya-kanyang diskarte. Sa lipunan, pagandahan ng buhay.

Kaya kakatwa: silang nagtutulak ng indibidwalismo ang may gana ngayong palabasing nagmamaaliit sa indibidwal na interes. Silang mga sumisira sa konsepto ng lipunan ang may gana ngayong magwasiwas ng lipunan kontra sa patakarang tinututulan. Hindi konsistent si Diokno at larawan ito ng pagpapatupad ng neoliberalismo sa isang lipunan kung saan makabuluhang pwersang panlipunan at talastasan ang Kaliwa – na naggigiit, halimbawa, na ang edukasyon ay hindi kalakal kundi karapatan.

(5) Nasa likod ng pahayag ni Diokno ang isang larawan ng neoliberalismo bilang pagkakamal ng tubo ng malalaking kapitalista mula sa dapat ay serbisyong panlipunan na dapat ay ibinibigay ng Estado – at ang pagsisikap na bigyang-katwiran ito gamit ang umano’y mga unibersal na prinsipyo ng Ekonomiks.

Ang totoo, kinakatawan ng neoliberalismo ang pagbuwag sa kalakaran sa edukasyong pangkolehiyo kung saan malaki ang papel ng Estado – kalakarang rumurok at naging istable pagkatapos World War II.

Sa panahong ito, mahusay ang lagay ng ekonomiya ng US at Inglatera bunsod ng gera. Mahalaga ang papel ng Estado sa rekonstruksyon ng Germany at Japan. Sangkatlo ng sangkatauhan sa Rusya at China ang nasa ilalim ng sosyalismo. Iniluwal ang tinatawag na “welfare state” sa Europa bunsod ng banta ng mga sosyalistang bansa at kilusan. Nagaganap ang dekolonisasyon sa Ikatlong Daigdig. Lahat ng ito, sa konteksto ng Cold War. At sa lahat ng ito, mahalaga ang papel ng Estado sa edukasyon.

Nagpapanggap na unibersal na prinsipyo ang neoliberalismo, gaya ng pahayag ni Diokno, pero nakaugat ito at nakatali sa isang partikular na yugto ng kasaysayan. Sa partikular, simula noong dekada 1980, kung saan bunsod ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, mas pinahigpit ng mga monopolyo-kapitalista sa buong mundo ang kontrol sa edukasyon at sa pamilihan ng lakas-paggawa.

May simula ang neoliberalismo, at sa paglakas ng paglaban ng mga estudyante, kabataan at mamamayan ng daigdig, magwawakas din ito.

05 Agosto 2017

 


Lumad sa Puso ng Tu Pug Imatuy

$
0
0

“Bobombahin ko iyan,” sabi ni Pang. Rodrigo Duterte patungkol sa mga paaralan ng mga Lumad matapos ang ikalawa niyang State of the Nation Address noong Hulyo 24. Ilang araw bago iyun, nagprotesta sa Kongreso at ikinulong ng pulisya ang ilang guro ng naturang mga eskwelahan. Tutol sila sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao na nagpapatindi sa militarisasyon sa mga komunidad at paaralan ng mga Lumad – ang mga katutubong mamamayan ng Mindanao na hindi Kristiyano at hindi rin Muslim.

Napanood ko ang indie film na Tu Pug Imatuy, may titulong Ingles na The Right to Kill, matapos ang mga pangyayaring ito. Simple ang kwento, na siguro’y sumasaklaw lang ng tatlo o apat na araw. Sinundan nito ang pang-araw-araw na buhay ng mag-asawang Lumad na sina Dawin at Ubonay. Hanggang sa dumating ang isang iskwad ng militar sa kanilang lugar, dahasin at bihagin sila, at pwersahin silang ituro ang kinaroroonan ng mga rebeldeng New People’s Army. Lumaban sila, tampok si Ubonay, at nanaig.

Huli ko nang napanood ang pelikula. Umani na ito ng maraming awards mula sa film festival na sinalihan nito. Tumanggap na rin ito ng maraming papuri mula sa mga manonood at manunuri. Kung ibabatay sa kasikatan nito sa ilang seksyon ng bansa, madaling makalimutang ngayong 2017 ito lumabas. Pero huli man daw ang manonood, kung mahusay ang pelikula at nananatiling napapanahon ang paksa, marapat pa ring magsulat ng rebyu. Napakahusay ng Tu Pug Imatuy, at lubhang napapanahon.

Una, malinaw at simpleng nailatag ng pelikula ang mas malawak na konteksto ng naratibo nito. At nagkwento lang ito, hindi nangaral. Bagamat hirap, may sariling kakanyahan ang pamumuhay ng Lumad. Nakasalalay ang simpleng buhay nila sa kanilang lupang ninuno o yutang kabilin. Matagal na silang nakatira rito at matagal na nila itong ipinaglalaban. Dumating ang mga kumpanya ng pagmimina at nangwasak. Tutol sila sa pagpasok na ito, kaya dumarating ang militar para ipwersa ito sa kanila.

Ikalawa, ipinakita ng pelikula ang pandarahas sa mga Lumad, pangunahin kina Dawin at Ubonay, ang paglabag sa karapatang pantao nila. Sa husay ng pagpapakita, para na rin itong pagpapadanas sa manonood. Dahil sa pagsahol ng lagay ng bansa, hindi na tanong para sa marami kung totoo ba ang mga paglabag sa karapatang pantao o hindi. Ang totoo, nakakamanhid na ang dami ng ulat tungkol rito. Ito ang binasag ng Tu Pug Imatuy; ipinaramdam nito ang pambababoy, ang makahayop na pagtrato, sa Lumad.

Ikatlo, malinaw at makatotohanan ang paglalarawan sa mga pwersang pampulitika sa kwento. Ang Tu Pug Imatuy, higit sa anuman, ay pagdakila sa paglaban ng mga Lumad sa pang-aagaw sa kanilang yutang kabilin at pandarahas sa kanila. Hindi kataka-taka na pinahigpit nito ang pagkakaisa ng mga nanood na Lumad na nasa Haran, Davao dahil nagbakwit (evacuate) mula sa militarisasyon at ng mga tagasuporta nila. Ito ang kwento ng intelektwal at kolumnistang si Arnold P. Alamon na doon nanood ng pelikula.

Sa unang bahagi, ipinakita ang pagtatalo sa hanay ng militar, sa pagitan ng batang Lieutenant Olivar at matandang Sargeant Villamor – ang kanilang pangalan ay kumbinasyon ng mga mananakop na Amerikano at Espanyol. Ang una, tutol sa malupit na pagtrato sa Lumad ng ikalawa, tila naniniwala sa mabait na pagkuha ng “puso at isip” ng katutubo. Pero sa pagtakbo ng kwento, ipinakita ang pananaig ng malupit na pagtrato, na siya namang totoong nararanasan ng mga Lumad at mamamayang Pilipino.

Mahalaga ang papel ng NPA sa pelikula, bilang kakampi, katuwang at tagapaglingkod ng mga Lumad. Agad makikita ang kaibahan ng hukbo na may babaeng may susing papel kumpara sa militar na puro lalake. Ang NPA ang nagbigay ng kalagayan na sinamantala ni Ubonay para tumakas at lumaban muli. Mas maraming napatay si Ubonay kaysa sa NPA, bagamat ang mahalagang idiin ay magkaisang-hanay silang lumaban. Positibo ang katapusan ng pelikula dahil sa pagsisikap ni Ubonay, at dahil sa tulong ng NPA.

Ikaapat, ipinasilip ang paaralang Lumad. Dahil may mga Lumad tulad ni Dawin na hindi marunong magbilang, nagsisikap ang komunidad na itaas ang karunungan. May mga nagsusuplong man sa mga eskwelahan bilang likha ng NPA, watawat ng Pilipinas ang nakawagayway rito at may larawan pa ni Noynoy Aquino, pangulong nagpaigting ng atake sa mga Lumad. Mayroon itong hukay para pagtaguan ng mga bata kapag binobomba ng mga militar ang eskwelahan, pero walang baril o anumang armas.

Nagtuturo ito ng pangangalaga sa kalikasan at ng “imperyalismong Amerikano” – na bahagi ng kasaysayan, simpleng depensa ng guro sa pelikula. Itong lugar ng pagkatuto ng mga Lumad, ginagawang target ng pandarahas ng militar at gobyerno. Dahil sa mga paaralang ito, ang isang anak ni Dawin ay nangangarap maging guro. Si Lieutenant Olivar, hindi si Sargeant Villamor, ang umihi sa mga gamit sa eskwela. Tila kahit para sa naliliwanagang militar, hindi kapani-paniwala ng nagsasariling pagkilos ng mga Lumad.

Ikalima, mahusay na nailahad ang nilalaman dahil pasado, kung hindi man mahusay, ang porma ng pelikula – mula sa simpleng kwento at payak na diyalogo hanggang sa mahuhusay na mga aktor, mula sa buhay na kuha ng kamera sa mga eksena hanggang sa mapagmuning tutok sa kalikasan. Maraming eksena ang nakakatindig-balahibo. Patunay ang pelikula ng natatanging lugar ng sining sa pagsusulong ng progresibong pulitika at ng pagiging materyal ng progresibong pulitika para sa mahusay na sining.

Pero may pagbaklas din sa mga kumbensyon ng pelikula ang Tu Pug Imatuy. Masasabi na bida ng pelikula si Ubonay, pero hindi siya ang bidang inapi-api lang. Lumaban siya, pero hindi rin sa karaniwang hulma ng mahusay o pinagpala. Masasabi ring nagtagumpay siya sa paglaban, pero hindi ito tagumpay na maningning, mapagbunyi, masigabong palakpakan. Natapos ang kwento, pero walang paramdam na tapos na ang laban. Mahirap at buwis-buhay ang paglaban ni Ubonay, parang ang pakikibaka mismo.

Kapuri-puri ang tapang, talas at husay ng mga nasa likod ng pelikula: Arbi Barbarona (direktor), Arnel Mardoquio (screenplay), Arbi Barbarona at Bryan Jimenez (cinematography), Norhaya Diabo Macusang, Milo Tolentino, Arnel Mardoquio, at Arnel Barbarona (producers) at Malona Sulatan, Jong Monzon, at iba pang artistang gumanap. Pagpupugay sa kanilang lahat! Ang dapat na humabol ngayon ay ang mga pagsisikap na maipalabas ang pelikula sa buong bayan at maging sa ibang bansa.

Interesante ang pagmumuni ni Andrea Malaya M. Ragragio, propesor sa UP-Mindanao at kolumnista, hinggil sa pagpatay. Humalaw siya sa pilosopong si Walter Benjamin para sabihing bagamat kautusan sa Bibliya ang “Huwag kang papatay,” hindi ito nagbibigay ng lahatang paghusga sa mga taong pumatay. Humalaw naman siya kay Slavoj Zizek, isa pang pilosopo, para sabihing ang “banal na karahasan (divine violence)” gaya ng ginamit ni Ubonay ay patunay ng kawalang-katarungan sa mundo.

Ayon kay Ragragio, ang ibig sabihin ng praseng Manobo na “tu pug imatuy” ay “ang pumatay” at ang direktor na ng pelikula ang gumamit ng Ingles na prase para sa “karapatang pumatay.” Kinikilala ng lipunan, at katanggap-tanggap pa nga rito, ang karapatang pumatay sa isang eksaktong pakahulugan – pagdepensa sa sarili laban sa tangkang pagpatay. Ganito ang dinanas ni Ubonay sa kamay ng militar, ang dinadanas ng Lumad sa kalakarang panlipunan na nagsisilbi sa malalaking kapitalistang dayuhan.

Pero nakakapagpaisip ang matatagal na nakatingalang pagtutok ng kamera sa kalikasan. Nag-uudyok ito ng mga pakahulugan na katanggap-tanggap din. Antas-pilosopiya: batas ng kalikasan ang tunggalian, na kapag may nang-aapi, may lalaban, kasama na ang pagpatay sa mga pumapatay. Antas-pulitika, kaugnay ng nauna: sa kanayunan, malayo sa sentro ng kapangyarihan ng iilan, kinakayang magtayo ng Estado ng nakakarami, “espesyal na pampublikong pwersa” sa salita ni Engels, “organisasyon ng karahasan para sa pagsupil sa kung anong uri,” sa salita ni Lenin, may kapangyarihang pumatay.

Sakit ng kalingkingan, ramdam ng buong katawan; ganyan ang pagpapalayas at pandarahas sa Lumad para sa bansa. Sagad ang pagsasamantala, mula manggagawa, magsasaka at iba pang maralita, umaabot sa pag-angkin sa yamang likas sa malayo. Ang mga kababayan nating walang-wala, nabuhay sa sariling kayod na parang kinalimutan na ng sentro ng kapangyarihan, ay biglang naalala – para apihin. Silang nagsisikap bumangon at sumulong, gamit ang kanilang paaralan, ay gustong patagin sa lupa.

Panoorin ang Tu Pug Imatuy at lalong pumanig sa Lumad at bayan.

15 Agosto 2017

 

Judy Kind of Love

$
0
0

Maraming seksyon ng lipunan ang kumokondena ngayon sa pagtanggi, nitong Agosto 17, ng Commission on Appointments sa pagkakatalaga ni Prop. Judy M. Taguiwalo bilang sekretaryo ng Department of Social Welfare and Development. Bukod sa Kaliwa, na maasahan na dahil matagal nang aktibista si Taguiwalo, nagsasalita ang mga pulitiko, pahayagan, personalidad, at maging “social media practitioners” na kilalang kakampi ni Pang. Rodrigo Duterte. Mismong CA ay hindi nakapagbigay ng batayan para sa desisyon at ang Malakanyang ay nagpahayag ng pagkalungkot. Para tuloy karaniwang krimen ang naganap – walang nagsasalita para ipagtanggol, pero nangyayari pa rin.

Alam ng marami, kung hindi man ng lahat, na pasado si Taguiwalo kung kwalipikasyon ang pag-uusapan. Matagal na siyang aktibista – nagtaya ng buhay sa paglaban sa diktadurang US-Marcos at namuhay nang simple – at sa gayo’y malapit sa mga maralita at kakampi nila. Progresibong guro siya ng kolehiyong laan sa Social Work at Community Development, angkop sa DSWD, at humawak ng iba’t ibang katungkulan sa Unibersidad ng Pilipinas. Kasama na ang pagiging kinatawan ng kaguruan sa Board of Regents, pinakamataas na lupong pampatakaran sa UP. At nitong naging sekretaryo siya ng DSWD, ipinakita niyang mahusay siya, maaasahan, at walang kapaguran.

Bakit kung gayon tinanggal ng CA si Taguiwalo sa kanyang katungkulan? Dahil tinutulan niya ang pagbabalik ng sistemang pork barrel ng mga mambabatas kaugnay ng DSWD. Serbisyo nga naman ang ibinibigay ng ahensya, hindi na dapat dumaan sa mga pulitikong gustong magpalakas sa “nasasakupan” at nagsisilbi pang hadlang. Dahil siya’y hindi maku-kurap o “incorruptible,” at ginamit ng mga nagdaang pangulo ang DSWD na daluyan ng kurakot. Paano, madaling magdeklara na ang ganito karaming tao, halimbawa, ay nabigyan ng serbisyo – kahit hindi naman. Dahil, sa madaling salita, hadlang siya sa burukrata-kapitalismo – paggamit ng katungkulan para magpayaman.

Dahil ang maraming maralitang lumalaban ay tiningnan ng DSWD ni Taguiwalo na maralita muna bago lumalaban, at tinulungan: mula sa mga kasapi ng Kadamay na nag-okupa sa Pandi, Bulacan hanggang sa mga Lumad na nakikipaglaban para sa kanilang mga komunidad laban sa militarisasyon. Dahil kinwestyon niya ang balangkas ng World Bank at iba pang makapangyarihang institusyon para sa Pantawid Pamilyang Pilipino at iba pang programa ng ahensya. Dahil tuluy-tuloy siyang nagsasalita mula sa loob ng gobyerno tungkol sa alternatibang programa at mga reporma laban sa kahirapan. Dahil, sa madaling salita, hadlang siya sa imperyalismo, sa paghahari ng US sa ating bayan.

Aktibista si Taguiwalo, at walang iba kundi ang National Democratic Front of the Philippines o NDFP ang nagnomina sa kanya sa pwesto. Progresibong propesor siya, at sa gayo’y namumuhay alinsunod sa prinsipyo – hindi katulad ng mga pulitiko na para sa sariling pakinabang. Babae siya, sariwang hangin sa gabineteng puro lalake at marami pa ang galing pa sa militar na patriyarkal na institusyon. Sa DSWD, inilinaw niyang hindi pwede ang katiwalian at pinabilis at pinaunlad ang mga serbisyo para sa maralita. Sumikat ang kanyang pagtanggi, sa harap ng isang matinding bagyo, na humingi ng tulong sa ibang bansa – sa solidong batayan na sapat ang pondo ng gobyerno.

Kaya tama ang sinabi ni Sass Rogando Sasot, social media practitioner na tagasuporta ni Duterte. Sa ilang pagkakataon, hindi siya kasundo ng mga progresibo, pero sa usapin ni Taguiwalo ay tumpak siya: ang pagkakatalaga ni Taguiwalo sa gobyerno ni Duterte ay nagbigay ng pag-asa sa marami na posible ang pagbabago, bagay na ipinangako ni Duterte mismo. Ngayon, sa pagkakatanggal sa kanya – at ni Gina Lopez, dating sekretaryo ng Department of Environment and Natural Resources – kinitil umano ng CA ang pag-asang ito. Napakalinaw ng kontradiksyon: ang lupon na dapat magtiyak na kwalipikado ang mga nasa gabinete ay nagtanggal ng isa sa pinaka-kwalipikado rito.

Pero hindi makakalusot si Duterte sa pananagutan. Hindi niya sinuportahan si Taguiwalo, tulad ni Lopez noon, sa harap ng CA. Hawak niya ang “supermayorya” ng Kongreso at Senado, at mas malaki ang posibilidad na hindi matatanggal si Taguiwalo kung direkta siyang nag-atas. Ayon pa sa balita, tinanggihan niya ang kahilingan ni Taguiwalo na magkaroon ng personal na pag-uusap. Sa pinakamainam, ginusto ni Duterte na kabigin ang Kaliwa sa pagtalaga kay Taguiwalo sa DSWD. Pero hindi niya kayang panindigan ang mga hakbangin ng maka-Kaliwang sekretaryo laban sa mga makapangyarihan. Manindigan o maging dekorasyon lang? Pinili ni Taguiwalo ang una.

Kabalintunaan, pero nasunod ang panawagan ni Sen. Antonio Trillanes III, dating kritiko ni Duterte bagamat nitong huli’y tahimik. Sabi ni Trillanes, ilang linggo bago ang desisyon ng CA, dapat nang sibakin ni Duterte si Taguiwalo at iba pang maka-Kaliwa sa gabinete. Aniya, may “daan-daang kadre ng CPP-NPA” na nasa mga ahensya ng gobyerno, nag-iipon ng “armas at pambala” na gagamitin laban sa mga sundalo. Wala siyang ebidensya at nagmumula lang ang akusasyon niya sa ideolohiyang anti-Kaliwa at anti-Komunista. Ang presensya pa lang ni Taguiwalo at mga kasamahan sa gabinete, tinitingnan nang masama at banta ng mga militarista’t maka-Kanan sa gobyerno.

Si Manay Judy, nagsalita sa kampuhan ng mga bakwit na Lumad sa UP Diliman noong nakaraang linggo. <b>Larawan mula sa kanyang FB account</b>

Si Manay Judy, nagsalita sa kampuhan ng mga bakwit na Lumad sa UP Diliman noong nakaraang linggo. Larawan mula sa kanyang FB account

Isa na namang masamang senyales ang pagkatanggal kay Taguiwalo ng pagtanggi ng rehimeng Duterte sa makabuluhang reporma at sa “tunay na pagbabago.” Hindi kataka-taka, naganap ito sa gitna ng mabilis na pihit pa-Kanan – pabor sa US at patakarang neoliberal at militarista – ng rehimeng Duterte. Sa gitna ng ekstensyon ng Martial Law sa Mindanao at ng pagpahintulot sa pakikialam ng militar ng Amerika. Sa gitna ng pagkabalam ng usapang pangkapayapaan ng gobyerno at NDFP na dapat ay tatalakay na sa mga repormang sosyo-ekonomiko. Sa gitna ng pagpapaigting ng kontra-maralitang “gera kontra-droga” at pambubuyo ni Duterte ng mas maramihan pang pagpatay.

Sa kalibre ni Taguiwalo, siguradong hindi niya haharapin ang pagkatanggal nang malungkot. May lungkot, marahil, dahil mas malamang ay babalik sa dating gawi ang ahensya, palayo sa paglilingkod sa maralita. Pero tiyak, saanmang porma ng pakikibaka, patuloy siyang maglilingkod sa mahihirap at sa sambayanan. Patok ang kanyang mga pahayag: Mayaman ang Pilipinas, pero naghihirap ang mga Pilipino. May pera ang gobyerno, pero marami ang hindi napupunta sa tao. Sanay akong mag-MRT. Ang pagiging maka-Kaliwa ay paglilingkod nang mahusay, may integridad, at pagmamahal sa bayan. Lagi akong Serve the People. Naghihintay na ang mga kasama ko sa labas.

Larawan ng pagmamahal sa bayan ang buong buhay ni Taguiwalo. “Judy kind of love,” kung hahalaw sa mang-aawit na si Phil Collins. Nitong huli, nagkaroon siya ng pagkakataong ipakita na kaya ng Kaliwa na maglingkod sa bayan nang mahusay kahit sa loob ng ganitong klaseng gobyerno. Pero nakatindig rin ang rekord niya, at ng Kaliwa, ng mas mahusay na paglilingkod sa bayan sa labas nito.

19 Agosto 2017

Featured image: Mula sa meme ng CSWCD Student Council, mula sa larawan ni Efren Ricalde

Talim ng Sining sa Dissident Vicinities

$
0
0

Nakapunta ako sa art exhibit na Dissident Vicinities sa lugar na kung tawagin ay “Bulwagan ng Dangal” sa UP-Diliman. Naroon ang eksibit ng mga likhang-sining simula Agosto 18 hanggang Setyembre 1 ngayong taon.

Ang ibig sabihin ng “dissident,” isang taong tumututol sa opisyal na patakaran, lalo na ng isang Estadong awtoritaryan. Ang ibig sabihin ng “vicinities,” mga lugar na magkakanugnog. Sa titulo, kinukuha ang elemento ng pagtutol na laman ng unang salita para gawin itong kolektibo, na laman naman ng ikalawa. Tumatama ang titulo sa lalong pagiging awtoritaryan ng rehimen ni Rodrigo Duterte – mahigpit na nagpapasunod sa mga mamamayan, sumisikil sa mga personal na kalayaan.

Sa exhibit guide na ipinapamahagi sa bungad, may paliwanag ang nag-organisa ng eksibit, ang curator na si Lisa Ito-Tapang, propesor sa College of Fine Arts sa UP-Diliman, progresibong kritikong pansining, at aktibistang pangkultura. Pokus ng eksibit, aniya,  ang “mga kilusang masa para sa kalayaan, demokrasya at mga karapatan, na nagsisikap protektahan at ipagtanggol ang mga yamang likas, kabuhayan at komunidad.” Ang konteksto ng mga ito: “tumitinding kawalan ng pagkakapantay-pantay sa larangan ng ekonomiya, kolonyal at imperyal na pagpapalawak, at mga pampulitikang kaguluhan.”

Mural ni Pablo Baen Santos na "Internal Refugees" na naka-mount sa Dissident Vicinities exhibit

Mural ni Pablo Baen Santos na “Internal Refugees” na naka-mount sa Dissident Vicinities exhibit

Ang agad na mapapansin ng isang aktibista: marami sa mga likhang-sining ang nakita na nitong nakaraang taon sa mga protesta at iba pang lugar, at sa Facebook o iba pang social media. At positibo ito: ibig sabihin, malapit, kung hindi man nakaugat, sa kilusang masa ang eksibit. Ibig ding sabihin, may antas ng pagiging masigla ang produksyon ng kilusang masa ng mga likhang-sining.

Makikita rito ang “Larawan ng Kapayapaan,” mural na may maraming panel, likha ng mga grupong KARATULA, Tambisan sa Sining, at UGATLahi para sa protesta sa unang State of the Nation Address ni Duterte. Bahagi ito ng paggigiit ng makabayan at demokratikong adyenda ng mga mamamayan sa bagong pangulo. Pawang nakatingala ang mga inilalarawang bidang magsasaka at manggagawa, puno ng optimismo at diwang palaban. Makukulay ang mga obra, nang-eengganyo sa masayang alternatiba at hinaharap na taliwas sa madilim at bulok na lipunang umiiral ngayon.

"Ka Parago" ni Aldrein Silanga

“Ka Parago” ni Aldrein Silanga

Narito rin ang “Ka Parago” ni Aldrein Silanga, mural na nasa gitna ang imahe ni Leoncio Pitao, nilikha bilang parangal sa kumander ng New People’s Army o NPA sa Mindanao. Napatay man siya sa labanan, buhay na buhay si Ka Parago sa larawan at kulay, tulad ng masang Lumad at magsasaka, hukbo, at kilusan na pinaglingkuran niya. Ang laki ng likhang-sining, patunay ng pagpapahalaga sa kanya at ng tapang ng alagad ng sining na lumikha, gayundin ng kilusang masang nangangalaga.

Unang beses ito na makikita ng publiko sa aktwal ang “Buhay-Gerilya,” tesis sa UP College of Fine Arts ni Melvin Pollero na ang larawan ay lumaganap na sa social media. Paglalarawan ito ng iba’t ibang aspeto ng buhay ng NPA gamit ang telang tapeta at chalk – na siya ring gamit ng NPA sa mga talakayang pang-edukasyon sa loob ng sonang gerilya. Ang tumatanaw ng likhang-sining ang binibigyan ng pag-aaral, na simple at madali nilang mauunawaan – kung hindi sila kasama sa uring nagsasamantala, pahabol ng makatang Aleman na si Bertolt Brecht hinggil sa Komunismo.

"Panginoong Walang Lupa" ni Archie Oclos

“Panginoong Walang Lupa” ni Archie Oclos

Nakatindig sa eksibit ang “Panginoong Walang Lupa” ni Archie Oclos, painting ng manggagawang bukid na nakapako sa krus tulad ni Hesukristo. Mapapansin ang bisagra sa likod ng kahoy na sumusuporta sa imahe, na noong Semana Santa ay itinayo ni Oclos – lingid sa awtoridad, estilong gerilya – sa mismong Hacienda Luisita. Panawagan ito na makita sa manggagawang bukid, at sa masa sa kabuuan, ang kaapihang dinanas ni Kristo at ang potensyal na maging tagapagligtas ng sambayanan.

Muli namang nakatanghal rito ang “Makibaka para sa Kalayaan,” painting ni Voltaire Guray, na nilikha niya noong siya’y bilanggong pulitikal at unang ipinakita sa publiko sa eksibit na Timyas ng Paglaya noong 2016. Makikita ang marubdob na pag-aasam sa kalayaan ng mga detenidong pulitikal sa mga imaheng palaban at sa indayog ng maliliwanag na kulay na taliwas sa itim na likuran – kalayaan mula sa pagkakapiit at kalayaan para sa sambayanan.

Tinipon din sa eksibit ang ilang progresibong likhang-sining na nauna nang nalikha para sa iba’t ibang lunan, pero hindi naipamalas nang prominente sa kilusang masa. Muli, patunay ito ng isang antas ng sigla ng gawaing pangkultura ng kilusang masa sa bansa.

Bahagi ng eksibit ang dambuhalang mural na “Internal Refugees” ni Pablo Baen Santos, beteranong progresibong alagad ng sining. Dito, itinatanghal ang reyalidad ng “pagbabakwit,” halaw sa salitang Ingles na “evacuate,” sa bansa. Ramdam ang nakakagalit na sakit at pighati bunsod ng dahas at dislokasyon. Natapos likhain noong 1989 para ipakita ang nagpapatuloy na pasismo sa tabing ng nagbalik na “demokrasya,” napapanahon ang pagpapakita nito ngayong 2017 sa harap ng pagdausdos ng pekeng demokrasya patungong lantad na pasismo.

Maaalala ang kwento ng Komunistang pintor na si Pablo Picasso. Nang makita raw ng isang sundalong Nazi sa Germany ang larawan ng painting niyang “Guernica,” tinanong siya nito: “Ikaw ba ang gumawa niyan?” Ang sagot niya: “Hindi. Kayo.” Pwedeng ipalit si Baen Santos at isang sundalong Pilipino sa kwento kaugnay ng “Internal Refugees.”

Narito ang “Corporate Crusade/The False Prophet,” painting ni Raoul Ignacio “Iggy” Rodriguez, na simpleng pagpapakita ng diyalektikal na pagtatambal at pagiging kambal ng malaking kapitalista at ng makinarya ng panunupil at pananakop. Simpleng paglalantad ito ng tunay na brutal na batayan ng marangal na postura ng sistemang kapitalista.

Sa “Mag-uuma,” maikling sipi sa isang bidyo-dokumentaryo, ipinakita ni Kiri Lluch Dalena ang pag-awit ng isang magsasaka sa Bukidnon na biktima ng militarisasyon noong rehimeng US-Noynoy Aquino. Tungkol sa pang-aapi at paglaban ang awit, at nag-iimbita na alamin ang kwento ng mga mag-uuma at makiisa sa kanila. Ang pagiging payak ng sipi, nagdidiin sa pagiging makatotohanan ng salaysay.

Nasa eksibit din ang “Armaggedon” ni Federico “BoyD” Sulapas Dominguez. Puti at itim ang imahen, kaiba sa karaniwan nang makukulay na likhang-sining ng beteranong pintor. Kakatwa ang mga napiling kulay, dahil tuligsa ang likhang-sining sa impormasyong pinapalabas ng telebisyon o ng midya ng malalaking kapitalista sa kabuuan.

Katangi-tangi naman ang mga drowing ng mga estudyanteng Lumad ng Bakwit School, na nagpoprotesta sa militarisasyon ng kanilang mga paaralan at komunidad. Malinaw ang ipinapakita ng mga payak na drowing: mga bata, mga estudyante, paaralan at militar – kumbinasyong sapat nang umani ng pagkondena sa kalagayan at pakikiisa sa mga biktimang lumalaban.

“Bihag”, by Leonilo Doloricon x Tom Estrera

Images of today’s proletariat, imprisoned and chained; labor dispossessed and made invisible daily. Let us never forget that most of what we claim to possess is borne on the backs and shoulders, yielded by the sweat and blood of the toiling masses.

Preview of ‘Bihag’ (2017), a collaboration between Leonilo Doloricon and Tom Estrera. On view at the Dissident Vicinities exhibit at Bulwagan ng Dangal in UP Diliman.

#dissidentvicinities

Posted by Dissident Vicinities on Tuesday, August 22, 2017

Kapansin-pansin naman ang mga likhang-sining na nagmaksimisa sa mga posibilidad ng porma na ipinapahintulot, o hinihingi pa nga, ng venue ng eksibit na tila museo. Maraming likhang-sining ang multi-media, na humahalaw pa rin, sa iba’t ibang paraan, sa mga naunang porma ng likhang-sining.

Tampok dito ang mga naiilawang larawan at bidyo ng iba’t ibang effigy na nilikha ng UGATLahi Artists Collective sa nakaraang mga taon na nagpapakita ng tuligsa sa iba’t ibang pangulo. Mahusay na naitanghal ang mahalagang papel at praktikal na gamit ng mga effigy sa mga protesta. Ipinapaalala rin ng mismong porma ng pagpapakita sa eksibit ang malakas na rehistro sa telebisyon o anumang screen ng bidyo ng effigy sa gitna ng protesta, lalo na ang pagsunog sa mga ito.

Tampok din ang maiksi at nambabagabag na “Bihag” nina Leonilo Doloricon at Tom Estrera. Ang mga dibuho ng beteranong pintor, pinakilos sa animation ng nakababatang alagad ng sining. Kakatwa: pinagalaw ang mga tao sa imahe – manggagawa, magsasaka – para ipakita, sa kanilang paulit-ulit na pagkilos, ang pagkapako sa isang kalagayan sa sistemang ito na katulad ng bihag.

Narito yata ang pinaka-galit na effigy ni Duterte na nalikha hanggang sa ngayon – ang “Death’s Head” ni Renan Ortiz, hindi magugustuhan ng mga ka-DDS. Hitler at mala-demonyo ang paglalarawan, bunsod ng pamamaslang sa mga pinaghihinalaang adik at sa mga aktibista, sa papaigting na panunupil, at pagtalikod sa mga pangako sa sambayanan. Pinalutang sina Ronald “Bato” dela Rosa ng pulisya at Delfin Lorenzana ng militar, mga nangungunang utak-pulbura sa gobyerno ni Duterte.

Mula sa 'The Rustle of Leaves' ni Karl Castro

Mula sa ‘The Rustle of Leaves’ ni Karl Castro

Sa “The Rustle of Leaves,” ipinakita ni Karl Castro, gamit ang mga dahon, liwanag mula sa likod ng mga ito, at mga imahe ng binti, hita at paa na nakatatak sa mga ito ang pagiging saksi ng kalikasan sa kanayunan sa iba’t ibang tagpo ng presensya ng militar, presensya ng NPA, kabuhayan ng masa, at iba pa. Kakaibang paraan ng pagpapakita, at pagtanaw, sa araw-araw na reyalidad ng tunggalian sa kanayunan.

Isang simpleng painting ang “Objects That Object” ni Henrielle Pagkaliwangan na nagpapakita ng iba’t ibang gamit – plakard, balatengga, effigy, bandila – na iniluwal ng mga protesta. Dito, ang mga bagay na parang hangin na hinihinga na lang para sa mga aktibista, hinango para ipakitang likha at ambag.

Sa “Mayflowers (Stories we only learn through Skype calls and letters)” ni Nathalie Dagmang, ipinalabas ang tamis at pighati ng buhay ng Overseas Filipino Workers at kanilang pamilya, na sentral na sa buhay ng ating bayan. Ipinakitang tagos hanggang pamilya, at hanggang puso, ang epekto ng kawalang-trabaho sa ating bansa, bunsod ng atrasadong agrikultura at bansot na industriya.

Mula sa “Objects That Object” ni Henrielle Pagkaliwangan

Mula sa “Objects That Object” ni Henrielle Pagkaliwangan

May malalaking panel na nagpapakita ng mga pinalaking pahina mula sa Philippine Collegian, opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng UP-Diliman. Ang laman, mga artikulo at larawan tungkol sa malalaking kilos-protesta noong dekada ’70 at ’80. Mayroon ding pinalaking sipi ng serye-seryeng paglilimbag ng librong Philippine Society and Revolution na may titulong “Philippine Crisis and Revolution.”

Natatangi ang “Third from the World” ni Renz Lee sa paggamit ng mga lumang larawan at chalk sa pader para ipakita ang pagkakatulad ng mga bansa sa Timog Silangang Asya pagdating sa dominasyon ng dayuhang kapangyarihan, karanasan sa awtoritaryanismo, at paglaban ng kilusang masa. Para itong pinagandang leksyon sa klase, kung saan pinatampok ang pagiging mahalaga ng mga kilusang estudyante sa paglakas ng buong kilusang masa sa naturang mga bansa. Dito, ang relatibong bagong nilalaman hinggil sa rehiyong kinabibilangan ng bansa, hindi inurungan at hinanapan ng mainam na porma.

Sa pagbubuod, pagdating sa tema, positibo sa Dissident Vicinities ang paglalarawan sa kalagayan ng masang Pilipino, gayundin ang paglalantad sa mga pangulo ng Pilipinas na pawang reaksyunaryo. Kaugnay ng mga aspetong ito, gayunman, makikita ang kahinaan ng hindi pagpaksa nang may diin sa lumalaking hanay ng maralitang lungsod at paghahari ng imperyalismong US sa bansa.

Sekundaryo ang mga punang ito, gayunman, lalo na’t kung ikukumpara sa malaking pangunahing positibo sa eksibit – ang paglalarawan, sa napakaraming buhay na porma, kapwa sa sabayang armado at hindi-armadong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Masasabi ito tungkol sa mga pinaksa ng mga mayor na likhang-sining sa eksibit, ngunit masasabi rin ito kaugnay ng buong eksibit mismo, na maituturing ding bahagi ng naturang pakikibaka. Sana’y maitanghal ito sa maraming lugar at maraming kababayan ang makakita.

30 Agosto 2017

Featured image: Detalye mula sa “Buhay-Gerilya” ni Melvin Pollero

Papel na tigre ang rehimeng Duterte

$
0
0

Magkakasunod ang eskandalong bumabayo sa gobyerno ni Rodrigo Duterte. Kaliwa’t kanan din ang mga krimen nito sa sambayanan. Sa ganitong kalagayan, may mga nagtatanong: Popular pa ba si Duterte sa mga mamamayan? Kung oo, bakit?

Sa kanyang artikulong“The Duterte dispensation,” sinikap ng komentaristang si Lisandro “Leloy” Claudio na sagutin ang mga tanong na ito. Bakit nananatiling mataas ang popularidad ni Duterte sang-ayon sa mga survey? Binagabag ng tanong na ito si Claudio, dating lider-kabataan ng Akbayan, ngayo’y lantad na maka-Kanan, at konsistent na anti-Komunista.

Aniya, popular si Duterte dahil naghapag ito ng makapangyarihang “dispensasyon,” “naratibo,” o “kwento.” Halaw ang unang salita sa konserbatibong historyador na Amerikanong si Mark Lilla. Sa isang panayam, sinabi ni Lilla na tinutukoy ng salita ang “partikular na mga palagay (assumptions) tungkol sa kung ano ang mahalaga sa pulitika – ano ang pwedeng sabihin, ano ang hindi sinasabi, ano ang wika ng mga debate…” Ang totoo, hindi na bago ang konsepto, at may kahawig na matagal nang tinatalakay ang Amerikanong liberal-progresibong pilosopo na si George Lakoff.

Anu’t anuman, popular daw si Duterte ayon kay Claudio dahil binabago nito “kung ano ang ibig sabihin ng mamamayang Pilipino.” Ang kwento raw nito: pinagmukhang masama ng mga naghaharing uri ang diktadura, pinalabas na demokrasya ang solusyon, pero hindi gumana ang demokrasyang ito. Mali ang mga oligarko, biased na midya, mga Amerikano, at mga liberal. Tanging karaniwang tao at si Duterte ang tama, at kailangang tulungan si Tatay Digong.

Tila ipinagpapalagay ni Claudio na nanalong pangulo si Duterte sa eleksyon dahil sa naturang “dispensasyon.” Pero hindi niya naipaliwanag kung bakit naging makapangyarihan ang “dispensasyon” na ito. Tiyak, iniiwasan niyang kilalanin ang anumang totoo sa kwento ni Duterte, partikular ang pagiging palpak ng “demokrasya” sa bansa na magdulot ng pagbabagong pabor sa mga mamamayan. Pero mas mahalaga, kapos ang pag-unawa niya sa aktwal na takbo ng pulitika.

Sa kalakhan, ideyalista sa pilosopiya ang paliwanag ni Claudio kung bakit popular si Duterte. Gumawa ng dispensasyon o kwento at maging popular sa mga mamamayan; tila ba ganoon kadali ang pulitika. Pabor ang paliwanag na ito sa mga intelektwal na tulad niya, dahil inilalagay nito sila sa gitna ng pulitika ng bansa.

Tugma rin ang ganitong paliwanag sa pagkamuhi ni Claudio sa Kaliwa – na siniraan niya sa artikulo. Aniya, ang Kaliwa lang ang may alternatibang “dispensasyon” kay Duterte, pero dapat itong ibasura ng mga mamamayan. Walang anumang ebidensya, sinabi niyang ang alternatiba ng Kaliwa ay lipas na sa panahon, uhaw sa dugo, lantarang bobo, at iba pa.

Tutol man si Claudio kay Duterte, ang ideyalismong pilosopikal niya sa kasaysayan ay naglilingkod sa mga naghahari sa lipunan. Isinasantabi nito ang materyal na reyalidad ng sambayanan at ang tunggalian ng mga uri at mga pwersang pampulitika. Sa dulo, binabanatan pa nito ang Kaliwa – na siyang lilikha, sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos nito, ng materyal na pwersa na lalaban at magbabagsak sa rehimen ni Duterte.

Mas lapat sa lupa at maalam sa pulitika ang pag-unawa ng mga manunuring pampulitika na kritikal kay Duterte at bukas ang pag-iisip sa Kaliwa. Si Tony La Viña, halimbawa: “Ikinagagalak ko ang pagpasok ng pambansa-demokratikong Kaliwa sa koalisyong ito para itigil ang pamamaslang. Ang totoo, sa mga grupong pampulitika, sila lang ang may mga organisasyong masa na pwedeng maging nasa unahan ng mga protesta at iba pang sama-samang pagkilos.”

Duterte at mga opisyal ng Philippine National Police: Dapat managot sa mga abuso sa ilalim ng giyera kontra droga. Presidential Communications

Kilalanin natin: popular, popular pa rin, sa mga mamamayan si Duterte. Pero bakit? Kung matatandaan, hindi malakas na nagsimula si Duterte bilang kandidatong presidente. Abril 2016 na siya nanguna sa mga survey, isang buwan bago ang halalan. Ang mayroon siya sa simula, lalong malinaw na ngayon, ay solidong alyansa – kasama ang mga Marcos, si Gloria Macapagal-Arroyo, isang hanay sa militar at pulisya, at malamang ay China.

Pinalaki niya ang pinsala at panganib ng droga at nangako ng mapagpasyang paglutas. Matapang siyang nangako ng mga repormang matagal nang hinihingi ng maralita at mamamayan – bagay na kumabig din sa isang seksyon ng Kaliwa. Pinag-iba niya ang sarili hindi lang sa mga kandidato ng Liberal Party, kundi sa mga tradisyunal na pulitiko. Ang lahat ng ito, ipinakete niyang “Tunay na Pagbabago.”

Sa proseso, lumakas ang kanyang kampanya at nakuha niya ang botong protesta laban sa rehimen ni Noynoy Aquino. May solido siyang alyansa at may hatak na mas malawak sa alyansang ito. Dumating ang Mayo 09 nang papalakas ang suporta sa kanya. Pero 38 porsyento lang ng boto sa pangulo ang nakuha niya – mas malaki na bilang kumpara sa ibang pangulo, pero mas maliit na porsyento kumpara sa kanila.

Tiyak, pagkatapos niyang manalo sa eleksyon, marami pang sumuporta sa kanya. Kalakaran ito, likha ng diskurso ng “demokrasya” ng US at mga naghaharing uri sa bansa: awtomatikong pagsuporta sa sino man ang nanalo, pagpapailalim sa mayorya, pagbibigay-tsansa sa nanalo, pagkakaisa ng bansa para sumulong. Makikita ito nang mahalal si Noynoy Aquino, kahit ang pangako lang niya ay anti-katiwalian at hindi mga sosyo-ekonomikong reporma.

Pero mas malamang, malaking bahagi ng tagasuporta ni Duterte ang pasibo. Iyung napapayapa ng mga simplistikong paliwanag ng mga propagandista ni Duterte sa iba’t ibang isyu: halimbawa, na pulis na dilawan ang pumatay kay Kian delos Santos para “isabotahe” ang gera kontra-droga at idiin si Duterte.

Minimal ang nakamit sa pagsisikap na itransporma ang pasibong suportang ito sa aktibong pagsuporta, sa porma ng tinawag na “Kilusan para sa Pagbabago.” Pero nabuo man ito o hindi, ang tiyak, ang mga mapanuring tagasuporta ni Duterte – iyung mga tumangan sa pangako niyang “Tunay na Pagbabago” at nangampanya sa batayan nito – ay kritikal na rin ngayon sa kanya, at posibleng tumutuligsa. Mas malamang, masasandigan sila para himukin ang kanilang mga ka-DDS na maging mas mapanuri, magpahayag at lumaban.

Ang mahalaga ngayon: matibay ang mga isyu laban kay Duterte. Ang mahalaga ay ang mga abanteng masa – handang magpalalim ng kaalaman sa mga isyu, handang kumilos. Hanggang makabuo ng kritikal na bilang ng masa para labanan ang mga patakaran ni Duterte – at posibleng para patalsikin siya.

Kung matatandaan, hindi mayorya ng sambayanan ang nasa Edsa noong 1986 at 2001, pero nakapagpatalsik ng pangulo. Ang dahilan: batayang moral sa pagpapatalsik, at kritikal na bilang ng masa ng mamamayan na tuluy-tuloy na kumilos laban sa nakaupong pangulo ng bansa.

At alam ito ni Duterte. Ang tugon niya, bukod sa pagtatangkang linlangin ang malawak na masa, ay ang paglikha ng mga banta sa iba’t ibang pwersang pampulitika sa banta. Mga kasong impeachment, banta, aktwal na atake, pagmumura, at iba pa.

Hindi awtomatiko, gaya ng inaasahan ni Claudio, na ang mga mayor na eskandalo ay makakapagpababa ng popularidad ng pangulo – lalo na kung bago pa lang sa pwesto. Mas ang tiyak: nakakapagbukas ang mga ito ng kaisipan ng malawak na masa ng sambayanan.

Walang tagumpay na hindi pinaghirapan, at lumalarga na ang mas malaganap na pagpapaliwanag, pagtatalakay at pag-oorganisa – sa pangunguna ng Kaliwa, syempre pa.

Noong simula ng rehimen ni Duterte, malinaw ang tindig at pagkilos ng Kaliwa. Itinulak ang mga pangakong pagbabago para sa sambayanan, tinutulan ang pamamaslang sa “gera kontra-droga,” at nilabanan ang pagpabor sa masasamang pwersang pampulitika sa bansa – Marcos, Arroyo – at ang pagpapailalim sa China.

Sa tinakbo ng mga pangyayari, gayunman, tinalikuran ni Duterte ang mga pangakong pagbabago, pinaigting ang pamamaslang sa “gera kontra-droga,” at tinodo ang pagpabor sa masasamang pwersang pampulitika.

Malinaw na priyoridad niya ang “gera kontra-droga.” Sa paggamit ng dahas sa kampanyang ito, lalo niyang pinalalim ang utang na loob niya sa militar at pulisya. Sa gayon, pinalalim niya ang kontrol ng mga ito sa kanya – mga institusyong sagad-sagaring maka-US, reaksyunaryo at militarista, na kalaban ng mga ipinangako niyang pagbabago.

Sa kabilang banda, kalat-kalat na sabi-sabi at bara-barang hakbangin ang mga pangako niyang pagbabago. Malinaw na wala siyang plano kung paano ipapatupad ang mga ito – mahusay na pagkakasunud-sunod, pagtukoy sa susing hakbangin, at iba pa. Lalong malinaw na walang planong papalalim ang mga pagbabagong ito.

Sa ganitong kalagayan, kinailangan lang ng krisis sa Marawi para maging lantad ang pangingibabaw ng naratibo ng US laban sa terorismo, itali ang gobyerno ni Duterte sa pakikialam ng US, at manumbalik sa kalakarang Noynoy ang gobyerno kaugnay ng US at militar at pulisya.

Prinsipyado samakatwid ang pagtuligsa ng Kaliwa kay Duterte, at nakabatay sa kagalingan ng sambayanang Pilipino. Na hindi masasabi tungkol sa Liberal Party at Akbayan, sa mga dilawan. Ang galit nila kay Duterte, iyung galit ng nawala sa kapangyarihan at gustong makabalik. Ang pakay nila, sariling interes sa kapangyarihan, sa paghawak sa gobyerno, hindi ang mapatigil ang kawalang-katarungan at pagpapahirap na ginagawa sa sambayanan.

Kaya naman ang tanging isyu ng mga Dilawan, iyung pinakalutang: pamamaslang sa gera kontra-droga at pagpabor sa mga Marcos. Malinaw ang pagsaludo ni Claudio, halimbawa, sa mga opisyal sa larangang pang-ekonomiya ng gobyerno ni Duterte.

Kakatwang basahin si Duterte bilang teorya ng pagkuha ng kapangyarihan. Sa kampanyang elektoral at kagyat pagkatapos ng eleksyon, magmantine ng alyansa at hikayatin ang suporta ng mga mamamayan. Pagkatapos ng eleksyon, maghari hindi sa pagtupad sa mga pangakong umani ng suporta ng mga mamamayan kundi sa pamamagitan ng dahas – pag-aalaga sa pulisya at militar – habang minamantine ang pasibong pagsuporta ng mga mamamayan.

Maaaring baguhin nang bahagya ang isang sipi mula sa talumpati sa panunumpa ni John F. Kennedy bilang pangulo ng US: Ang namumuno sa pamamagitan ng pagsakay sa likod ng tigre ay magtatapos sa loob ng tiyan nito.

Kung mayroon mang persepsyon na pumapabor kay Duterte, sa kabila ng mga krimen niya, ay iyung hindi niya ginagawa ang mga ito para sa sariling pakinabang. Pinapalabas pa ngang nagsasakripisyo, tinatanggap ang pagiging hindi ligtas, sa ngayon at sa hinaharap, para mapawi ang perwisyo ng droga sa bansa.

Pero mahalaga ang buhay at masama ang pumatay nang walang karampatang proseso, lalo na ng mga maralita. Sa “gera kontra-droga,” ipinapakita ni Duterte ang kawalan ng kagyat na pagpapahalaga sa buhay. Sa mga patakarang pang-ekonomiya niya, ipinapakita niya ang kawalan ng pagpapahalaga sa buhay sa matagalan – mahigpit na magkaugnay ito. Kaya nga mahalaga ring igiit na ang “gera kontra-droga” ay nakatuntong, sa maraming paraan, sa mga patakarang pang-ekonomiyang matagal nang ipinapatupad sa bansa.

10 Setyembre 2017

 

Hindi Hinihingi ang Respeto

$
0
0

Klasiko ang “Gangsta’s Paradise,” kanta ng rapper na si Coolio na lumabas noong 1995. Pumapatungkol ito sa kahirapan, krimen at karahasan na kinapapalooban ng mga Negro o Aprikano-Amerikano sa US. Pamilyar sa marami ang umpisa nito: “As I walk through the valley of the shadow of death, I take a look at my life…

Sa rehimen ni Rodrigo Duterte, parang naglalakad ang mga maralita, at buong bayan, sa “valley of the shadow of death” na sinasabi ni Coolio. Tulad ng mga Aprikano-Amerikano, sangkot sa sitwasyon natin sa kahirapan, krimen at karahasan. Ginegera ang sambayanan sa tatlong pangalan: “droga,” “teroristang Muslim,” at “Komunista.”

At bilang bansa, nagsisikap tayong gayahin ang persona sa kanta: “I take a look at my life.” Ang pelikulang Respeto na idinirehe ni Treb Monteras II at lumabas ngayong taon ang unang resultang pelikula ng ganitong pagsuri sa ating buhay.

Ang rapper na si Abra (kaliwa) bilang Hendrix, at si Kate Alejandrino na gumanap sa karakter na si Candy.

Ang rapper na si Abra (kaliwa) bilang Hendrix, at si Kate Alejandrino na gumanap sa karakter na si Candy.

Nakasentro ang pelikula kay Hendrix, maralitang kabataan na mahilig mag-rap. Ipinakita ng pelikula ang buhay niya: palamunin ng bayaw niyang tulak ng droga na walang ginawa kundi makipagtalik sa kapatid ni “Drix.” Nagmahal ng isang prostitute. Ilang ulit nautusang maghatid ng droga. Nagnakaw, nahuli ng pulis, bumarkada, nangulit, nakipagkulitan, nabugbog. Dalawang beses sumali sa fliptop; ang ambisyon talaga ay manalo sa labanan ng rap.

Pangalawang tampok na karakter si Doc, matandang may pinag-aralan at, malalaman natin sa pelikula, pinagdadaanan. Lalabas na aktibista siya bago ang deklarasyon ni Ferdinand Marcos ng Batas Militar. Biktima siya ng tortyur at pandarahas, kasama ang asawa’t anak. Dati siyang makata, sa tradisyong Balagtasan, na tumigil magsulat dahil sa sinapit na kalupitan.

Sa pamamagitan nila, nailarawan ang pandarahas noong panahon ng diktadurang Marcos at ngayong panahon ng rehimeng Duterte – at ang kanilang ugnayan. Walang gatol ang pelikula: sine ito sa panahon ng Tokhang, ng pagpatay sa mahihirap, ng panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan, at ng paghahari ni Duterte. Ito ang laman ng telebisyon at radyo, at lalo na ng mga kalsada at komunidad sa gabi – sa kasong ito, sa Pandacan, Maynila.

Sa pamamagitan nina Drix at Doc, naipakita ang dalawang tradisyon ng pagtula sa labas ng mga paaralan sa dalawang panahon at ang pag-uugnayan ng mga ito. Mahalagang ipaalala: may panahon sa bansa na naging uso ang Balagtasan, tulad ng fliptop – humahatak ng maraming manonood at umaakit ng maraming nag-aambisyong maging makata.

Pansin ng komentaristang si Inday Espina-Varona, “Ginagamit ni Duterte ang mga salita na parang maso (sledgehammer)” sa layuning “patahimikin ang mga kritiko.” Si Duterte, ang fliptop at ang Balagtasan – lahat nagpapakita ng kapangyarihan ng salita, lalo na’t nakatutok sa kalaban. Pero sa ngayon, malinaw kung sino ang may salitang makapangyarihan. Makakatulong kaya sa paglaban sa kanya ang fliptop? Eh ang Balagtasan?

Dilat na dilat ang pelikula sa reyalidad ng pananalasa ng droga sa mga maralitang komunidad. Makikita ito sa buhay ni Hendrix – sa bayaw at kapatid niya, mga barkada, mga kapitbahay, at maging sa babaeng minahal niya.

Pero ang kakaiba at matapang sa pelikula, ipinakita nitong ang maliliit na tulak, iyung nasa mga kalsada, ay kasabwat ng mga pulis. Panis! Ang totoo, isang sistema na tamang tawaging “bulok!” at batbat ng krisis.

Ayon sa pelikula, ang pagpatay sa maliliit na tulak at adik, at mga pinaghihinalaan, ay paglilinis na ginagawa ng pulisya – tinatanggal ang mga hindi nakakabenta nang sapat, hindi nag-eentrega nang lahat, o pwedeng sumatsat at magsiwalat.

Sa isang banda, paliwanag din ito ni Duterte at ng kanyang mga troll at tagapagtanggol. Bakit maraming pinapatay na pinaghihinalaang tulak at adik? Naglilinis ang mga sindikato! Sa kabilang banda, kung kasabwat ang pulisya – na siyang mas malamang na katotohanan! – nakakalusot ang makapangyarihan at hindi matatapos ang problema sa pamamagitan ng pagpatay.

Ang pulis sa pelikula ay anak ni Doc. Sa kagyat, palaisipan ito: Saksi siya sa pagtortyur sa kanyang ama at paggahasa sa kanyang ina, at alam niya na kaya nagpakamatay ang kanyang ina ay dahil sa karanasang ito. Paano niya nagawang maging pulis, maging katulad ng mga nagparanas ng kalupitan sa pamilya niya?

Hindi misteryo ito, at lalong malinaw ngayon. May mga biktima ng karahasan ng Estado na galit dito, at naninindigang magalit dito – gaya ni Doc. Mayroon namang mga biktima nito na hindi nakikitang biktima sila nito, humahanga pa nga rito, at katunaya’y ginugustong maging instrumento nito – tulad ng anak niya. Hindi lahat ng pulis ay ganoon, bagamat mayroon. At hindi sa pulis lang ito totoo.

Hindi romantiko ang paglalarawan ng pelikula sa kahirapan. Maaamoy mo ang baho ng estero sa araw at ang simoy ng tahimik na kalsada sa gabi. Ipinakita ang pagtutulungan ng barkada at ang kalupitan ng karibal na barkada. Ang pambubrusko at pagmamahalan sa pamilya. Kung paanong kapwa may ginto at basura sa dominanteng kultura ng masa. Ang kakayahan ng masa na mapangwasak at mapagbuo.

Pero sa lahat ng ito, ipinakita ang mahihirap bilang mga tao – humihinga, may damdamin, nakakasakit oo pero nasasaktan din. At maraming masakit sa kanila sa pelikulang ito – na ipinaramdam sa manonood. Kakatwa, pero nagawa ng pelikula ang lahat nang ito sa paraang mas nagpapakita ng tibay, kulit at gaslaw ng mahihirap. Astig!

Likhang-sining ito na sumusugat sa pagkamanhid na dulot ng paulit-ulit nang balita ng pagpatay, saan pinatay, paano pinatay, saan itinapon at iba pa.

Napakahusay ng pelikula sa pagbuhay ng damdamin ng manonood. Kapani-paniwala ang mga nagsipagganap, buhay na buhay ang tunog at larawan ng mga eksena. Maraming bahagi ang nagpapatindig ng balahibo: ang kwento ng buhay ni Doc, mga labanang fliptop, pagmamahal ni Hendrix at nangyari sa kanyang minahal, pagmumulto ng nakaraan ni Doc. At ang dulo. Syempre pa, ang dulo! Bang! Ganoon kalakas!

Buong panahon, hahangarin mong manalo si Hendrix sa fliptop. Pero magtatagumpay pala siya hindi sa pagpapakawala ng dahas ng pagbigkas, kundi sa pagbigkas ng dahas.

Rap battles sa pelikulang 'Respeto'.

Rap battles sa pelikulang ‘Respeto’.

Ibinubuyo ng katapusan ang sentimyentong naglalabasan ngayon: na dapat talagang “manlaban” ang mahihirap, mag-armas sa mga komunidad, at barilin din ang mga pulis o mga tauhan nila na walang-awang dumudukot at pumapatay, at nananambang ng mahihirap.

Ipinapaalala nito ang karanasang pinaghalawan ng hip-hop at marami pang bahagi ng kulturang popular sa ating bansa – ang mga Aprikano-Amerikano. Oktubre 1966, itinatag sa Oakland, California ang Black Panther Party for Self-Defense. Armadong grupo ito ng mga Negro na ang layunin: ipagtanggol ang kanilang mga komunidad laban sa rasistang pandarahas at pamamaslang ng mga Puti.

Ibayong dumi at karahasan ang pinawalan ng gobyerno ng Amerikkka laban sa Black Panthers hanggang sa madurog ito. Bukod pa diyan, mulat na ipinasok ang droga sa grupo para pahinain ang diwang palaban nito. Hinati at pinag-away-away ang mga Aprikano-Amerikano sa pamamagitan ng mga gang.

Hanggang sa ang mga baril na gamit laban sa mga puti, itinutok na rin ng mga Negro sa kanilang kalahi. Kakatwa, pero droga at gangs ang laging ibinibida ng dominanteng rap – kaiba sa progresibong rap! – ng mga Aprikano-Amerikano. Kahit ang “Gangsta’s Paradise” ni Coolio, nagtapos sa kawalan ng pag-asa, na hindi kayang wakasan ang marahas na kalakarang rasista.

Pero totoo ang ngitngit, ang galit na nararamdaman ng maraming maralita at kahit hindi maralita sa pagpatay sa mahihirap sa bansa – pinaghihinalaan mang adik o tulak, o Lumad sa Mindanao o magsasaka sa kanayunan. Wala namang nangyari sa ibinidang pangakong pagbabago, kaya sumasahol na ang lagay ng mga Pilipino’y may dagdag pang pandarahas ngayon.

May mga nag-iisip na dapat manlaban nang armado ang mga maralita sa loob ng mga komunidad sa mga lungsod o karatig-bayan. Maaari. Pero ang may mahabang karanasan ng armadong paglaban sa bansa ay nasa kanayunan – ang New People’s Army o NPA. Hindi matalu-talo dahil nasa mga lugar kung saan pinakamahina ang militar at gobyerno.

At sasabihin siguro ng NPA: hindi personal na galit lang, kundi poot ng buong sambayanan. Hindi personal na paghihiganti, kundi paghahanap ng katarungan para sa bayan. Hindi pagpatay sa isa, iilan o maraming pulis; “I shot the sheriff,” awit ni Bob Marley, “but I did not shoot the deputy” kaya laging may papalit. Kundi pagbago sa sistema na sabay na naglululong sa mahihirap sa droga, krimen at karalitaan, at todong nandadahas sa kanila.

Kung may kahinaan man ang pelikula, patungkol iyan sa kapani-paniwalang pagtatahi ng kwento. Pero tila hindi ito alintana ng maraming nagpapabaha ng todong papuri. Kung tutuusin nga naman, napakaliit lang ng kahinaan ng napakagaling at napakatapang na pelikulang ito.

Marami na ang nagbigay ng pakahulugan sa titulo nito. Sabi ni Mao Zedong, rebolusyunaryong Tsino, “ang kapangyarihang pampulitika ay nagmumula sa dulo ng baril.” Siguro, ganoon din ang respeto para sa mahihirap – hindi hinihingi, kundi nakakamit lang kapag gamit ang armas laban sa mga naghahari. May panahong hindi na lang tatakbo para tumakas ang mahihirap na inaapi at dinadahas.

Panoorin ang Respeto! Nagpapaalab ng paglaban na parang baril na nakatutok sa mga naghahari at gobyerno.

02 Oktubre 2017

Viewing all 151 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>